Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinili Ko ang Pinakamagandang Karera sa Buhay

Pinili Ko ang Pinakamagandang Karera sa Buhay

Pinili Ko ang Pinakamagandang Karera sa Buhay

Ayon sa salaysay ni Karl-Erik Bergman

Ang sarap ng pakiramdam ko kapag tumatakbo ako nang mabilis. Likas akong mabilis tumakbo kaya ito ang naging mahalaga sa buhay ko.

NOONG 1972, sa edad na 17, sumali ako sa isang asosasyon ng mga atleta. Di-nagtagal, nakita ko na marami pa akong kailangang gawin para maging mahusay at sikat na atleta. Hindi sapat ang likas na kakayahan para maging champion sa pagtakbo. Pero handa akong magsikap.

Noong ako ay 22 anyos, nakasama ako sa pambansang koponan ng Finland. Nang sumunod na taon, nakuha ko ang pinakamagandang average na oras sa pagtakbo sa 100-metrong paligsahan sa Finland. Dahil napinsala ang aking litid sa bandang sakong at kalamnan sa likurang hita, hindi ko nalinang ang potensiyal ko sa pagtakbo. Pero mahal ko ang karerang ito kaya naging coach na lang ako ng mga atletang may potensiyal. Noong 1982, nagplano akong lumipat sa California sa Estados Unidos para mag-aral sa unibersidad at maipagpatuloy ang aking karera bilang mananakbo dahil mas maganda ang klima roon. Bumili pa nga ako ng tiket ng eroplano.

Ang Bumago sa Buhay Ko

Isang gabi, mga ilang araw bago ang nakaiskedyul kong biyahe patungong California, may dumalaw na dalawang babaing Saksi ni Jehova sa bahay ko. Napakakalmado nila at may kumpiyansa, mga katangiang hinahanap sa mga atleta. Pinapasok at pinaupo ko sila para makapag-usap kami. Marami akong natutuhan sa pag-uusap namin. Binigyan nila ako ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. * Binasa ko ito. Nang nasa kalagitnaan na ng aklat, nakita ko na ito ang katotohanan. Bumalik ang mga Saksi, at tinanong ko sila kung paano ako magiging isa sa kanila. Sinabi nila na kailangan kong mag-aral ng Bibliya.

Hindi lang ako nagpa-Bible study, dumalo rin ako sa pulong ng mga Saksi sa Kingdom Hall sa Vantaa, malapit sa aking tinitirhan. Nakita ko na ang itinuturo nila ay ang katotohanan sa Bibliya. Sa katunayan, unti-unti nitong binago ang pangmalas ko sa kung ano talaga ang mahalaga sa buhay. Kaya isinauli ko ang tiket ng eroplano. Bumili ako ng damit pampulong at bag para sa Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya mula sa perang nakuha ko. Nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova sa isang kombensiyon sa Helsinki noong 1983.

Sumama sa Akin ang Ibang Atleta

Habang natututuhan ko ang mga katotohanan sa Bibliya, gustung-gusto kong ibahagi ito sa mga kaibigan ko. Hindi sila makapaniwala noong una. Sa katunayan, may kumalat na tsismis na nasisiraan na ako ng ulo. Unti-unti akong iniwasan ng mga kaibigan ko. Pagkatapos kong mabautismuhan, regular pa rin akong nag-eehersisyo at nakakasabay ko ang mga kapuwa ko atleta. Sa pag-uusap namin, nakita nila na bagaman iba na ako, hindi ako nasiraan ng ulo.

Nang maglaon, nakita ng marami sa mga atletang ito na makatuwiran at dapat pag-isipan ang mga sinabi ko. Napansin nila na hindi na ako agresibo at nagmumura. Gusto ng ilan na matuto pa sa Bibliya. Natutuwa akong ibahagi sa iba na inihahalintulad ng Bibliya ang buhay ng isang Kristiyano sa isang takbuhan. Tayo ay nasa isang takbuhan na ang gantimpala ay buhay na walang hanggan.​2 Timoteo 2:5; 4:7, 8.

Ang totoo, ang tunay na kaligayahan at makabuluhang buhay ay wala sa tagumpay sa mga paligsahan, kundi nasa paggawa ng kung ano ang nakalulugod sa ating Maylalang. Dahil sa mga pakikipag-usap ko sa ibang atleta, pinag-isipan nilang muli ang kanilang tunguhin sa buhay. Tinanggap din ng ilan ang katotohanan ng Bibliya na bumago sa buhay ko. Nakatutuwa dahil ilan sa kanila ay naging masigasig sa paglilingkod sa Diyos kung paanong masigasig sila noon sa isport.

Isa rito si Yvonne, pinakamabilis na babaing mananakbo sa Scandinavia sa 800-metrong paligsahan at may hawak ng pambansang rekord sa kategoryang ito sa Finland. Naipanalo niya ang Finland sa mga paligsahan sa Europa. Dahil sa aming mga pag-uusap, nakita ni Yvonne na walang-saysay ang pagiging tanyag sa daigdig sa ngayon. Natutuhan niya na ang sanlibutang ito ay lilipas at darating ang isang bagong sanlibutan ng Diyos, gaya ng itinuturo ng Bibliya.​—1 Juan 2:17.

Di-nagtagal, nag-Bible study si Yvonne. Nililigawan siya noon ni Jouko, isang mahusay na mananakbo na kabilang sa pambansang koponan ng Finland. Sa katunayan, kinatawan ni Jouko ang Finland sa mga paligsahan sa Europa at pandaigdig na kampeonato. Nang maglaon, lumipat sina Yvonne at Jouko sa Estados Unidos para ipagpatuloy ang kanilang karera sa isport.

Habang naroroon, ipinagpatuloy ni Yvonne ang pag-aaral ng Bibliya. Nag-aral din si Jouko pero gusto lang niyang maghanap ng mali para matauhan si Yvonne. Pero unti-unti ring tumagos sa puso ni Jouko ang katotohanan sa Bibliya. Nagpakasal sina Yvonne at Jouko at nang maglaon ay inialay ang kanilang sarili sa Diyos at sinagisagan ito ng bautismo sa tubig. Sa ngayon, pareho na silang payunir, o buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova.

Nakapagpasimula rin ako ng pag-aaral sa Bibliya kay Barbro na naging champion ng Finland sa 400-metrong paligsahan ng mga babae sa pagtakbo. Bago nito, kinatawan niya ang Finland sa mga paligsahan sa Europa. Lumipat sa Sweden si Barbro at ang asawa niyang si Jarmo, na dating pole-vaulter. Ipinagpatuloy roon ni Barbro ang pag-aaral ng Bibliya, at sumama rin si Jarmo. Pareho silang naghahanap ng layunin sa buhay, at matapos matutuhan ang katotohanan sa Bibliya, kapuwa sila nagpabautismo sa Sweden. Nang maglaon, si Jarmo ay naging physiotherapist at silang mag-asawa ay masigasig sa ministeryo. Elder na ngayon si Jarmo sa kongregasyong Kristiyano.

Si Heidi naman ay isang tin-edyer noon na mahusay ring mananakbo. Bilang coach niya, nakita kong interesado siya sa espirituwal na mga bagay. Kaya isang araw, ipinakipag-usap ko sa kaniya ang turo ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa mga pagpapalang idudulot nito sa lupa. Tinanong ko siya, “Naniniwala ka ba na matutupad ang mga pangakong ito?”​—Awit 37:11, 29; Mateo 6:9, 10.

“Oo,” ang sagot niya. Gusto niyang mag-aral ng Bibliya. Kaya naghanap ako ng Kristiyanong sister na magba-Bible study sa kaniya. Pagkalipas ng ilang taon, sinagisagan ni Heidi ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Sumulong siya at naging isang huwarang Kristiyano. Pinakasalan ko ang magandang sister na ito. Napakabait niyang asawa at determinado siyang maglingkod sa Diyos​—determinasyon na maaaring nakatulong sa kaniya na maging mahusay at sikat na atleta kung ipinagpatuloy niya ito.

Sa simula, tutol sa pag-aaral ko ng Bibliya ang nakababata kong kapatid na si Peter, na mahilig din sa isport. Binigyan ko siya ng kopya ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Pagkatapos, sinabi niya sa akin: “Nasimulan ko nang basahin ang aklat na ito, pero wala akong naintindihan. Puwede mo ba akong tulungan?” Naghanap ako ng isang Saksi na magba-Bible study sa kaniya. Pagkalipas ng apat na buwan, nabautismuhan siya. Nang maglaon, nag-asawa siya at naglilingkod ngayon bilang payunir ang asawa niya.

Patuloy sa Pagtakbo

Bago pa ako mabautismuhan, gusto ko nang maging misyonero balang-araw. Kaya di-nagtagal, pagkatapos ng aking bautismo, nagpayunir ako. Alam ko na sa takbuhan sa buhay, kailangang ibigay ng isa ang kaniyang pinakamabuti. Nag-aplay ako at ang asawa kong si Heidi sa Gilead, isang paaralan para sa mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova sa New York, at noong 1994, tinawagan kami. Pagkagradweyt, inatasan kaming maglingkod sa Latvia, kung saan Ruso ang karaniwang wika.

Dismayado ang mga tao sa pagbagsak ng Unyong Sobyet. Siniraan ang Bibliya at ipinagbawal pa nga sa bansang ito, pero nakita namin na marami ang naging interesado sa sinasabi nito. Isa sa pinakamahirap na hamon sa akin ang pag-aaral ng wikang Ruso. Pero pagkalipas ng anim na buwang pagmimisyonero sa Latvia, inatasan akong bisitahin at patibayin ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Kasama ang tapat kong asawa, ito ang ginagawa ko hanggang sa ngayon.

Sa paglipas ng mga taon, marami akong natulungang sumulong sa takbuhan sa buhay, ang “tunay na buhay” sa bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Timoteo 6:19) Kailangang makilalang mabuti ng coach ang kaniyang mga atleta para lubusang mahubog ang kanilang kakayahan. Inaalam niya kung saan sila malakas at mahina at tinutulungan niya sila. Pinatitibay niya ang kanilang loob na magpatuloy para maibigay ang kanilang pinakamahusay.

Nagulat ako na malaki pala ang pagkakatulad ng buhay ng isang Kristiyano at ng isang atleta, gaya ng idiniin ni apostol Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto. Ang isang matagumpay na atleta ay laging nakapokus sa kaniyang pagsasanay at hindi lang basta nangangarap manalo. Nagtatakda siya ng makatuwirang mga tunguhin at nagsisikap nang husto para maabot ito. Kapag naiba ang pokus niya at hindi na magpursigi sa pag-abot nito, mababale-wala ang lahat ng pinagpaguran niya. Sa katulad na paraan, kailangan din ng isang tunay na Kristiyano na manatiling nakapokus.

Ang isang matagumpay na atleta ay disiplinado sa pagkain para manatiling malusog. Ganiyan din ang isang tunay na Kristiyano. Hindi niya pinupuno ng imoral na mga turo ang kaniyang isip o, gaya ng sinabi ni apostol Pablo, kumakain sa “mesa ng mga demonyo.” Sa halip, kumakain siya ng mayamang espirituwal na pagkain na inilaan ng Diyos sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (1 Corinto 10:21) Bukod diyan, kapag may problema, nananatiling positibo ang isang matagumpay na atleta. Inaamin niya ang kaniyang mga pagkakamali at itinutuwid ito. “Ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang katiyakan,” ang isinulat ni Pablo. “Kundi binubugbog ko ang aking katawan,” ang sabi niya, para makapanatili sa takbuhan.​—1 Corinto 9:24-27.

Regular pa rin kami ng aking asawa sa pag-eehersisyo sa gym para manatiling malusog. Pero hindi namin hinahayaan na maging hadlang ito sa aming paglilingkod kay Jehova, na lumalang sa tao sa kamangha-manghang paraan. (Awit 139:14) Pareho kaming nakapokus sa pagsisikap na maabot ang gantimpalang “tunay na buhay,” ang buhay sa “darating” na bagong sanlibutan ng Diyos.​—1 Timoteo 4:8.

Pagkatapos ilarawan ang ‘malaking ulap ng mga saksi’ bago ang panahong Kristiyano, ganito ang paghimok ni apostol Pablo: “Alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.” (Hebreo 12:1) Ito na ang pinakamakabuluhang takbuhan na maaaring salihan ng isa. Dahil sa dulo nito, lahat ng mananakbo ay tatanggap ng walang-hanggang mga pagpapala.​—2 Timoteo 4:7, 8.

[Talababa]

^ par. 7 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

[Larawan sa pahina 14]

Sa kalagitnaan ng dekada ’80, ako at si Heidi kasama si Yvonne sa itaas at si Jouko at ang anak nila sa ibaba

[Larawan sa pahina 15]

Ako at si Heidi habang nangangaral

[Larawan sa pahina 15]

Sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Helsinki noong 2009. Sina Yvonne at Jouko sa aming kaliwa at sina Barbro at Jarmo sa aming kanan

[Picture Credit Line sa pahina 12]

Published in Aamulehti 8/21/1979