“Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo”!
“Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo”!
ANG sinabing iyan ni Jesu-Kristo na mababasa sa Juan 8:32 ay isang di-matututulang katotohanan. Pinalalaya tayo ng katotohanang iyan sa mga pamahiin at kaugaliang nakasasama sa atin at hindi nakalulugod sa Diyos. Makikita sa mga sumusunod kung paano pinalaya ng katotohanan ng Bibliya ang mga tao sa iba’t ibang bansa mula sa pabigat na mga tradisyon ng Pasko.
Pinalaya Sila ng Katotohanan ng Bibliya!
Argentina “Nakalaya na ang pamilya namin sa mga problemang dulot ng sobrang pagkain at pag-inom at sa pagbili ng mga regalong hindi naman kaya ng bulsa namin,” ang sabi ni Oscar.
Nakadama si Mario ng malaking kaginhawahan nang sabihin sa kaniya ang tungkol sa “kasinungalingan ng Pasko,” gaya ng tawag niya dito.
“Mas masaya ako ngayon dahil naipakikita ko ang pagpapahalaga sa iba sa pamamagitan ng pagbibigay ng regalo anumang petsa ng taon at kung kailan kaya ng bulsa ko.”Canada “Gustung-gusto kong magbigay at tumanggap ng mga regalo,” ang isinulat ni Elfie. “Pero ayoko ng pilit na pagbibigay. Napakalaking ginhawa simula noong hindi na nagpapasko ang pamilya namin!”
Naalaala ni Ulli, isa sa mga anak na babae ni Elfie: “Simula noong hindi na nagpapasko ang mga magulang namin, lagi na nila kaming sinosorpresa ng masasayang aktibidad o mga regalo sa buong taon, at gustung-gusto namin iyon! Kapag tinatanong ng mga kaklase namin kung ano ang okasyon, masaya naming sinasabi, ‘Wala lang!’ Pero hindi naging madali para sa mga magulang namin na sundin ang sinasabi ng Bibliya dahil sa pagsalansang ng mga kamag-anak namin. Gayunman, nanindigan sila. Napatibay ako ng determinasyon nila na maging katanggap-tanggap sa Diyos na Jehova ang kanilang pagsamba.”
Para kay Silvia, “ang laking ginhawa” nang tumigil na siya sa pagdiriwang ng Pasko. Sinabi niya, “Napakasarap ng pakiramdam! Alam kong napasasaya ko ang Diyos na Jehova, at mas masarap iyon kaysa sa libu-libong ulit na pagdiriwang ng Pasko.”
Kenya Isinulat ni Peter: “Noong nagpapasko pa ako, nangungutang ako nang malaki para ipambili ng mga regalo at sobra-sobrang pagkain. At dahil diyan, kailangan kong mag-overtime. Nawawalan tuloy ako ng panahon sa pamilya ko. Ang saya-saya ko dahil hindi ko na kailangang gawin ang lahat ng iyon!”
“Nagbibigay ako—at tumatanggap—ng regalo sa aking pamilya at mga kaibigan kahit walang okasyon,” ang sabi ni Carolyne. “Naniniwala ako na ang gayong mga regalo na di-inaasahan at ibinigay mula sa puso ang pinakamasarap tanggapin.”
Japan “Kahit kailan hindi umasa ng regalo ang aming mga anak,” ang isinulat nina Hiroshi at Rie, “tapos ay babale-walain lang nila. Bilang mga magulang, natutuwa kaming makitang naiintindihan nila na ang pagbibigay ay dapat bukal sa puso.”
Naalaala ni Keiko: “Nagpapasko dati ang pamilya namin. Kapag tulog na ang aming anak, maglalagay kami ng asawa ko ng regalo sa tabi ng kaniyang kama. Kinaumagahan, sasabihin namin sa kaniya: ‘Mabait ka kasing bata kaya binigyan ka ni Santa ng regalo.’ Nang malaman ko ang katotohanan tungkol sa Pasko at sabihin ko ito sa anak ko, nagulat siya at umiyak. Natauhan ako. Hindi pala maganda ang Pasko. Isa itong kasinungalingan, at dahil sa pagsuporta sa kasinungalingang ito, parang niloko ko ang anak ko.”
Pilipinas Sinabi ni Dave: “Mahirap tumbasan ng salita ang kagalakang ibinibigay sa atin ni Jehova sa pamamagitan ng katotohanan mula sa Bibliya. Kapag nagbibigay ang pamilya namin ng regalo sa iba, hindi kami umaasa ng anumang kapalit. Nagbibigay kami mula sa puso.”
Sila ay ilan lamang sa milyun-milyong nagpatunay na nakapagpapalaya ang katotohanan ng Bibliya. Pero mas mahalaga pa rito, kapag namumuhay tayo ayon sa katotohanan, napasasaya natin ang puso ng Diyos. (Kawikaan 27:11) Sinabi ni Jesu-Kristo: “Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:23) Kapag sinuri ng Diyos ang puso mo, makikita kaya niya na sabik kang malaman ang katotohanan? Sana ang sagot mo ay isang malinaw na oo!
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga Kristiyano ay nagbibigay ng regalo mula sa puso anumang petsa ng taon