Mainit na Lutong-Bahay na Inihahatid sa mga Opisina—Uso sa Mumbai
Mainit na Lutong-Bahay na Inihahatid sa mga Opisina—Uso sa Mumbai
ARAW-ARAW, alas-singko pa lang ng umaga umaalis ka na ng bahay para pumasok sa trabaho. Sa pananghalian, kumakain ka ng masarap na lutong-bahay na tamang-tama sa iyong panlasa. Karaniwan ito sa libu-libong nagtatrabaho sa Mumbai, India. Salamat sa mga dabbawala na naghahatid ng lutong-bahay na mga pagkain sa India. *
Isang Magandang Oportunidad
Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang Mumbai, na dating tinatawag na Bombay, ay isang umuunlad na sentro ng komersiyo. Dito nag-oopisina ang mga negosyanteng Indian at Britano na nakatira sa malalayong lugar. Mahirap ang biyahe, iilan lang ang restawran at magkakalayo pa. Praktikal kung kukuha sila ng katulong para magluto sa bahay ng pananghalian at maghatid nito sa opisina. Nakita ng isang negosyante na magandang oportunidad ito. Kumuha siya ng mga kabataang walang trabaho sa mga nayon para regular na maghatid ng mga pagkain mula bahay hanggang opisina. Ganito nagsimula ang isang malaking negosyo.
Gustung-gusto pa rin ngayon ang mga lutong-bahay. Kahit marami nang restawran, mas matipid at pinipili pa rin ito ng marami. Bukod diyan, marami ang may problema sa kalusugan at may sinusunod na diet. Ang iba naman ay may iniiwasang pagkain dahil bawal sa relihiyon nila. Halimbawa, ang ilan ay hindi kumakain ng sibuyas at ang iba naman ay ayaw ng bawang. Karamihan sa mga ito ay sangkap ng mga pagkain sa restawran, kaya tamang-tama ang lutong-bahay.
Isa sa Pinakamaaasahang Serbisyo
Walang gaanong pagbabago sa simpleng sistema ng paghahatid ng pagkain ng mga dabbawala sa loob ng maraming taon, maliban sa
dumami ang kanilang kostumer. Sa ngayon, mahigit 5,000 lalaki, at ilang babae, ang naghahatid ng mahigit 200,000 pananghalian araw-araw mula sa mga bahay sa kanilang lugar papunta sa mga opisina sa lunsod na mahigit 20 milyon ang populasyon. Ang mga dabbawala ay naghahatid ng mga 30 hanggang 40 baunan sa layong di-lalampas sa mga 60 kilometro. Ang mga naglalakad ay gumagamit ng kariton, at ang iba naman ay nagbibisikleta o sumasakay ng tren. Naihahatid nila sa tamang tao sa tamang oras ang tamang pagkain. Sa katunayan, sinasabing sa bawat 6 na milyong inihahatid na pagkain, 1 lang ang mali! Bakit ganito kahusay ang kanilang rekord?Noong 1956, ang mga dabbawala ay nagparehistro bilang isang organisasyong nagkakawanggawa na may executive committee at iba pang opisyal. Mayroon itong independiyenteng mga grupo ng manggagawa na may mga superbisor. Pero lahat sila ay nagmamay-ari ng kompanya—at ito ang sinasabi nilang sekreto ng kanilang tagumpay. Sa katunayan, wala pang nagwelga sa kanila mula nang magsimula ito mahigit 100 taon na ang nakalilipas.
May ID ang mga dabbawala at madali silang makilala dahil nakaputing polo sila, maluwag na pantalon, at puting sombrero. Kung hindi sila makapagsombrero, nahulí o di-nakapasok sa trabaho nang walang dahilan, o uminom ng alak sa oras ng trabaho, maaari silang pagmultahin.
Rutin sa Araw-araw
Pagsapit ng 8:30 ng umaga, nakaluto na ang isang maybahay at nailagay na ang pananghalian sa baunan, o dabba. Ang dabba ay may mga kompartment na patung-patong at may hawakang metal. Kokolektahin ng isang dabbawala ang ilang baunan sa isang lugar, isasakay ito sa kaniyang bisikleta o kariton, at magmamadali siya papunta sa istasyon ng tren kung saan makikita niya ang mga kasamahan niya sa grupo. Doon nila pagbubukud-bukurin ang mga baunan ayon sa destinasyon nito, gaya ng ginagawa ng mga kartero.
Ang bawat baunan ay may code na binubuo ng mga letra, numero, at kulay na nagpapakita ng pinanggalingan ng pagkain, malapit na istasyon, pagdadalhang istasyon, pangalan ng gusali, at numero ng palapag. Pagsasama-samahin sa isang mahabang lagayan na yari sa kahoy ang mga baunang dadalhin sa iisang lugar. Kasya rito ang hanggang 48 baunan. Pagdating ng tren, ilalagay ito sa isang espesyal na kompartment na katabi ng cabin ng drayber. Sa isang sentrong istasyon, ibababa ito at muling pagbubukud-bukurin at dadalhin sa isa pang istasyon. Doon ito muling pagbubukud-bukurin at ihahatid sa umorder nito gamit ang bisikleta o kariton.
Ang paraang ito ng paghahatid ay mabilis na, matipid pa. At hindi naiipit sa trapik ang mga dabbawala dahil dumadaan ang bisikleta nila sa mga gilid ng kalsada at pagitan ng mga kotse. Kaya pagdating ng 12:30 ng tanghali, naihatid na ang pagkain sa tamang opisina. Sa pagitan ng 1:15 at 2:00 ng hapon, pagkatapos mananghalian ng masisipag na dabbawala, kokolektahin na nila ang mga basyong baunan at ibabalik sa may-ari nito. Huhugasan ito ng isang kapamilya ng nagluto at ihahanda para sa kinabukasan. Mabilis at mahusay ang prosesong ito mula simula hanggang sa dulo na parang larong pasahan ng bola!
Isang Simpleng Serbisyo, Labis na Hinahangaan
Napansin ang napakahusay na serbisyo ng mga dabbawala. Pinag-aralan ng ibang organisasyon ang sistema ng paghahatid ng mga dabbawala para magamit ito sa ibang negosyo. Ginawan ng mga dokumentaryong pelikula ang mga dabbawala. Binigyan sila ng Forbes Global Magazine ng sertipikasyong Six Sigma dahil sa kanilang rekord na halos walang sablay. Binanggit sila sa The Guinness Book of World Records at mga case study sa Harvard Business School sa Estados Unidos. Binisita pa nga ang mga dabbawala ng mga kilalang tao, kabilang na ang isang prinsipe ng Britanya na humanga sa kanilang serbisyo. Inimbitahan pa niya ang ilan sa kanila sa kaniyang kasal sa Inglatera.
Gumagamit na ngayon ang mga dabbawala ng computer at cellphone para kumuha ng mga order at magrekord ng mga account. Pero ganoon pa rin ang kanilang paraan ng paghahatid. Kapag oras na ng pananghalian, tuwang-tuwa ang mga gutom na nag-oopisina sa Mumbai dahil alam nilang nariyan na ang kanilang mainit na lutong-bahay na pagkain. Darating ito nang eksakto sa oras!
[Talababa]
^ par. 2 Ang dabba ay nangangahulugang “lagayan”; ang wala ay tumutukoy sa taong naghahatid ng pagkain. Iba-iba ang baybay nito.
[Larawan sa pahina 11]
Isinasakay sa tren ang mga “dabba”
[Larawan sa pahina 11]
Ang isang “dabba” ay may mga kompartment na patung-patong para madaling dalhin
[Larawan sa pahina 12]
Maraming negosyo ang natuto sa mahusay na sistema ng paghahatid ng mga “dabbawala”