Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Noong Enero 2009, walong estado ang may mahigit 23 300 sandatang nuklear.”—STOCKHOLM INTERNATIONAL PEACE RESEARCH INSTITUTE, SWEDEN.
Sa Aprika, sampu-sampung libong balon at poso—na ang marami’y ginawa kamakailan sa tulong ng ibang bansa—ang sirâ na at hindi na maaayos “dahil sa isang simpleng dahilan na puwede sanang maiwasan: kapabayaan.”—INTERNATIONAL INSTITUTE FOR ENVIRONMENT AND DEVELOPMENT, BRITANYA.
Sanggol na Mammoth, Dumaan sa Scanner
Ang mga siyentipikong Ruso ay nakakuha ng detalyadong imahe ng panloob na mga bahagi ng katawan ng isang mammoth. Natagpuan nila ang hayop—mga tatlo hanggang apat na buwan ang edad nang mamatay—sa ilalim ng yelo sa rehiyong Yamalo-Nenets sa bahaging Artiko ng Russia. “Ito ang pinakabuo sa lahat ng natagpuang labí, hindi lamang ng mammoth, kundi ng anumang sinaunang hayop,” ang sabi ni Alexei Tikhonov, deputy director ng Russian Academy of Science’s Zoological Institute. Nakita sa computer tomography, isang pamamaraang ginagamit sa pag-scan sa mga pasyenteng tao, na walang pinsala ang mammoth. Ayon sa mga siyentipiko, “malamang na nalunod” ang hayop dahil may nakita silang banlik na “nakabara” sa palahingahan ng mammoth at sa sistema ng panunaw nito.
Instant Diborsiyo
Madali na ngayong magdiborsiyo sa Mexico City, ang ulat ng pahayagang El Universal. Noong 2008, ang 21 dahilan sa pakikipagdiborsiyo—kataksilan, karahasan, at iba pa—ay inalis sa batas. Ngayon, ang kailangan lang ng isa ay magdeposito ng mga $400 (U.S.) sa bangko ng law office at magpadala sa hukuman ng pirmadong aplikasyon, na makukuha sa Internet, na nagsasabing hindi na niya mahal ang asawa niya. Hindi na nila kailangan pang humarap sa hukom. Dalawa hanggang apat na buwan na lang ang hihintayin ng isa bago maaprobahan ang diborsiyo, di-gaya noon na inaabot nang mga taon. Ang mga bagay na gaya ng karapatan sa bata, sustento, paghahati ng ari-arian, at iba pa ay saka na lang pinag-uusapan.
Hummingbird—‘Mas Mabilis Pa sa Fighter Jet’
Kung haba ng katawan at bilis kada segundo ang pag-uusapan, ang isang bumubulusok na hummingbird ay mas mabilis pa kaysa sa fighter jet, ang sabi ng isang mananaliksik sa University of California, Berkeley, E.U.A. Kinunan ni Christopher Clark ng video ang panliligaw ng mga lalaking Anna’s hummingbird at ayon sa kaniyang kalkulasyon, kapag lumilipad ito nang pabulusok para magpasikat sa babaing hummingbird, ang distansiyang nalilipad ng ibong ito kada segundo ay “umaabot nang halos 400 beses ng haba ng katawan nito.” Sinabi ni Clark na “mas mabilis pa [ito] kaysa sa fighter jet” na todo na ang bilis. Kapag pumapaimbulog na ito, nilalabanan nito ang puwersang sampung beses na mas malakas kaysa sa grabidad—higit pa sa puwersang kayang matagalan ng mga piloto ng jet nang hindi nawawalan ng malay.