Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Daang-Bakal Mula Atlantiko Hanggang Pasipiko

Daang-Bakal Mula Atlantiko Hanggang Pasipiko

Daang-Bakal Mula Atlantiko Hanggang Pasipiko

MGA 150 taon ang nakalilipas, hindi pa nagagalugad ang kalakhang bahagi ng Canada, ang pangalawa sa pinakamalawak na bansa sa daigdig. Sinabi ng istoryador na si Pierre Berton: “Tatlong-kapat ng populasyon ang naninirahan sa liblib na mga bukid,” at “karaniwan nang mahirap maglakbay nang malayo” dahil hindi maganda ang daan. Hindi rin laging nakapaglalakbay sa mga lawa at ilog, dahil nagyeyelo ito nang hanggang limang buwan bawat taon.

Sa kabila ng mga kalagayang ito, noong 1871, iminungkahi ng punong ministro na si John A. Macdonald na gumawa ng riles ng tren na mag-uugnay sa Baybaying Atlantiko at Baybaying Pasipiko ng Canada. May nagawa nang ganitong riles sa Estados Unidos noong 1869, pero mas maliit ang badyet ng Canada, mas mahaba ang riles, at ang populasyon ng bansang ito ay katumbas lang ng mga 10 porsiyento ng populasyon ng Estados Unidos. Isang pulitiko sa Canada ang nagsabi na ang proyekto ay “isa sa pinakamalaking kabaliwan na maiisip ng tao.” May nagsabi pa nga na ang susunod daw na imumungkahi ng punong ministro ay isang riles papuntang buwan.

Isang Magastos na Proyekto

Sa kabila nito, nangako ang pamahalaan na matatapos ang proyekto sa loob ng sampung taon. Ayon kay Sandford Fleming, isang inhinyero ng riles na taga-Scotland, mga $100 milyon ang magagastos sa paggawa ng riles​—napakalaking halaga nito noong panahong iyon. Mas mapapaikli sana ang ruta kung dadaan ito sa Estados Unidos, pero iginiit ni Macdonald na hindi dapat lumampas sa hanggahan ng Canada ang ruta para maprotektahan ang interes ng bansa kapag may digmaan.

Marami ang takót mamuhunan sa ganito kalaking proyekto na malaki ang tsansang malugi. Gayunpaman, noong 1875, sinimulan ng Canadian Pacific Railway (CPR) ang konstruksiyon. Makalipas ang sampung taon, muntik nang mahinto ang proyekto. Nagkautang ng $400,000 ang CPR, at kailangan na itong bayaran noong Hulyo 10, alas 3:00 n.h. Pero alas 2:00 n.h. ng araw ding iyon, pumayag ang Parlamento ng Canada na magpautang ng karagdagang badyet. Kaya naisalba ang proyekto.

Mga Balakid sa Konstruksiyon

Habang naglalatag ng riles sa hilagang Ontario, natuklasan ng mga manggagawa na isang piye lang pala ang lalim ng lupa at solidong bato na ang ilalim nito. Kaya kailangang humakot ng panambak mula sa malalayong lugar. Sa sentral Canada, umaabot sa -47 digri Celsius ang temperatura kapag taglamig, kaya naging mahirap ang konstruksiyon. Bukod diyan, umaabot nang mga daan-daang sentimetro ang kapal ng niyebe taun-taon. Ang konstruksiyon ng riles sa Rocky Mountains sa kanluran ay napakadelikado dahil bigla-biglang nagbabago ang kalagayan sa lugar na iyon. Kailangan ding magtayo ng maraming tunel at tulay. Karaniwan nang sampung oras ang trabaho bawat araw, kahit maulan, maputik, o umuulan ng niyebe.

Sa wakas, noong Nobyembre 7, 1885, natapos ang proyekto​—nailatag ang huling bahagi ng riles sa Eagle Pass, British Columbia sa kanluran. Ang istasyon ay tinawag na Craigellachie, na isinunod sa pangalan ng isang nayon sa Scotland na naging simbolo ng katapangan at katatagan sa mahihirap na sitwasyon. Nang hilingang magtalumpati ang manedyer ng CPR, sinabi nito: “Ang masasabi ko lang, isang malaking tagumpay ang proyekto.”

Epekto sa mga Tao

Ang libu-libong manggagawa mula sa Tsina na ipinadala para sa proyekto ay pinangakuan ng matatag na trabaho. Pero kadalasan nang mapanganib ang trabahong ito, lalo na sa Rocky Mountains. Matapos ang proyekto, ilang taon pa ang lumipas bago nakaipon ng sapat na pera ang mga manggagawang ito para makauwi sa kanilang bansa.

Nang matapos ang riles, pinasok ng industriya at komersiyo ang kanluran, anupat binago nito ang pamumuhay ng mga tao. Nagkaroon din ng mga bayan at lunsod, at ang mga katutubo ay inilipat sa mga reserbasyon. Nagsara ang maliliit na negosyo, gaya ng mga taberna, sa kahabaan ng dating ruta ng kalakalan. Sa kabilang banda, sinasabing dahil sa tren, “nakalaya ang mga tao mula sa alikabok at putik . . . at taglamig.” Karagdagan pa, ang mga pagkaing dumarating sa Baybaying Pasipiko ng Canada na inaangkat sa Silangan ay naihahatid sa mga lunsod sa silangan sa loob lang ng ilang araw.

Bagaman ginagamit pa rin ang tren sa paghahatid ng mga kargamento sa buong Canada, umunti naman ang pasahero nito dahil mas ginagamit na ang mga sasakyan at eroplano. Pero marami pa rin ang nasisiyahang sumakay sa isang komportableng tren para pagmasdan ang magagandang tanawin mula Toronto hanggang Vancouver at kalimutan sandali ang kanilang abalang buhay. Kaya sa halip na pabilisin ang takbo ng buhay, gaya ng nagawa nito noon, nabigyan nito ng pagkakataon ang mga pasahero na magrelaks at balikan ang makulay na kasaysayan ng daang-bakal na ito ng Canada mula Atlantiko hanggang Pasipiko.

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

IBINABAHAGI ANG AMING PAG-ASA SA TREN

Tren pa rin ang pangunahing transportasyon sa ilang lugar sa Canada. Sa pamamagitan nito, nararating ng mga Saksi ni Jehova ang liblib na mga lugar at naibabahagi sa mga tao ang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Isaias 9:6, 7; Mateo 6:9, 10) “Hindi mahirap ipakipag-usap ang Bibliya sa mga pasahero ng tren,” ang sabi ng isang Saksi, “interesado kasi silang malaman kung saan kami pupunta at kung ano ang gagawin namin doon.”

Ganito ang kuwento ng isang Saksi nang magbiyahe siya sakay ng tren papunta sa isang reserbasyon sa Ojibwa malapit sa Lawa ng Nipigon sa hilagang Ontario: “Ang ganda-ganda ng tanawin at ng maiilap na hayop. Pero ang hindi namin malilimutan ay ang mga taong nakilala namin. Palibhasa’y kaunti lang ang pumupunta roon, marami ang nag-usisa nang dumating kami. May nagpahiram sa amin ng bangka, at ipinagamit sa amin nang libre ang isang kuwarto sa eskuwelahan. Maghapon kaming nangaral. Pagkatapos, nagtipun-tipon ang mga tagaroon para panoorin ang video tungkol sa pangangaral natin sa buong daigdig.”

[Larawan sa pahina 16]

John A. Macdonald

[Larawan sa pahina 17]

Mabigat na trabaho ang pagtatayo ng riles

[Mga larawan sa pahina 17]

Kailangang magtayo ng maraming tulay at tunel sa mga bundok

[Larawan sa pahina 17]

Kinumpleto ang riles na magdurugtong sa magkabilang ibayo ng Canada

[Larawan sa pahina 18]

Paglalakbay ngayon sa daang-bakal

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Itaas: Canadian Pacific Railway (A17566); gitna: Library and Archives Canada/C-006513

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Itaas, pakanan: Canadian Pacific Railway (NS13561-2); Canadian Pacific Railway (NS7865); Library and Archives Canada/PA-066576; ibaba: Canadian Pacific Railway (NS1960)

[Picture Credit Lines sa pahina 18]

Itaas: Canadian National Railway Company; kanan: Courtesy VIA Rail Canada Inc.