Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 4
Ulat ng Bibliya Tungkol sa Medo-Persia
Ito ay ikaapat sa isang serye ng pitong artikulo sa sunud-sunod na isyu ng “Gumising!” na tumatalakay sa ulat ng Bibliya tungkol sa pitong kapangyarihang pandaigdig. Layunin nito na ipakita na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos at mapagkakatiwalaan at na ang mensahe nito ay isang pag-asa na matatapos na ang pagdurusang dulot ng malupit na pamamahala ng tao.
MABABANAAG ang karingalan, kapangyarihan, at kayamanan ng sinaunang mga kaharian ng Media at Persia sa guho ng mga palasyo at libingan ng mga hari nito. Bago nagkaisa ang dalawang kaharian, mas makapangyarihan ang Media. Pero noong 550 B.C.E., nasakop ito ni Haring Ciro II ng Persia, na naging tagapamahala ng Medo-Persia. Nasa hilagang rehiyon ng Gulpo ng Persia ang kabisera nito. Nang maglaon, lumawak ang nasasakupan nito, mula sa Dagat Aegeano hanggang sa Ehipto at maging sa hilagang-kanluran ng India, pati na ang Judea.
Sinakop ng Medo-Persia ang bansang Judio sa loob ng mahigit 200 taon—mula sa pagbagsak ng Babilonya noong 539 B.C.E. hanggang sa talunin ng mga Griego ang Medo-Persia noong 331 B.C.E. Iniuulat ng maraming aklat ng Bibliya ang mahahalagang kaganapan noong panahong iyon.
Tumpak na Ulat ng Kasaysayan
Sinasabi ng Bibliya na pinalaya ni Haring Ciro II ang mga Judiong bihag sa Babilonya. Dahil dito, maaari silang bumalik sa Jerusalem at maitayong muli ang templo ng Diyos na winasak ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E. (Ezra 1:1-7; 6:3-5) Pinatutunayan ito ng dokumentong luwad na tinatawag na Cyrus Cylinder, na natuklasan noong 1879 sa mga guho ng Babilonya. Tinukoy nito ang pangalan ni Ciro at binanggit din ang patakaran niya na pabalikin sa sariling bansa ang mga bihag pati na ang kanilang mga kagamitan sa relihiyon. Iniulat ni Isaias ang hula ni Jehova hinggil kay Ciro: “‘Ang lahat ng kinalulugdan ko ay lubusan niyang tutuparin’; maging sa sinabi ko tungkol sa Jerusalem, ‘Siya ay muling itatayo,’ at tungkol sa templo, ‘Ilalatag ang iyong pundasyon.’”—Isaias 44:28.
Sa katunayan, ayon sa Ezra 6:3, 4, iniutos ni Ciro na ang magagastos sa pagtatayong muli ng templo ay “ibibigay mula sa bahay ng hari.” Pinatutunayan ito ng sekular na kasaysayan. “Talagang patakaran ng mga hari ng Persia na tumulong sa pagsasauli ng mga santuwaryo na nasa kanilang imperyo,” ang sabi ng aklat na Persia and the Bible.
Sinasabi ng Bibliya na nang maglaon ay sumulat kay Dariong Dakila (tinatawag ding Dario I) ang mga kaaway ng mga Judio. Hinahamon ng mga ito ang pag-aangkin ng mga Judio na pinayagan sila ni Ciro na itayong muli ang templo. Kaya ipinahanap ni Dario ang orihinal na nasusulat na kautusan. Ano ang nangyari? Nakita sa kabisera, sa Ecbatana, ang balumbong naglalaman ng utos ni Ciro. Bilang sagot, isinulat ni Dario: “Ako, si Dario, ang naglalabas ng utos. Gawin ito [ang pagtatayong muli ng templo] kaagad.” Kaya tumigil na ang mga kaaway. *—Ezra 6:2, 7, 12, 13.
Pinatutunayan ng sekular na kasaysayan ang mga detalyeng ito. Sa Ecbatana nagpapalipas ng tag-araw si Ciro kaya malamang na doon niya inilabas ang utos. Pinatutunayan din ng mga tuklas sa arkeolohiya na talagang interesado ang mga hari ng Medo-Persia sa relihiyosong mga bagay na nakaaapekto sa kanilang nasasakupan at gumagawa sila ng mga sulat para ayusin ang mga sigalot.
Maaasahang mga Hula
Sa isang pangitain mula sa Diyos, nakakita si propeta Daniel ng apat na sunud-sunod na hayop na umaahon mula sa dagat, na ang bawat isa ay sumasagisag sa isang kapangyarihang pandaigdig. Ang una ay isang may-pakpak na leon na sumasagisag sa Babilonya. Ang ikalawa ay “gaya ng isang oso.” Sinabi pa ng ulat: “Ito ang sinasabi nila roon, ‘Bumangon ka, kumain ka ng maraming laman.’” (Daniel 7:5) Ang nakapangingilabot na osong ito ay ang Medo-Persia.
Gaya ng inihula ni Daniel, talagang nagpakaganid sa pananakop ang Medo-Persia. Di-nagtagal pagkatapos ng pangitain ni Daniel, tinalo ni Ciro ang mga Medo at nakipagdigma rin siya sa mga kalapít na bansang Lydia at Babilonya. Sinakop naman ng anak niyang si Cambyses II ang Ehipto. Pagkatapos, lalo pang pinalawak ng sumunod na mga hari ng Medo-Persia ang kanilang imperyo.
Paano tayo makatitiyak sa interpretasyong ito? Sa isa pang pangitain, nakakita naman si Daniel ng isang barakong tupa na “nanunuwag sa dakong kanluran at sa dakong hilaga at sa dakong timog.” Natupad ang hulang ito nang ‘suwagin’ ng Medo-Persia ang ibang mga bansa, kasama na ang makapangyarihang Babilonya. Ipinaliwanag ng anghel ng Diyos kay Daniel ang pangitain: “Ang barakong tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia.”—Daniel 8:3, 4, 20.
Karagdagan pa, mga dalawang siglo bago ang pagbagsak ng Babilonya, inihula na ni propeta Isaias ang pangalan ng di-pa-naisisilang na hari ng Persia at ang estratehiya nito sa pagpapabagsak sa Babilonya. Isinulat ni Isaias: “Ito ang sinabi ni Jehova sa kaniyang pinahiran, kay Ciro, na ang kanang kamay ay hinawakan ko, upang manupil ng mga bansa sa harap niya, . . . upang Isaias 45:1) Parehong inihula nina Isaias at Jeremias na tutuyuin ang “mga ilog,” o pananggalang na mga kanal ng Babilonya, na sinusuplayan ng tubig ng Ilog Eufrates. (Isaias 44:27; Jeremias 50:38) Pinatunayan ng mga Griegong istoryador na sina Herodotus at Xenophon na tumpak ang hulang ito ng Bibliya, pati na ang tungkol sa pagpapakalabis sa kasiyahan ng mga Babilonyo nang gabing kubkubin ni Ciro ang lunsod. (Isaias 21:5, 9; Daniel 5:1-4, 30) Matapos mailihis ng mga hukbo ni Ciro ang tubig ng Ilog Eufrates, pinasok nila ang lunsod sa pamamagitan ng bukás na mga pintuang-daan nang walang nangyayaring labanan. Sa isang gabi lang, bumagsak ang makapangyarihang Babilonya!
buksan sa harap niya ang mga pinto na may dalawang pohas, nang sa gayon ay hindi maisara ang mga pintuang-daan.” (Dahil sa pangyayaring ito, isang hula pa ang natupad sa kamangha-manghang paraan. Patiuna nang inihula ni propeta Jeremias na magiging tapon ang bayan ng Diyos sa Babilonya sa loob ng 70 taon. (Jeremias 25:11, 12; 29:10) Natupad nga ang hulang ito sa takdang panahon nang pabalikin sa kanilang lupang tinubuan ang mga tapon pagkalipas ng 70 taon.
Pangakong Tiyak na Matutupad
Di-nagtagal pagkatapos lupigin ng Medo-Persia ang Babilonya, iniulat ni Daniel ang isang hula na tutulong sa atin na maunawaan ang isang napakahalagang pangyayari sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Sinabi ng anghel na si Gabriel kay Daniel kung kailan eksaktong lilitaw ang Mesiyas—ang ipinangakong “binhi” sa Genesis 3:15. Sinabi ng anghel ng Diyos: “Mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magkakaroon ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t dalawang sanlinggo,” o 69 na sanlinggo sa kabuuan. (Daniel 9:25) Kailan ito nagsimula?
Bagaman pinayagan ni Ciro ang mga Judio na bumalik agad sa kanilang lupain pagkatapos pabagsakin ang Babilonya, maraming taon pa ang lumipas bago muling naitayo ang Jerusalem at ang mga pader nito. Gayunman, noong 455 B.C.E., pinayagan ni Haring Artajerjes ang kaniyang Judiong katiwala ng kopa na si Nehemias na bumalik sa Jerusalem para pangunahan ang pagtatayo. (Nehemias 2:1-6) Ito ang pasimula ng 69 na sanlinggo.
Gayunman, ang 69 na sanlinggo ay hindi literal na mga sanlinggong may pitong araw. Ito ay sanlinggo na binubuo ng mga taon. Sa katunayan, may ilang salin ng Bibliya na gumamit ng pananalitang “sanlinggo ng mga taon.” * (Daniel 9:24, 25) Lilitaw ang Mesiyas pagkatapos ng 69 na “sanlinggo” na may tigpipitong taon, na sa kabuuan ay 483 taon. Natupad ito noong 29 C.E. nang bautismuhan si Jesus, eksaktong 483 taon mula noong 455 B.C.E. *
Ang eksaktong katuparan ng hula ni Daniel ay dagdag pa sa napakaraming katibayang nagpapatotoo sa pagkakakilanlan ni Jesus. Pinagtitibay rin nito ang ating pag-asa sa hinaharap. Wawakasan ni Jesus, na Hari ng Kaharian ng Diyos sa langit, ang malupit na pamamahala ng tao. Saka niya tutuparin ang marami pang hula sa Bibliya, pati na ang pagbuhay-muli sa mga patay para manirahan nang walang hanggan sa Paraisong lupa.—Daniel 12:2; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:3-5.
[Mga talababa]
^ par. 9 Mga tatlong hari ang may pangalang Dario.
^ par. 20 Ang ilan sa mga salin ng Bibliya na gumamit ng pananalitang “sanlinggo ng mga taon” ay: Tanakh—A New Translation of the Holy Scriptures, The Complete Bible—An American Translation, at The Bible—Containing the Old and New Testaments, ni James Moffatt.
^ par. 20 Para sa detalyadong pagtalakay sa hulang ito, pati na ang dayagram ng 69 na sanlinggo ng mga taon, tingnan ang pahina 197-199 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
[Chart/Mga larawan sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
455 B.C.E. 29 C.E.
Eksaktong 483 taon mula nang lumabas ang utos na itayong muli ang Jerusalem hanggang sa lumitaw ang Mesiyas
[Larawan sa pahina 16, 17]
Binanggit sa Cyrus Cylinder ang patakaran na pabalikin sa sariling bansa ang mga bihag
[Larawan sa pahina 17]
Ang libingan ni Ciro ay makikita pa rin sa mga guho ng sinaunang Pasargadae na nasa Iran ngayon
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Page 16, top, time line: Egyptian wall relief and bust of Nero: Photograph taken by courtesy of the British Museum; Persian wall relief: Musée du Louvre, Paris; bottom, Cyrus Cylinder: Photograph taken by courtesy of the British Museum; page 17, Cyrus’ tomb: © Richard Ashworth/age fotostock