Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Makakatulong Kaya sa Relasyon Namin ang Sex?
Dalawang buwan pa lang na boyfriend ni Heather si Mike, pero pakiramdam niya, matagal na silang magkakilala. Lagi silang nagte-text sa isa’t isa at inaabot nang ilang oras sa pag-uusap sa telepono. Kabisado na nga nila ang linya ng isa’t isa! Pero isang gabi, habang nasa loob ng kotse, iba na ang gustong gawin ni Mike.
Sa nakalipas na dalawang buwan, hanggang hawakan lang sila ng kamay at maikling halik. Ayaw ni Heather na lumampas pa roon. Pero ayaw din naman niyang maiwala si Mike. Si Mike lang ang nagpapadama sa kaniya na siya ay maganda at espesyal. ‘Tutal,’ ang katuwiran niya, ‘nagmamahalan naman kami ni Mike.’
MALAMANG na alam mo na kung saan patungo ang eksenang ito. Pero ang malamang na hindi mo alam ay kung gaano kalaki ang magiging epekto ng sex kina Mike at Heather—tiyak na hindi maganda.
Isipin mo ito: Kung lalabagin mo ang mga pisikal na batas, gaya ng batas ng grabidad, tiyak na mapapahamak ka. Ganiyan din kung moral na batas ang lalabagin mo, gaya ng: “Umiwas kayo sa pakikiapid.” * (1 Tesalonica 4:3) Ano ang kahihinatnan ng pagsuway sa utos na iyan? Sinasabi ng Bibliya: “Siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Corinto 6:18) Paano? Isulat sa ibaba ang sa tingin mo’y tatlong masasamang epekto ng pakikipag-sex nang hindi pa kasal.
1. ․․․․․
2. ․․․․․
3. ․․․․․
Ngayon, tingnan ang sagot mo. Isinulat mo ba ang mga bagay na gaya ng pagbubuntis, mga sakit na naililipat sa pagtatalik, o pagkawala ng pagsang-ayon ng Diyos? Tiyak na ito ang masaklap na mangyayari sa sinumang sumusuway sa moral na batas ng Diyos tungkol sa pakikiapid.
Pero baka matukso ka pa rin. ‘Walang masamang mangyayari sa akin,’ ang malamang na ikatuwiran mo. Tutal, lahat naman ay nakikipag-sex, hindi ba? Ipinagyayabang ng mga kaeskuwela mo ang mga karanasan nila sa sex, at mukhang wala namang masamang nangyayari sa kanila. Baka tulad ni Heather, iniisip mong makakatulong sa relasyon ninyong magkasintahan ang sex. Isa pa, sino ba naman ang gustong tuyain dahil wala pang karanasan sa sex? Hindi kaya mas mabuting sumunod ka na lang sa agos?
Pero teka . . . hindi lahat ay nakikipag-sex. Totoong may mga estadistika na nagpapakitang napakaraming kabataan ang nakikipag-sex. Halimbawa, ayon sa isang pag-aaral, 2 sa bawat 3 kabataan sa Estados Unidos ang nakaranas nang makipag-sex bago pa man sila makapagtapos ng haiskul. Pero nangangahulugan din iyan na 1 sa bawat 3—marami-rami—ang hindi. Kumusta naman ang mga nakipag-sex? Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga kabataang iyon ay nakakaranas ng isa o higit pa sa mga sumusunod.
Bangungot #1: BAGBAG NA BUDHI. Karamihan sa mga kabataang nakaranas makipag-sex bago pa ikasal ay nagsasabing pinagsisihan nila ito.
Bangungot #2: KAWALAN NG TIWALA. Pagkatapos mag-sex, nagsisimulang magduda ang bawat isa, ‘Sino pa kaya ang naka-sex niya?’
Bangungot #3: KAWALANG-KATAPATAN. Pagkatapos makipag-sex, malamang na iwan ng lalaki ang girlfriend niya at humanap ng iba.
Bangungot #4: PAGKASIPHAYO. Sa loob-loob ng babae, sana’y pumili siya ng isa na mangangalaga sa kaniya, hindi ng isa na gagamit sa kaniya.
Bukod sa mga nabanggit, isipin ito: Maraming lalaki ang nagsasabing hindi nila pakakasalan ang sinumang babaing naka-sex nila. Bakit? Mas gusto nila ang virgin!
Nakakagulat, hindi ba? Malamang na nagalit ka pa nga. Lalaki ka man o babae, tandaan: 1 Corinto 13:4, 5) Tutal, isasapanganib ba ng isang tunay na nagmamahal sa iyo ang pisikal at emosyonal mong kapakanan? (Kawikaan 5:3, 4) At tutuksuhin ka ba ng isang tunay na nagmamalasakit sa iyo na isapanganib ang kaugnayan mo sa Diyos?—Hebreo 13:4.
Ibang-iba ang nangyayari sa tunay na buhay kapag nakipag-sex bago ikasal kung ikukumpara sa ipinakikita ng mga pelikula at TV. Pinalalabas ng media na okey lang mag-sex ang mga tin-edyer at tanda ito ng tunay na pag-ibig. Pero huwag magpadaya! Sarili lang ang iniisip ng mga magyayaya sa iyo na makipag-sex. (Ang totoo, kung makikipag-sex ka nang hindi ka pa kasal, winawalang-dangal mo ang iyong sarili dahil hinahayaan mong mawala ang isang bagay na napakahalaga. (Roma 1:24) Hindi kataka-taka, napakaraming kabataan ang nakadarama ng kawalang-halaga matapos silang makipag-sex, anupat para bang hinayaan nilang manakaw ang isang mamahaling pag-aari nila! Huwag mo iyang hayaang mangyari sa iyo. Kung may magyaya sa iyo na makipag-sex at magsabing, “Kung mahal mo ako, papayag ka,” mariing sumagot, “Kung mahal mo ako, hindi mo ako yayayaing mag-sex!”
Ang katawan mo ay napakahalaga, anupat hindi mo ito dapat basta-basta ibigay sa iba. Ipakita mong determinado kang sundin ang utos ng Diyos na umiwas sa pakikiapid. Kapag kasal ka na, puwede mo nang maranasan ang pakikipag-sex. At masisiyahan kang gawin ito nang walang halong pangamba, pagsisisi, at takot, na siyang karaniwang resulta ng pakikipag-sex nang hindi pa kasal.—Kawikaan 7:22, 23; 1 Corinto 7:3.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
^ par. 6 Ang salitang “pakikiapid” sa Bibliya ay hindi lang nangangahulugan ng pagtatalik sa pagitan ng hindi mag-asawa. Kasama rito ang paghimas sa ari ng iba o ang pagsasagawa ng oral o anal sex. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, pahina 42-47.
PAG-ISIPAN
● Bagaman mukhang kaakit-akit ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal, bakit hindi mo ito dapat gawin?
● Ano ang gagawin mo kung yayain kang makipag-sex?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 27]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Hindi sapat ang basta pagtanggi para tigilan ka ng nagyayaya sa iyo. Kung tumanggi ka, pero parang nag-aalangan ka naman, hindi ka talaga titigilan. Kailangan mong maging matatag!”
“Hindi laging umuubra ang basta pagtanggi. Baka nga hindi rin sapat na ipaliwanag ang tungkol sa paniniwala mo. May mga kakilala akong nagyabang na naakit nilang magkasala ang isang Kristiyano. Kung minsan, ang kailangan mo lang ay lumayo. Mahirap gawin, pero mabisa.”
“Bilang Kristiyano, may mga katangian kang tiyak na magugustuhan ng iba. Kaya dapat na maging alisto ka at tanggihan ang anumang alok na gumawa ng imoral na bagay. Pahalagahan ang mga katangiang iyon. Huwag kang magpadala!”
[Mga larawan]
Diana
James
Joshua
[Kahon sa pahina 28]
MAGING TAGAPAGTANGGOL NIYA!
Kung may girlfriend ka, talaga bang nagmamalasakit ka sa kaniya? Kung oo, ipakita mo na mayroon kang . . .
● lakas na sundin ang mga batas ng Diyos
● karunungan na umiwas sa mga alanganing sitwasyon
● pag-ibig, anupat iniisip mo ang kaniyang kapakanan
Kung gagawin mo iyan, malamang na masabi rin ng girlfriend mo ang gaya ng nasabi ng Shulamita: “Ang mahal ko ay akin at ako ay kaniya.” (Awit ni Solomon 2:16) Sa madaling salita, ikaw ang tagapagtanggol niya!
Tingnan ang Kawikaan 22:3; 1 Corinto 6:18; 13:4-8.
[Kahon sa pahina 28]
MUNGKAHI
Pagdating sa pakikitungo sa di-kasekso, makabubuting sundin ang mungkahing ito: Kung ayaw mong makita ng iyong mga magulang na ginagawa mo ang isang bagay, huwag mo itong gawin.
[Larawan sa pahina 28]
Ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal ay pag-abuso sa regalo ng Diyos. Para itong pagtanggap sa isang magandang painting na iniregalo sa iyo at pagkatapos ay ginawa mo lang punasan ng paa