Kilalanin ang “Tao ng Gubat” sa Indonesia
Kilalanin ang “Tao ng Gubat” sa Indonesia
NAKATITIG sa amin ang isang dambuhalang nilalang habang nakakapit sa isang sanga na parang mababali sa laki ng kaniyang katawan. Natigilan kami at napatingin sa kaniya. Pero parang bale-wala sa kaniya na naroon kami. Hindi kami makapaniwalang nasa harap namin ang isang oranggutan, ang pinakamalaking hayop na nakatira sa mga puno!
Ang oranggutan ay kapamilya ng malalaking unggoy, gaya ng gorilya at chimpanzee. Ang maaamo at nagsosolong nilalang na ito ay nakatira sa makapal na kagubatan ng Borneo at Sumatra, ang dalawa sa pinakamalalaking isla sa Timog-Silangang Asia. Kuha ang pangalan nila sa dalawang salitang Indones na orang at hutan, na nangangahulugang “tao ng gubat.”
Gusto mo bang makilala ang kawili-wiling kulay-pulang malalaking unggoy na ito? Tara! Samahan mo kami sa Borneo para bisitahin ang kanilang tirahan.
Ang mga Oranggutan
Para makita ang mga oranggutan, pumunta kami sa Tanjung Puting National Park, kung saan napakaraming hayop. Dinadayo ang libu-libong oranggutan doon.
Sumakay kami ng bangkang de-motor na tinatawag na klotok sa maliit na daungan sa Kumai. Pumasok ang aming bangka sa masukal na kagubatan. Napakaraming halamang sasá na nakahilera sa tabing-ilog. May mga buwaya rin na nakatago sa tahimik at maitim na tubig. May kakaibang ingay sa paligid, kaya na-excite kami.
Pagbaba ng bangka, gumamit kami ng insect repellent sa aming katawan at pumasok sa gubat. Ilang minuto lang, nakakita na kami ng isang oranggutan gaya ng nabanggit sa itaas. Ang kaniyang balahibo na mahaba, magulo, at mapula
ay parang pinakintab na tanso sa sinag ng araw. At magugulat ka sa laki ng mga kalamnan nito!Ang mga adultong lalaki ay may taas na 1.7 metro at bigat na 90 kilo, doble sa timbang ng mga babae. Malaki ang pisngi ng mga adultong lalaki kaya ang mukha nila ay bilugan at lapad. Lawlaw ang lalamunan nila kaya malakas silang umungal. Kung minsan, napakahaba ng ungal nila na parang may tinatawag. Maaari itong tumagal nang limang minuto at dinig hanggang sa layong mahigit dalawang kilometro. Karaniwan nang ginagawa ito ng mga lalaki para akitin ang mga babaing handa nang makipagtalik at takutin ang mga karibal na lalaki.
Nakatira sa Tuktok ng Puno
Nakakita kami ng mga oranggutan na naglalambitin at nagpapalipat-lipat sa mga puno. Ang mga paa at kamay nila ay malalakas, nakakakapit kahit saan, at parang mga pangawit—mahahaba ang daliri nila sa kamay, maiiksi ang kanilang hinlalaki, at malalaki ang daliri nila sa paa. Wala silang kahirap-hirap maglambitin sa mga sanga at wala silang takot na magpalipat-lipat sa mga puno.
Napakahusay magtago ng mga oranggutan. Kapag nasa tuktok ng puno, hindi mo sila basta mapapansin. Mabagal silang gumalaw kapag nasa lupa, at wala silang sinabi sa bilis ng tao.
Halos buong buhay nila, nasa tuktok sila ng puno, at sila lang sa malalaking unggoy ang gumagawa nito. Kadalasan, kapag papalubog na ang araw, pipili sila ng matibay at malaking sanga, magtitipon ng maliliit na sanga, at gagawin itong komportableng higaan—mga 20 metro ang taas mula sa lupa. Kung minsan, kapag umuulan, naglalagay sila ng “bubong,” isang bagay na hindi ginagawa ng mga chimpanzee at gorilya. At limang minuto lang nila itong ginagawa!
Sa puno rin kinukuha ng mga oranggutan ang paborito nilang pagkain—prutas. Matalas ang kanilang memorya at alam nila kung kailan at saan sila makakakuha ng hinog na prutas. Kumakain din sila ng dahon, balat ng kahoy, supang, pulot-pukyutan, at insekto. Kung minsan, gumagamit sila ng patpat para kumuha ng pulot-pukyutan o insekto sa mga butas ng puno. Mahigit 400 uri ang pagkain ng oranggutan!
Sa banda pa roon, nakakita kami ng isa pang magandang eksena—mga oranggutan na abalang kumakain ng mga saging. Ang mga ito ay inalagaan ng tao at saka ibinalik sa kagubatan. Dahil hindi sila laki sa kagubatan, binibigyan
sila ng pagkain pandagdag sa nakukuha nila.Ang Pamilya ng Oranggutan
Pinagmasdan namin ang mga sanggol na oranggutan na nakayakap sa kanilang mga ina habang ang makukulit na batang oranggutan naman ay masayang naglalaro sa itaas at ibaba ng mga puno. Nabubuhay nang hanggang 45 taon ang mga babaing oranggutan. Sa edad na 15 o 16, maaari na silang manganak. Isang beses lang ito sa loob ng pito o walong taon. Hindi lalampas sa tatlo ang nagiging anak nila. Kaya naman isa sila sa pinakamabagal dumaming mamalya sa lupa.
Napakatibay ng buklod ng ina at ng kaniyang bagong-silang. Inaalagaan at sinasanay ng ina ang kaniyang anak sa loob ng walong taon o higit pa. Sa unang taon, laging nakadikit ang sanggol sa kaniyang ina. Pagkatapos, humiwalay man ito, hindi ito masyadong lumalayo hanggang sa muling manganak ang ina. Ang isang batang babaing oranggutan ay maaari pa ring manatiling kasama ng kaniyang ina at magmasid kung paano nito inaalagaan ang bagong-silang na anak.
Pero ang anak na lalaking oranggutan ay itinataboy agad ng ina pagkatapos nitong manganak muli. Mag-isa siyang magpapagala-gala sa kagubatan. Nalilibot niya ang lawak na 15 kilometro kuwadrado o higit pa. Umiiwas siya sa mga kapuwa lalaki at lumalapit lang sa mga babae para makipagtalik.
Sa buong buhay ng mga babaing oranggutan, karaniwan nang hindi sila masyadong nakakalayo. Paminsan-minsan, magkakasamang kumakain ang mga babae sa iisang puno, pero hindi sila gaanong nagpapansinan. Sa mga pamilya ng malalaking unggoy, naiiba ang mga oranggutan
dahil mahilig silang magsolo. Para mas makilala pa namin ang “tao ng gubat,” may pinuntahan pa kami.Nanganganib na Nilalang
Makikita sa loob ng national park ang Camp Leakey na isinunod sa pangalan ng antropologong si Louis Leakey. Isa itong sentro kung saan inaalagaan, pinag-aaralan, at iniingatan ang mga oranggutan. Dito, makikita mo sila nang malapitan. Sila pa nga ang lumapit sa amin at nagpapansin o nagpakitang-gilas. Sinunggaban naman ng isang babaing adulto ang jacket ng kaibigan ko! Nakakatuwa talagang makita nang malapitan ang magagandang hayop na ito.
Pero kitang-kita sa Camp Leakey ang isang seryosong babala. Unti-unti nang nauubos ang mga oranggutan. Naniniwala ang ilang environmentalist na maaaring maubos ang mga oranggutan sa kagubatan sa susunod na sampung taon o wala pa. Pansinin ang tatlong pangunahing dahilan.
Pagtotroso. Mga 80 porsiyento ng kagubatang pinaninirahan ng mga oranggutan ang nasira sa nakalipas na 20 taon. Sa Indonesia, 51 kilometro kuwadrado ang average ng nasisira sa kagubatan araw-araw, katumbas ng limang soccer field kada minuto.
Pangangaso. Dahil sa ginagawa ng mga tao sa kagubatan, lalong nanganib ang mga oranggutan sa mga mangangaso. Ang isang bungo ng oranggutan na ginagawang subenir ay nagkakahalaga ng hanggang $70 (U.S.) sa black market. Para sa ilan, ang oranggutan ay banta sa kanilang pananim. Pinapatay naman ito ng iba para kainin.
Pagbebenta ng mga hayop. Sa black market, ang isang batang oranggutan ay naibebenta ng ilang daan hanggang libu-libong dolyar. Tinataya na mga isang libong batang oranggutan ang naipagbibili taun-taon.
Sinisikap ng gobyerno at ng pribadong mga ahensiya na sagipin ang mga oranggutan. Nagtatayo sila ng mga rehabilitation center, nagbibigay ng impormasyon sa publiko, nagtatatag ng mga pambansang parke at reserbasyon, at sinusugpo nila ang ilegal na pagtotroso.
Sinasabi ng Bibliya na malapit nang “ipahamak [ng Diyos] yaong mga nagpapahamak sa lupa” at gawing paraiso ang buong lupa. (Apocalipsis 11:18; Isaias 11:4-9; Mateo 6:10) Sa panahong iyon, matutupad ang mga salita ng salmista: “Bumulalas nang may kagalakan ang lahat ng mga punungkahoy sa kagubatan.” (Awit 96:12) Wala nang magiging banta sa buhay ng mga hayop na gaya ng oranggutan, ang “tao ng gubat” sa Indonesia.
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MALAYSIA
Borneo
INDONESIA
Sumatra
AUSTRALIA
[Larawan sa pahina 16]
Kapansin-pansin ang laki ng pisngi ng isang adultong lalaking oranggutan
[Credit Line]
© imagebroker/Alamy
[Mga larawan sa pahina 17]
Walang kahirap-hirap magpalipat-lipat sa mga puno ang mga oranggutan pero mabagal sila kapag nasa lupa
[Credit Lines]
Itaas: © moodboard/Alamy; ibaba: Orangutan in the Camp Leakey of Tanjung Puting National Park, managed by BTNTP, UPT Ditjen PHKA Dephut
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Orangutan in the Camp Leakey of Tanjung Puting National Park, managed by BTNTP, UPT Ditjen PHKA Dephut
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Orangutan in the Camp Leakey of Tanjung Puting National Park, managed by BTNTP, UPT Ditjen PHKA Dephut