Masisisi ba ang Relihiyon?
Masisisi ba ang Relihiyon?
MAAGA ng ika-18 siglo, sumulat ang klerigo at awtor na si Jonathan Swift: “Sapat na ang relihiyon upang pukawin ang ating poot, ngunit hindi sapat upang udyukan tayong mag-ibigan sa isa’t isa.” Marami ang nangangatuwiran na, sa halip na pagkaisahin ng relihiyon ang mga tao, nagiging sanhi pa nga ito ng pagkakawatak-watak. Pero hindi sang-ayon dito ang lahat.
Halimbawa, pansinin ang naging konklusyon ng isang grupo ng mga mananaliksik sa Department of Peace Studies sa Bradford University sa United Kingdom. Inatasan ng British Broadcasting Corporation ang grupong ito para alamin kung ang relihiyon ay nagtataguyod ng kapayapaan o ng digmaan.
Sa isang inilathalang report, sinabi ng mga mananaliksik: “Pagkatapos naming tingnan ang ginawang pagsusuri sa kasaysayan ng iba’t ibang mga eksperto, masasabi naming mabibilang lang ang digmaan na ang dahilan talaga ay relihiyon sa nakalipas na 100 taon.” Ipinaliwanag ng grupong nag-iimbestiga na ang ilang digmaan na “kadalasan nang ipinalalabas sa media at sa iba pa na dahil sa relihiyon, o pagkakaiba-iba ng relihiyon ay dahil pala sa nasyonalismo, kalayaan o pagtatanggol sa bansa.”
Pero marami ang nagsasabi na makikita sa ginagawa o pananahimik ng klero na kinukunsinti at aktibo nilang sinusuportahan ang maraming armadong labanan, gaya ng ipinahihiwatig ng mga sumusunod:
● “Sa halos lahat ng lugar, waring nasasangkot ang relihiyon sa karahasan. . . . Sa nakalipas na mga taon, nagkaroon ng karahasan sa pagitan ng mga konserbatibong Kristiyano sa Estados Unidos, ng galit na mga Muslim at Judio sa Gitnang Silangan, ng nagbabangayang mga Hindu at Muslim sa Timog Asia, at ng mga katutubong relihiyon sa Aprika at Indonesia. . . . Relihiyon ang nasa likod ng pulitikal at mapaghiganting ideolohiya ng mga indibiduwal na sangkot dito.”—Terror in the Mind of God—The Global Rise of Religious Violence.
● “Nakapagtataka na ang mga bansang aktibo sa relihiyon ang kadalasan nang may pinakamasamang lipunan. . . . Hindi nakatulong ang pagdami ng relihiyon para maiwasan ang pagtaas ng bilang ng krimen. . . . Ipinahihiwatig nito: Para makapamuhay nang ligtas, disente, maayos, at ‘sibilisado,’ iwasan ang mga lugar kung saan aktibo ang relihiyon.”—Holy Hatred.
● “Ang mga Baptist ay mas kilala sa pakikipaglaban kaysa sa pakikipagpayapaan. . . . Dahil sa isyu ng pang-aalipin [sa Amerika] at iba pang mga pangyayari, nagkabaha-bahagi ang mga denominasyon at pagkatapos ay ang bansa noong ikalabinsiyam na siglo. Itinaguyod ng mga Baptist
sa Hilaga at sa Timog ang digmaan bilang matuwid na krusada at inisip nilang nasa panig nila ang Diyos. Nakilala din ang Baptist sa pagsuporta nila sa kanilang bansa sa pakikidigma sa Inglatera (1812), Mexico (1845), at Espanya (1898), anupat sinasabing ang dalawang huling nabanggit ay ‘pangunahin nang para magkaroon ng kalayaan sa relihiyon ang mga bansa at mabuksan ang ibang lugar sa mga misyonero.’ Hindi naman dahil mas gusto ng mga Baptist ang digmaan kaysa sa kapayapaan. Sa halip, pangunahin na, sumuporta sila sa digmaan at nakibahagi rito dahil sumiklab na ito.”—Review and Expositor—A Baptist Theological Journal.● “Nakita ng mga istoryador na sa halos lahat ng yugto ng panahon at sa halos lahat ng bansa at kultura, relihiyon ang nag-udyok sa marami para makipagdigma, at karaniwan nang totoo ito sa magkabilang panig ng anumang digmaan. Ang matagal nang sigaw na ‘nasa panig natin ang mga diyos’ ay isa sa pinakauna at pinakamapuwersang pang-udyok sa pakikidigma.”—The Age of Wars of Religion, 1000-1650—An Encyclopedia of Global Warfare and Civilization.
● “Dapat suriing mabuti ng mga relihiyosong lider ang kanilang kawalang kakayahang manguna at ang pagkabigo nilang itaguyod ang mga pangunahing turo ng kani-kanilang relihiyon. . . . Totoong naghahangad ng kapayapaan ang lahat ng relihiyon pero kuwestiyunable kung nagagawa nila ito.”—Violence in God’s Name—Religion in an Age of Conflict.
Sa buong kasaysayan, ang klero ng lahat ng pangunahing relihiyon ng Sangkakristiyanuhan (Katoliko, Ortodokso, at Protestante) ay nagsusugo ng napakaraming pari at kapelyan para palakasin ang loob ng mga sundalo at ipagdasal ang mga namatay at nasa bingit ng kamatayan—sa magkabilang panig ng anumang labanan. Sa pagsuportang ito, kinukunsinti nila ang pagpatay at binabasbasan ang mga hukbong militar.
Baka sabihin pa rin ng ilan na hindi maisisisi sa relihiyon ang mga digmaan. Pero ang tanong, Nagtagumpay ba ang anumang pagsisikap ng relihiyon na pagkaisahin ang sangkatauhan?
[Kahon sa pahina 5]
“Ipinatalastas ni Rev. Dr. Charles A. Eaton, pastor ng Madison Avenue Baptist Church sa pulpito kahapon na ang parokya ng simbahan ay gagawing istasyon para sa pangangalap ng mga lalaking gustong magpalista sa hukbong militar o sa hukbong-dagat.
“Isa siya sa mahigit sa sampung klerigo sa lunsod na nagsesermon tungkol sa digmaan sa kanilang misa tuwing Linggo ng umaga, at humihimok sa mga lalaki’t babae na patunayan ang kanilang katapatan sa bayan at demokrasya sa pamamagitan ng pagsama sa hukbo sa lalong madaling panahon. May mga bandila sa maraming simbahan.”—The New York Times, Abril 16, 1917.