Ang Maamo Pero Malakas na Shetland Pony
Ang Maamo Pero Malakas na Shetland Pony
● Sa ibang lugar, kapag pista, makakakita o makakasakay ka sa isang Shetland pony. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang Shetland pony ay nagmula sa Shetland Islands sa hilagang-silangan ng Scotland. Sa katunayan, ang mga arkeologo ay nakahukay roon ng buto ng maliit na mga buriko na sinasabing nabuhay libu-libong taon na ang nakalipas.
Ang mga Shetland pony ay may maiksing binti, mahabang kilíng at buntot, at makapal na balahibo na panlaban sa masamang lagay ng panahon sa Shetland Islands. Karaniwan na, ito ay kulay-itim o kulay-kape at may taas na mula 28 hanggang 42 pulgada. Di-tulad ng ibang kabayo, sinusukat ang taas ng mga Shetland pony sa pulgada, hindi sa dangkal—sukat na katumbas ng apat na pulgada. Ang mga American Shetland lang ang tumataas nang hanggang 46 na pulgada.
Maliit lang ang mga Shetland pony, pero malakas ang mga ito. Sa katunayan, kung proporsiyon ng laki at lakas ang pag-uusapan, ito ang pinakamalakas sa lahat ng kabayo. Kaya ito ang matagal nang ginagamit sa paghahakot ng mga pataba, pag-aararo, at pagtatrabaho sa minahan na kayang-kaya nitong pasukin dahil sa liit nito. Oo, marami sa mga ito ay hindi na lumalabas ng minahan at hindi na nasisinagan ng araw.
Kapag tinuruang mabuti, ang mga Shetland ay maamo kaya tamang-tama silang maging alaga ng mga bata. Ito rin ang posibleng dahilan kung bakit nagkaroon ng magandang resulta ang paggamit dito sa terapi para sa mga may kapansanan.
Dahil sa katangian ng Shetland at kakayahang mabuhay sa iba’t ibang kapaligiran, ine-export ang mga ito sa buong daigdig. May naitatag ding mga samahan ng mga taong mahilig sa kabayo at nagkaroon ng opisyal na listahan ng mga breed ng kabayo. Pero ang pangalang Shetland pony ay iniuugnay pa rin sa orihinal na pinagmulan nito kung saan nananatili itong napakalusog at hindi nalalahian.
[Larawan sa pahina 24]
Kung proporsiyon ng laki at lakas ang pag-uusapan, ang Shetland pony ang pinakamalakas sa lahat ng kabayo
[Picture Credit Line sa pahina 24]
© S Sailer/A Sailer/age fotostock