Makatotohanan ba ang Iyong mga Tunguhin?
Makatotohanan ba ang Iyong mga Tunguhin?
● Ano ba ang gusto mo sa buhay? Makatotohanan ba ang iyong mga inaasahan, o nangangarap ka lang nang gising? Ganito ang payo ng isang nagmasid sa kalikasan ng tao: “Wari bang mas mabuti ang nakikita ng mata kaysa hinahangad ng puso. Iyan ma’y walang katuturan at paghahabol sa hangin.”—Eclesiastes 6:9, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
“Ang nakikita ng [ating] mata” ay tumutukoy sa aktuwal na kalagayan natin. Siyempre pa, wala namang masama kung gusto nating gumanda ang ating buhay. Pero idiniriin ng Bibliya na isang katalinuhan kung hindi tayo magtatakda ng mga tunguhing imposibleng maabot, gaya ng kasikatan, kayamanan, perpektong mapapangasawa, o perpektong kalusugan.
Bukod diyan, kahit naabot na ng iba ang kanilang tunguhin, gaya ng pagkakaroon ng kayamanan, naghahangad pa rin sila ng higit. “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita. Ito rin ay walang kabuluhan,” ang sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 5:10) Kaya sinisikap ng mga taong espirituwal na maging kontento sa kung ano ang taglay nila, “ang nakikita ng [kanilang] mata.” Oo, tanggap nila ang katotohanang ito: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas.”—1 Timoteo 6:7.
Nagiging maligaya lang ang tao kapag nasasapatan niya ang kaniyang espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Paano natin iyan magagawa? Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Ang mahahalagang pananalitang iyan ay mababasa sa Bibliya, at makukuha nang walang bayad.
Ang isang halimbawa nito ay mababasa sa Awit 37:4: “Magkaroon ka . . . ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.” Bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, pagkakalooban ni Jehova ang kaniyang tapat na mga mananamba ng mga bagay na hindi kayang ibigay ng sinumang tao: perpektong kalusugan, seguridad sa materyal na mga pangangailangan, at buhay na walang hanggan sa Paraisong lupa. (Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4) Hindi pangangarap nang gising ang pagtitiwala sa mga salitang ito.