Pinili Ko ang Mas Makabuluhang Karera
Pinili Ko ang Mas Makabuluhang Karera
Ayon sa salaysay ni Plamen Kostadinov
TANGHALI na akong nagising. Nagkalat sa sahig ang mga basyo ng bote. Nangangamoy ang ashtray na punung-puno ng upos ng sigarilyo. Kagabi lang, ang saya-saya ko. Pero ngayon, lalo lang tumindi ang galit at lungkot na nadarama ko. Parang walang kabuluhan ang buhay! Ikukuwento ko kung bakit.
Katorse anyos ako nang mag-aral ako ng sining. Noong tag-araw ng 1980, tuwang-tuwa ako sa balita ni Itay na nakapasa ako sa isang kolehiyo sa sining sa bayan ng Troyan, Bulgaria. Nang taglagas ng taóng iyon, iniwan ko ang bayan namin sa Lovech at lumipat sa Troyan.
Gustung-gusto kong bumukod at gawin kung ano ang gusto ko. Nagsimula akong manigarilyo, at paminsan-minsan ay nag-iinuman kami ng mga kaeskuwela ko. Bawal ang alak at sigarilyo sa eskuwela. Pero tuloy pa rin kami. Kung ano kasi ang bawal, ’yun ang masarap gawin.
Lalo akong nagkainteres sa sining. Naging mahusay ako sa pagdodrowing, at hinangad kong maging tanyag. Pagkatapos kong mag-aral ng limang taon sa Troyan, gusto ko pang ipagpatuloy ang pag-aaral sa Art Academy sa Sofia, ang kabisera ng Bulgaria. Iyon ang pinakakilalang training center sa Bulgaria. Noong 1988, isa ako sa wawalong nakapasa sa akademya. Bilib na bilib ako sa sarili ko! Minsan nga nasabi ko habang nakatingin sa salamin, ‘Plamen, tiyak na magiging sikat kang dalubsining!’
Ang Aking Lumang Personalidad
Tulad ng tipikal na pamumuhay ng ilang dalubsining, lagi akong nakaitim na damit at nagpahaba ako ng buhok at balbas. Umupa rin ako ng isang kuwarto at hinahayaan ko itong makalat at magulo. Pagkatapos, nag-alaga ako ng isang tuta at isang pusa na may tatlong kuting. Wala rin akong patumangga sa paglustay ng pera.
Lalong sumidhi ang hilig ko sa sining. Marami akong ipinintang mga abstrak na larawan batay sa aking imahinasyon. Pati nga dingding ng kuwarto ko, pinintahan ko. Sa loob-loob ko, simula na ito ng isang magandang karera.
Madalas kaming magparti ng mga kaklase ko. Lagi kaming nasa kuwarto ko, nakikinig ng musika at naglalasingan, kahit pa nga may exam kinabukasan. Musika, sining, at layunin ng buhay ang laman ng aming usapan. Madalas din naming pagkuwentuhan ang mga kababalaghan at mga extraterrestrial. Dito ako nakakakuha ng mga ideya para sa mga ipinipinta ko. Gusto ko sanang mapanatili ang saya at siglang nararamdaman ko, pero kasabay ng pagkawala ng hangover, nawawala na rin ang saya ko.
Pagkalipas ng mga sampung taon, hindi na
talaga ako masaya. Makulay nga ang mga ipinipinta ko, pero malamlam naman ang buhay ko. Hindi ako nilulubayan ng kalungkutan. Unti-unting naglaho ang pangarap kong maging isang sikat na dalubsining. Desperado ako at hindi ko na alam ang gagawin ko sa buhay. Iyan ang ikinukuwento ko sa pasimula.Iniligtas ng Katotohanan
Noong 1990, ipinasiya kong i-eksibit sa Lovech ang mga ipininta ko. Niyaya ko si Yanita na sumali sa eksibit dahil tagaroon din siya. Kasama ko siya sa akademya sa Sofia. Pagkatapos ng eksibit, nagdiwang kami ni Yanita sa isang kalapít na restawran. Sa aming pag-uusap, binanggit niya ang mga natututuhan niya sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Naging interesado ako sa ikinukuwento niyang hula sa Bibliya tungkol sa isang bagong sanlibutan.
Nagpatuloy si Yanita sa pag-aaral ng Bibliya sa Sofia, at paminsan-minsan, dinadalhan niya ako ng literatura sa Bibliya. Sabik na sabik kong binasa ang brosyur na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay.” At sa loob naman ng ilang araw, natapos kong basahin ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. * Hindi ako nahirapang tanggapin na may Diyos, at gusto kong matuto agad na manalangin. Naaalala ko pa ang una kong panalangin. Nakaluhod ako noon at sinabi ko kay Jehova ang lahat ng nararamdaman ko. Alam kong pinakikinggan niya ako. Unti-unting napalitan ng kagalakan at kapanatagan ang kalungkutang nadarama ko.
Sa Sofia, ipinakilala ako ni Yanita sa isang mag-asawang Saksi ni Jehova. Inalok nila ako na mag-aral ng Bibliya at inanyayahan sa kanilang mga pulong. Naaalala ko pa ang unang dalo ko noong Hunyo 1991. Napaaga ako nang dalawang oras kaya naghintay muna ako sa isang parke. Ninenerbiyos ako at hindi mapalagay. Hindi ko alam kung maganda ang magiging pagtanggap nila sa akin. Pero nagulat ako nang batiin nila ako kahit kakaiba ang hitsura ko. Mula noon, regular na akong dumadalo sa mga pulong at dalawang beses sa isang linggo akong nag-aaral ng Bibliya.
Tuwang-tuwa ako nang magkaroon ako ng sariling kopya ng Bibliya. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakabasa ng gaya ng Sermon sa Bundok na talagang kahanga-hanga at nakakaantig-puso! Habang dumarami ang natututuhan ko, napatunayan kong kaya talagang baguhin ng Salita ng Diyos ang isang tao, gaya ng sinasabi sa Efeso 4:23: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip.” Inihinto ko ang paninigarilyo at inayos ang aking hitsura. Ang laki ng ipinagbago ko. Nang minsan ngang sunduin ako ni Itay sa istasyon ng tren sa Lovech, nilampasan niya ako dahil hindi niya ako nakilala.
Kung dati’y inspirasyon ko ang makalat na kuwarto, mga dingding na puro pinta, at mabahong usok ng sigarilyo, hindi na ngayon. Nagsimula akong maglinis. Pinintahan ko ng puti ang dingding para mawala ang ipininta kong alien na may tatlong mata.
Di-nagtagal, iniwan ako ng mga barkada ko. Pero marami naman akong naging bagong kaibigan na nakilala ko sa mga Kristiyanong pagpupulong. Kaibigan ko pa rin sila hanggang ngayon. Nakakapagpatibay silang
kasama, kaya mabilis akong sumulong. Noong Marso 22, 1992, nabautismuhan ako sa kauna-unahang asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria, na ginanap sa lunsod ng Plovdiv.Bumalik sa Lovech
Para sa isang dalubsining na gaya ko, alam kong hindi madaling humanap ng pagkakakitaan sa isang maliit na bayan. Pero ipinasiya kong bumalik sa Lovech kapag nagtapos na ako. Napakahirap para sa akin na itaguyod ang karera sa sining at kasabay nito, unahin ang Kaharian ng Diyos. Kaya sa halip na ipagpatuloy ang karera sa sining, nagboluntaryo akong maging tagapagturo ng Bibliya. Noong nasa Art Academy pa ako, masigasig nang nagtuturo ng Bibliya sa Lovech si Yanita. Nauna kasi siya sa akin nang tatlong taon. Siya lamang ang kaisa-isang Saksi noon sa Lovech.
Pagbalik ko sa Lovech, may mangilan-ngilan nang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Gustung-gusto kong dalawin ang mga tao sa bahay-bahay at ibahagi sa kanila ang aking pag-asa. Kaya ipinasiya kong gumugol ng buong panahon sa gawaing ito.
Pero nang maglaon, nagkaroon ng mga problema. Noong 1994, hindi na kami kinilala ng pamahalaan bilang isang legal na relihiyosong organisasyon. Naglunsad din ang media ng malawakang paninira laban sa mga Saksi. * Madalas ipatawag sa presinto ang mga Saksi at kinukumpiska ang aming mga literatura. Noong mga panahong iyon, pinagbawalan kaming magtipon sa pampublikong mga lugar. Sa kabila nito, regular pa rin kaming nagpupulong sa isang 12-metro-kuwadradong kuwarto sa tabi ng bahay ni Yanita. Minsan nga, napagkasya namin ang 42 katao sa napakaliit na kuwartong iyon. Para hindi kami makaistorbo sa mga kapitbahay, isinasara namin ang bintana habang umaawit ng mga awiting pang-Kaharian. Kapag napakainit ng panahon, tagaktak ang pawis namin, pero masaya pa rin kaming magsama-sama.
Mga Pagpapala ni Jehova
Hangang-hanga ako sa sigasig ni Yanita sa tunay na pagsamba. Nang maglaon, nahulog ang loob namin sa isa’t isa. Ikinasal kami noong Mayo 11, 1996. Magkaiba ang personalidad namin, pero nagkakasundo kami. Siya ang pinakamatalik kong kaibigan at katulong. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil binigyan niya ako ng asawa na ang “halaga ay malayong higit kaysa sa mga korales.”—Kawikaan 31:10.
Ang ilan sa mga dati kong kaibigan ay matagumpay nang mga dalubsining—ang karerang pinangarap ko noon. Pero nagpapasalamat ako na pinili ko ang mas makabuluhang karera. Marami akong natulungang magkaroon ng layunin sa buhay, at espirituwal na mga kapatid ko na sila ngayon. Hindi mapapantayan ng anumang katanyagan o pagkilalang maaari kong maabot bilang dalubsining ang mga pagpapalang tinatamasa ko sa paglilingkod kay Jehova. Maligaya ako na lubos kong nakilala ang pinakadakilang Dalubsining, ang Diyos na Jehova.
[Mga talababa]
^ par. 14 Parehong inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Ang aklat na Mabuhay Magpakailanman ay hindi na inililimbag ngayon.
^ par. 22 Noong 1998, matapos umapela sa European Court of Human Rights sa Strasbourg, muli na namang kinilala bilang legal na organisasyon ang mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria.
[Larawan sa pahina 12]
Kasama ang aking asawa, si Yanita