Ang Matututuhan Natin sa Kalikasan
Ang Matututuhan Natin sa Kalikasan
“Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon.”—Awit 104:24.
GINAGAMIT ng marami ang salitang “kalikasan” para tumukoy sa nagdisenyo sa mga nabubuhay na bagay. Halimbawa, sa isyu ng Marso 2003 ng magasing Scientific American, sinabi nito: “Sa lahat ng dinisenyo ng kalikasan na balot sa katawan, balahibo ang pinakamisteryoso at may pinakamaraming uri.” Bagaman posibleng iniisip ng manunulat na isa lamang puwersa ang kalikasan, sinasabi niyang “dinisenyo” ng kalikasan ang balahibo. Makakapagdisenyo ba ng mga bagay-bagay ang isang puwersa?
Ang salitang “magdisenyo” ay nangangahulugang “magplano (ng isang bagay) nang may espesipikong layunin o intensiyon.” (The New Oxford Dictionary of English) Persona lamang ang makakagawa nito. Kung paanong may pangalan ang mga imbentor, may pangalan din ang Maylalang. Si Jehova ang Maylalang ng kalikasan. Siya lamang “ang Kataas-taasan sa buong lupa” na ‘lumalang sa lahat ng bagay.’—Awit 83:18; Apocalipsis 4:11.
Ano ang matututuhan natin sa mga nilalang? Ang pinakamahalagang matututuhan natin ay tungkol kay Jehova at sa kaniyang kamangha-manghang mga katangian, pati na ang kaniyang karunungan. “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Natutuhan natin sa kalikasan na nakahihigit ang karunungan ng Diyos kaysa sa karunungan natin. Kung mas mahusay siyang magdisenyo kaysa sa mga imbentor, tiyak na mas maganda ang mga payo niya kaysa sa mga payo ng tao.
Ang mga payo ng Diyos ay pangunahin nang masusumpungan, hindi sa “aklat ng kalikasan,” kundi sa Bibliya, ang kaniyang nasusulat na Salita. Makikita mo rito ang napakaraming praktikal na karunungan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.”—2 Timoteo 3:16.
Sa palagay mo, gusto kayang makipag-usap sa atin ng Disenyador ng ating sangkap sa pagsasalita? Makatuwirang isiping oo.
Kung nananabik kang pag-aralan ang tungkol sa mga imbentor, tiyak na lalo kang mananabik na pag-aralan ang tungkol sa Maylalang. Halimbawa, malamang na gusto mong masagot ang mga tanong na gaya ng: Bakit tayo nagdurusa at namamatay? Ito ba talaga ang layunin ng Diyos para sa tao? Kung hindi, bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa?
Aminin man ng mga siyentipiko o hindi, natuto silang magdisenyo sa tulong ni Jehova. Marami ka ring matututuhan mula sa ating Maylalang. Halimbawa, malalaman mo kung paano magiging maligaya ang mag-asawa, kung paano matagumpay na mapapalaki ang mga anak, kung ano ang layunin ng Diyos sa lupa, at marami pang iba na tutulong sa iyo na magkaroon ng makabuluhang buhay. Ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay makakatulong sa iyo na makinabang nang malaki sa Salita ng Diyos.