Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Baka Isang Awit Lang ang Kailangan”

“Baka Isang Awit Lang ang Kailangan”

“Baka Isang Awit Lang ang Kailangan”

Nagkaroon ng Alzheimer’s disease si Lola Juliana, isang may-edad nang Kristiyano sa Pilipinas. Maging sarili niyang mga anak ay hindi na niya kilala. Gayunman, binibisita ko pa rin si Lola sa tuwing magpupunta ako sa lugar nila.

Hindi na siya makabangon sa kama at madalas na nakatingin na lang sa bintana. Mahirap nang makipag-usap sa kaniya dahil hindi na niya ako natatandaan. Nakatitig siya sa akin pero parang wala siyang nakikita. “Naiisip n’yo pa po ba si Jehova?” ang tanong ko. Nagkuwento ako sa kaniya ng isang karanasan at nagtanong pa sa kaniya. Pero wala siyang reaksiyon. Pagkatapos, kumanta ako. Hindi ko malilimutan ang sumunod na nangyari!

Tumingin si Lola sa akin at sinabayan ako sa pagkanta! Mayamaya, hindi ko na siya masabayan kasi hindi ko kabisado ang mga awitin sa wikang Tagalog. Pero kabisado niya ang buong awit. Kaya pinakiusapan ko ang kasama ko na manghiram ng songbook sa isang kapitbahay na Saksi. Nakakuha naman siya agad. Hindi ko alam kung ano ang numero ng awit pero eksaktong iyon ang pahinang nabuklat ko! Kaya sabay naming kinanta ang buong awit. Nang tanungin ko si Lola kung may natatandaan pa siyang ibang awit, kumanta siya ng isang lumang awiting Tagalog tungkol sa pag-ibig.

“Hindi po kanta sa radyo,” ang sabi ko, “kanta po sa Kingdom Hall.” * Kumanta ako ng isa pang awit sa songbook, at sinabayan niya ulit ako. Makikita sa mga mata niya kung gaano siya kasaya at hanggang tainga ang ngiti niya.

Narinig kami ng mga kapitbahay, kaya lumapit sila sa bintana para panoorin kami. Nakatutuwang makita ang epekto ng musika kay Lola Juliana! Tandang-tanda pa rin niya ang liriko ng awit.

Natutuhan ko dito na hindi mo talaga masasabi kung ano ang makaaantig sa puso ng isang tao na halos hindi na makausap o hindi na makaunawa. Baka isang awit lang ang kailangan.

Pagkalipas ng ilang panahon, namatay si Lola Juliana. Naaalala ko ang tagpong iyon kapag nakikinig ako ng bagong rekording ng musika na inilabas ng mga Saksi ni Jehova noong 2009. Maaari mong itanong sa mga Saksi sa inyong lugar kung paano makakakuha ng magaganda at nakaaantig na mga rekording na ito.

[Talababa]

^ par. 5 Ang tawag sa lugar kung saan nagpupulong ang mga Saksi ni Jehova.