Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Krisis sa Tubig—Ano ang Ginagawang Solusyon? (Enero 2009) Hindi ako sang-ayon sa konklusyon ng artikulong ito. Sa halip na pasiglahin ang inyong mambabasa na makipagtulungan sa pagtitipid ng tubig, sa paggawa ng mga balon, o sa pag-iisip ng iba pang solusyon, sinasabi ng artikulo: “Nasa kamay ng Diyos, hindi ng tao, ang talagang solusyon sa krisis sa tubig” at bukod diyan, layunin niyang “‘gawing bago ang lahat ng bagay.’ (Apocalipsis 21:5)” Maganda naman ang balitang iyan, pero hindi ba mas maganda kung kikilos muna tayo ngayon? Napakaraming problema sa mundong ito. Kahit na may solusyon na ang Diyos sa mga problema, hindi tayo dapat basta maghintay na lang at hayaan ang Diyablo na gawin ang gusto niya.
S. S., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Hindi layunin ng nasabing artikulo na ipahiwatig na wala nang responsibilidad ang mga tao na kumilos para mapabuti ang kalagayan natin. Gaya ng sinasabi ng artikulo, “Ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ang pangangalaga sa planetang ito.” Sa katunayan, marami na kaming inilathalang artikulo sa aming mga magasin na nagpapasigla sa mga mambabasa na gamitin nang wasto ang likas na yaman ng lupa at tumulong sa pangangalaga sa ating kapaligiran. Pero nakakalungkot, nababale-wala ang pagsisikap ng tao na ingatan ang likas na yaman ng lupa dahil kadalasan nang mas nabibigyang-pansin ng pamahalaan ang pag-unlad ng ekonomiya kaysa sa pangangalaga sa ating kapaligiran. Nariyan din ang kasakiman at pagiging makasarili ng di-sakdal na mga tao. Iyan ang dahilan kung bakit namin sinasabing “nasa kamay ng Diyos . . . ang talagang solusyon sa krisis sa tubig.”
Lupa—Dinisenyo Para Panirahan (Pebrero 2009) Sa panahong ito na puro na lang masasamang balita tungkol sa pag-init ng globo ang isinusulat ng media, gumaan ang loob ko nang mabasa ko ang seryeng ito. Napanatag din ako nang malaman kong hindi naman pala madilim ang hinaharap ng lupa. Sa halip, sa literal at espirituwal na diwa, magiging paraiso ito kung saan maninirahan nang payapa ang mga tao. Maraming salamat sa inyo.
M. H., Hapon
Hindi Naging Hadlang sa Akin ang Dyslexia (Pebrero 2009) Mayroon din akong dyslexia, at hindi ko lubos na nauunawaan ang kalagayan ko hanggang sa maging misyonero kaming mag-asawa at mag-aral ako ng ibang wika. Napatibay ako nang husto ng istorya ni Michael Henborg na natuto ng iba’t ibang wika sa kabila ng kaniyang dyslexia, pati na ng kahon sa pahina 22 dahil doon ko naunawaan kung ano ba talaga ang dyslexia. Maraming salamat sa inyo.
M. M., Tanzania
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Gagawing Kawili-wili ang Pagbabasa ng Bibliya? (Abril 2009) May problema ako sa paningin kaya gumagamit ako ng Braille sa paaralan. Gustung-gusto ko talaga ang mga publikasyon ninyo kasi natutulungan ako nito na mapagtagumpayan ang marami sa mga problema ko. Madalas kong pakinggan ang inyong mga cassette at CD bago matulog para mapuno ng positibong bagay ang isip ko. Mga limang beses ko nang napakinggan ang artikulong ito at nakakuha ako ng mga ideya kung paano ko pa mapapabuti ang personal na pag-aaral ko.
S. H., Pransiya