Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Migraine—May Magagawa Ka Ba?

Migraine—May Magagawa Ka Ba?

Migraine​—May Magagawa Ka Ba?

Tinitingnan ni Joyce, isang masiglang empleado, ang isang dokumento. Biglang-bigla, nablangko ang tingin niya. Pagkatapos, parang may mga flash ng liwanag na naging alun-alon at kakatwa ang mga hugis. Sa loob lang ng ilang minuto, halos hindi na makakita si Joyce. Nang matanto niya kung ano ang nangyayari, agad-agad siyang uminom ng isang maliit na kapsula na para sa ganitong emergency.

SI Joyce ay sinumpong ng migraine, na ibang-iba sa simpleng sakit ng ulo. Di-tulad ng ordinaryong sakit ng ulo, ang migraine ay paulit-ulit na umaatake at may pattern. Bukod diyan, sa tindi ng sakit nito, hindi na maitutuloy ng isa anuman ang ginagawa niya.

Ano ba ang mga sintomas ng migraine? Ang isang may migraine ay nakakaramdam ng pumipintig na sakit ng ulo at maaaring sa isang parte lang nito. Naduduwal din siya at nasisilaw sa liwanag. Maaari itong tumagal nang ilang oras o ilang araw.

Pangkaraniwan ang paminsan-minsang tension headache, pero 1 lang sa 10 tao ang nagkaka-migraine. Mas apektado nito ang mga babae kaysa sa mga lalaki. Ang ilang kaso ay mas matindi kaysa sa iba, pero karamihan ng may migraine ay hindi nakakapasok sa trabaho ng ilang araw sa isang taon. Dahil dito, nababawasan ang kita ng pamilya at apektado nito ang buhay nila. Kaya naman, ayon sa World Health Organization, ang migraine ay isa sa 20 pangunahing sanhi ng disability sa daigdig.

Bago sumpungin ng migraine, ang ilan ay nakadarama ng mga sintomas na gaya ng panlalamig ng mga kamay, pagkahapo, gutom, at nagiging moody sila. Pagkatapos, bago sumakit ang ulo, sila’y maaaring mahilo, may naririnig na higing, parang tinutusuk-tusok ng karayom, nagdodoble ang tingin, nahihirapang magsalita, o nanghihina ang mga kalamnan.

Hindi lubusang naiintindihan ang mga sanhi ng migraine, pero ipinapalagay na ito ay isang diperensiya sa nervous system na nakaaapekto sa mga ugat sa ulo na dinadaluyan ng dugo. Lumilitaw na ang pumipintig-pintig na sakit ng ulo ay dahil sa dugong dumaraan sa apektadong mga daluyan. Ganito ang sabi ng journal na Emergency Medicine: “Namana ng mga pasyenteng may migraine ang napakaselang nervous system, na maaaring maapektuhan ng iba’t ibang kalagayan gaya ng kakulangan sa tulog, matatapang na amoy, pagbibiyahe, pagpapalipas ng gutom, stress, at pagbabagu-bago ng hormone level.” Ang mga may migraine ay madali ring tablan ng irritable bowel syndrome at depresyon, at sumpungin ng pagkabalisa.

Paano Mo Maiiwasan ang Pagsumpong ng Migraine?

Hindi mo na mababago ang namana mong nervous system. Pero puwede mong iwasan ang mga pagkain o sitwasyon na maaaring maging sanhi ng pagsumpong ng migraine. Natukoy ito ng ilan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng diary.

Iba-iba ang nararanasan ng mga may migraine. Napansin ni Lorraine na ang migraine niya ay konektado sa kaniyang buwanang dalaw. Sinabi niya: “Kapag malapit na akong magkaroon, susumpong ang migraine ko kapag nasobrahan ako sa trabaho, masyadong mainit o malamig, maingay, o nakakain ako ng maaanghang. Kaya sinisikap kong maging kalmado at timbang sa mga panahong iyon.” Sinabi naman ni Joyce na mahigit 60 taon nang nagtitiis sa migraine: “Alam kong aatakihin agad ako ng migraine kapag kumain ako ng orange o pinya, o kapag uminom ako ng red wine. Kaya naman, iniiwasan ko ang mga ito.”

Hindi madaling matukoy kung ano ang mga dahilan ng pag-atake ng migraine dahil kadalasa’y kombinasyon ito ng iba’t ibang bagay. Halimbawa, kung minsan, okey lang na kumain ka ng tsokolate, pero baka sa ibang pagkakataon ay sumpungin ka ng migraine, marahil dahil napasabay ito sa iba pang sanhi.

Kahit hindi mo matukoy o maiwasan ang mga sanhi ng migraine, may mga paraan para hindi ka atakihin nito. Ipinapayo ng mga eksperto ang pare-parehong oras ng pagtulog gabi-gabi. Kung gusto mong magpuyat nang kaunti kapag weekend, inirerekomenda nila na gumising ka pa rin sa dating oras, magkikilos nang mga ilang minuto, at saka matulog uli. Puwedeng sumumpong ang migraine kapag nagbago ang konsumo mo ng caffeine, kaya huwag uminom nang mahigit sa dalawang tasa ng kape o dalawang softdrinks. Iwasan ding magpalipas ng gutom, dahil puwede rin itong maging sanhi ng migraine. Ang stress, na madalas na sanhi ng migraine, ay hindi madaling iwasan. Pero puwede kang magrelaks kung babaguhin mo ang iyong iskedyul, magbabasa ng Bibliya, o makikinig ng musika.

Ano ang Lunas sa Migraine?

Maraming paraan ng panggagamot sa migraine. * Halimbawa, ang tulog ay isa sa pinakamabisang lunas. Para makatulog, maaaring makatulong ang mga gamot na nakaaalis ng kirot at hindi nangangailangan ng reseta.

Noong 1993, inilabas ang mga triptan, isang bagong uri ng resetang gamot partikular na para sa migraine. Tinawag ito ng The Medical Journal of Australia na “isang malaking pagsulong sa panggagamot,” at idinagdag nito: “Ang pagkatuklas sa mga triptan . . . para sa migraine at cluster headache ay halos katumbas ng pagkatuklas sa penisilin para sa impeksiyong dulot ng baktirya!”

Hindi naman nakamamatay ang migraine. Kaya di-tulad ng mga gamot sa impeksiyon, ang gamot sa migraine ay hindi nakapagliligtas-buhay. Pero nagdulot ito ng malaking ginhawa sa mga matagal nang nagtitiis sa migraine. Kailangan pa ring gumawa ng mga pagbabago ang mga pasyente sa kanilang mga aktibidad gaya ng nabanggit na, pero itinuturing ng ilang may migraine ang triptan na “miracle drug.”

Siyempre pa, lahat ng gamot ay may mabuti at masamang epekto. Kumusta naman ang mga triptan? Una, ang bawat tableta ng triptan ay kasingmahal ng pagkain sa isang magandang restawran, kaya karaniwan nang inirereseta lang ito sa mga may katamtaman at matinding migraine. Isa pa, hindi lahat ay hiyang sa triptan, at ang ilan ay may ibang sakit na kalaban nito. Bagaman wala talagang solusyon para sa kondisyong namana ng mga may migraine, sinabi ng Emergency Medicine: “Sa tulong ng bago at pinahusay na mga gamot sa migraine, walang dahilan para patuloy na magtiis ang mga may migraine.”

[Talababa]

^ par. 14 Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggagamot. Dapat pag-aralang mabuti ng bawat indibiduwal ang mga mapagpipiliang paggamot bago siya magdesisyon.

[Larawan sa pahina 23]

Sa tulong ng diary, natukoy ng ilan ang mga pagkain o kalagayan na nagiging dahilan ng pagsumpong ng kanilang migraine

[Larawan sa pahina 23]

Ang pakikinig sa nakakarelaks na musika ay maaaring makabawas ng stress na kadalasang sanhi ng migraine

[Larawan sa pahina 23]

Ang migraine ay isang namamanang sakit na kadalasang magagamot ng mga doktor