Kalungkutan—Alamin ang Dahilan
Kalungkutan—Alamin ang Dahilan
IBA ang kalungkutan sa pag-iisa. Ayon sa isang diksyunaryo, ang kalungkutan ay “kadalasan nang nagpapahiwatig ng isang sitwasyon kung saan ang isang tao ay nakadaramang nag-iisa at naghahanap ng makakasama.” Ipinaliwanag rin ng diksyunaryong iyon na ang pag-iisa ay maaaring tumukoy sa isang sitwasyon kung saan “ginusto . . . ng isang tao na mapag-isa.”
Kaya ang pag-iisa paminsan-minsan ay maaaring mabuti. Kadalasan nang gustong mapag-isa ng marami para manalangin o magbulay-bulay, gaya ng ginawa ni Jesu-Kristo. (Mateo 14:13; Lucas 4:42; 5:16; 6:12) Pero iba ang kalungkutan dahil masakit ito sa kalooban. Bakit kaya tayo nalulungkot?
● Nag-iisa sa Mataong Lunsod
Sa malalaking lunsod, tabi-tabi ang tirahan ng libu-libo o milyun-milyong tao. Pero nakapagtataka, isa ito sa mga dahilan kung bakit marami ang malungkot. Dahil sa abalang buhay sa lunsod, walang panahong makipag-usap ang mga tao sa iba. Kaya ang mga nakatira dito ay mga estranghero sa isa’t isa. Oo, marami sa kanila ang malungkot dahil wala silang tiwala sa mga estranghero at gusto nilang maprotektahan ang kanilang pribadong buhay.
● Hindi Makataong Pagtrato sa mga Empleado
Ang mga empleado, anuman ang posisyon nila sa kompanya, ay nakadarama ng lungkot at kawalang-kakayahan dahil sa paraan ng pagpapatakbo sa malalaking negosyo at industriya. Madalas silang nakararanas ng panggigipit at stress.
Bukod diyan, nakadarama ang mga empleado ng kawalang-kapanatagan, pag-iisa, at kalungkutan dahil inililipat-lipat sila ng malalaking kompanya na pinapasukan nila. Sinabi ng pahayagang International Herald Tribune tungkol sa maraming nagpapatiwakal na empleado ng ilang kompanyang Pranses na “napipilitan [ang mga empleado sa bansang ito] na gawin maging ang mga bagay na hindi nila kaya para lang makasabay sa mabilis na pagbabago ng ekonomiya.”
● May Komunikasyon Pero Walang Damdamin
Sinabi ng propesor na si Tetsuro Saito na taga-Japan: “Humihina ang kakayahan ng mga tao na makipag-usap dahil mas madalas nilang ginagamit ang mga cellphone at iba pang gadyet.” Iniulat naman ng The Sunday Telegraph ng Australia: “Dahil sa teknolohiya, . . . nagkakaroon tayo ng pagkakataong makaiwas sa mga tao. Ang mga tao ay . . . nag-e-e-mail o nagte-text sa isa’t isa sa halip na mag-usap.”
Sinabi ni Rachel, isang 21 anyos na taga-Pransiya, kung bakit siya nalulungkot: “Hindi na gaanong nagsisikap ang mga tao na makipagkita kasi puwede naman silang mag-text, mag-e-mail, at makipag-chat. Dahil dito, lalo lang akong nalulungkot.”
● Paglipat ng Tirahan
Dahil din sa krisis sa ekonomiya, marami ang nagpapalipat-lipat ng tirahan. Napipilitan silang gawin ito para makakuha ng trabaho o hindi mawalan ng trabaho. Napapawalay tuloy sila sa kanilang mga kapitbahay, kaibigan, kaeskuwela, at kung minsan sa pamilya. Nadarama nila na para silang mga halaman na inilipat ng paso pero naiwan ang ugat.
Tandang-tanda pa ni Francis ang araw na dumating siya sa Pransiya mula sa Ghana. Sinabi niya, “Nakadama ako ng sobrang lungkot kasi iba ang wika nila, malamig ang klima, at wala akong kaibigan.”
Sinabi naman ni Behjat, isang imigrant sa Inglatera: “Nahirapan akong mag-adjust sa kanilang kultura. May mga kakilala nga ako pero wala akong tunay na mga kaibigan o kapamilya na makakausap at mapaghihingahan ng loob.”
● Pagkamatay ng Isang Minamahal
Nag-iiwan ng malaking puwang sa buhay ng isa ang pagkamatay ng kabiyak. Lalo nang totoo ito sa mga nag-alaga sa kanilang asawa sa mahabang panahon. Madalas na nakadarama sila ng matinding pangungulila.
Sinabi ng biyudang si Fernande na taga-Paris: “Ang pinakamahirap para sa akin ay wala na
ang aking best friend—ang asawa ko—na nasasabihan ko ng aking niloloob.” Sinabi naman ni Anny na nami-miss niya ang asawa niya “lalo na kapag kailangan [niyang] magdesisyon tungkol sa kalusugan o iba pang bagay.”● Diborsiyo, Paghihiwalay, at Pagiging Walang Asawa
Ang diborsiyo o paghihiwalay ay kadalasan nang nagdudulot ng kalungkutan at kabiguan. Ang mga anak ang karaniwan nang pinakanahihirapan—higit kaysa dating inaakala. Naniniwala ang ilang eksperto na ang mga anak ng mga nagdiborsiyo ay mas malamang na maging malungkutin paglaki nila.
Karaniwan nang nakadarama ng kalungkutan sa pana-panahon ang mga hindi makahanap ng gusto nilang mapangasawa. Lalo pa silang nalulungkot kapag nakaririnig sila ng mga komentong gaya ng, “Mas magiging maligaya ka kapag nag-asawa ka.”
Nalulungkot din ang mga nagsosolong magulang. Masayang maging magulang pero may kasama itong mga problema, at wala silang magawa kundi harapin itong mag-isa.
● Pagtanda at Kawalang-Karanasan ng mga Kabataan
Maaaring madalas na nalulungkot ang mga may-edad na, kahit hindi naman sila pinababayaan ng kanilang pamilya. Baka dinadalaw naman sila paminsan-minsan ng mga kamag-anak nila. Pero paano kaya kapag walang bumibisita sa kanila—marahil, mga ilang araw o linggo?
Ang mga kabataan ay nakadarama rin ng kalungkutan. Marami ang nahihilig sa mga libangan na puwedeng gawin nang walang kasama gaya ng panonood ng TV, paglalaro ng mga video game, at pagbababad sa computer.
Posible bang masolusyonan ang laganap na problemang ito? Paano kaya malalabanan ang kalungkutan?
[Blurb sa pahina 5]
“Nakadama ako ng sobrang lungkot kasi iba ang wika nila, malamig ang klima, at wala akong kaibigan”