Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Osteoporosis—Isang Tahimik na Sakit

Osteoporosis—Isang Tahimik na Sakit

Osteoporosis​—Isang Tahimik na Sakit

Si Anna, 19 anyos, ay pagaling na sa kaniyang sakit na anorexia nervosa (sakit sa pagkain), nang bigla siyang makaramdam ng matinding pananakit ng likod at mawalan ng malay. Nabalian siya ng dalawang gulugod sa gawing ibaba ng kaniyang likod. Nabawasan ng dalawang pulgada ang taas niya. Ang dahilan? Osteoporosis.

ANG “osteoporosis” ay literal na nangangahulugang “marupok na buto.” Tahimik na sakit ang tawag dito dahil kadalasan nang walang makikitang sintomas sa pasimula. Kapag malala na, rumurupok nang husto ang buto, anupat madali na itong mabali minsang mapuwersa, mabunggo, o bumagsak ang isa. Karaniwang nagkakaroon ng bali sa balakang, tadyang, gulugod, o pulsuhan. Sinasabing mas nanganganib magkaroon ng osteoporosis ang mahihina at may-edad nang kababaihan. Pero ipinakikita sa kaso ni Anna na puwedeng magkaroon ng osteoporosis maging ang mga kabataan.

Isang Banta sa Kalusugan

Ayon sa International Osteoporosis Foundation, “sa European Union, may isang nababalian kada 30 segundo dahil sa osteoporosis.” Sa Estados Unidos, 10 milyon katao ang may osteoporosis, at 34 na milyong iba pa ang nanganganib magkaroon nito dahil sa mababang bone mass. Karagdagan pa, ang U.S. National Institutes of Health ay nag-uulat na “isa sa bawat dalawang kababaihan at isa sa bawat apat na kalalakihan na edad 50 pataas ay nababalian dahil sa osteoporosis.” At ang bilang na ito ay patuloy na tumataas.

Ayon sa Bulletin of the World Health Organization, ang bilang ng mga bali dahil sa osteoporosis ay inaasahang madodoble sa buong daigdig sa susunod na 50 taon. Ang pagtayang ito ay malamang na batay sa inaasahang pagtaas ng populasyon ng mga may-edad na. Nakakatakot ang resulta ng osteoporosis. Maraming may osteoporosis ang nababalda, at namamatay pa nga. Halos 25 porsiyento ng mga pasyenteng edad 50 pataas na nababalian ng balakang ang namamatay dahil sa mga komplikasyon pagkalipas ng wala pang isang taon.

Posible Kayang Magka-Osteoporosis Ka?

Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang osteoporosis ay namamana. Kapag ang mga magulang ay nabalian ng balakang, doble ang tsansang magkaroon din ng ganitong bali ang kanilang anak. Ang isa pang sanhi ng osteoporosis ay malnutrisyon habang nasa sinapupunan pa ang sanggol. Nauuwi ito sa mababang bone density habang lumalaki ang bata. Nariyan din ang edad. Habang nagkakaedad ang isa, karaniwan nang nagiging mas marupok ang kaniyang mga buto. Iniuugnay rin sa osteoporosis ang mga sakit na gaya ng Cushing’s disease, diyabetis, at hyperthyroidism.

Dahil sa menopos, ang mga babae ay nababawasan ng estrogen, na siyang kailangan para hindi bumaba ang bone mass. Kaya naman halos apat na ulit na mas marami ang babaing nagkakaroon ng osteoporosis kaysa sa mga lalaki. Ang kakulangan ng estrogen dahil sa pagkakaalis ng obaryo ay maaaring maging sanhi ng maagang menopos.

May mga posibleng sanhi ng osteoporosis na nakadepende sa indibiduwal​—gaya ng kaugalian sa pagkain at paraan ng pamumuhay. Ang mga pagkaing mababa sa kalsyum at bitamina D ay nauugnay sa pagrupok ng buto. Ang sobrang pagkain ng maalat ay puwede ring makapagpalaki ng tsansang magkaroon ng osteoporosis, yamang inilalabas nito ang mga kalsyum sa katawan. Nakapagpaparupok din ng buto ang sobrang pag-inom ng alak at di-tamang nutrisyon.

Gaya ng binanggit sa pasimula, nagkaroon ng osteoporosis si Anna dahil sa sakit sa pagkain. Kinulang siya ng tamang nutrisyon, bumaba ang timbang niya, at hindi nireregla. Ang resulta? Huminto sa paggawa ng estrogen ang katawan niya, na nauwi sa pagrupok ng kaniyang mga buto.

Ang isa pang salik sa pagkakaroon ng osteoporosis ay ang kakulangan ng pisikal na aktibidad. Malaki rin ang epekto ng paninigarilyo, dahil pinabababa nito ang mineral density ng buto. Ayon sa World Health Organization, mga 1 sa bawat 8 kaso ng bali sa balakang ay iniuugnay sa paninigarilyo. Ipinakikita ng mga pag-aaral na kapag huminto ang isa sa paninigarilyo, liliit ang tsansang rumupok ang kaniyang buto at mabalian.

Pag-iwas sa Osteoporosis

Habang bata at tin-edyer pa lang, dapat gumawa na ng mga hakbang para maiwasan ang osteoporosis. Sa panahong ito kasi umaabot nang 90 porsiyento ang kabuuang bone mass ng isang tao. Ang kalsyum, na mahalaga para tumibay ang buto, ay karaniwan nang nasa buto. Ang ilang pagkaing mayaman sa kalsyum ay gatas at mga produkto ng gatas, gaya ng yogurt at keso; sardinas at de-latang salmon (kasama ang tinik); almond; oatmeal; linga; tokwa; at berdeng-berde at madahong gulay.

Para magamit ng katawan ang kalsyum, napakahalaga ng bitamina D. Nakakagawa ng bitaminang ito ang balat kapag nabibilad sa araw. Ipinaliwanag ni Manuel Mirassou Ortega, isang doktor at miyembro ng Mexican Bone and Mineral Metabolism Association: “Ang pagbibilad sa araw sa loob ng sampung minuto bawat araw ay nakakatulong para maiwasan ang osteoporosis, dahil nagbibigay ito ng mga 600 unit ng bitamina D.” Makukuha rin ang bitaminang ito sa pagkaing gaya ng atay, dilaw ng itlog, at isdang-dagat.

Napakahalaga rin ng ehersisyo para maiwasan ang osteoporosis. Habang lumalaki ang bata, tumutulong ang ehersisyo para tumaas ang kaniyang bone mass. Tumutulong din ito para maiwasan ang bone loss kapag nagkaedad na siya. Inirerekomenda ang mga ehersisyo na may itinutulak, hinihila, o binubuhat, pati na ang simpleng paglalakad, pag-akyat sa hagdan, at pagsasayaw​—na hindi naman labis na mapupuwersa ang mga buto o kasukasuan. *

May mga bagay na puwedeng gawin ang isa para maiwasan ang sakit na ito. Gaya ng nakita natin, posibleng kasama rito ang pagbabago sa mga kinakain at pamumuhay ng isa para manatiling malusog at matibay ang buto. Totoo namang nahihirapang gumawa ng pagbabago ang karamihan ng mga taong nasanay nang halos walang pisikal na aktibidad. Pero sulit ang anumang pagsisikap na gagawin ng isa! Higit sa lahat, maiiwasan nilang mapabilang sa milyun-milyong pinahihirapan ng osteoporosis sa buong daigdig.

[Talababa]

^ par. 16 Ang sobra-sobrang pag-eehersisyo, hanggang sa puntong nagiging sanhi na ito ng paghinto ng regla, ay maaaring mauwi sa pagrupok ng buto dahil sa kakulangan ng estrogen. Inirerekomenda sa mga babaing mahigit 65 anyos na ipasuri ang kanilang bone density para malaman kung mayroon silang bone loss o kung gaano ito kalala. Kapag grabe ang bone loss, may mga gamot para sa osteoporosis o para maiwasan ito. Pero dapat isaalang-alang kapuwa ang mga panganib at pakinabang bago simulan ang gamutan.

[Blurb sa pahina 21]

Ang isang posibleng hakbang para maiwasan ang osteoporosis ay baguhin ang kinakain at pamumuhay upang manatiling malusog at matibay ang mga buto

[Kahon/Mga larawan sa pahina 19]

Ang osteoporosis ay isang problema sa buto kung saan humihina ang buto at bumababa ang bone density, hanggang sa tuluyan na itong rumupok at madali nang mabali. Maaari itong masuri sa pamamagitan ng low radiation scan, na sumusukat sa mineral density ng buto.

[Mga larawan]

Malusog na Buto

Osteoporosis

[Credit Line]

© BSIP/Photo Researchers, Inc.

[Larawan sa pahina 20]

Para hindi bumaba ang bone mass, makakatulong ang ehersisyo na may itinutulak, hinihila, o binubuhat, pati na ang paglakad, pag-akyat, at pagsayaw

[Mga larawan sa pahina 20]

Ang almond at mga produkto ng gatas ay mayaman sa kalsyum