Tip #3—Maging Aktibo
“Kung ang ehersisyo ay tableta, ito na siguro ang pinakamadalas iresetang gamot sa mundo.” (Emory University School of Medicine) Sa lahat ng bagay na makabubuti sa ating kalusugan, isa ang ehersisyo sa talagang kapaki-pakinabang.
Mag-ehersisyo. Kung tayo’y aktibo, magiging mas maligaya, masigla, at produktibo tayo. Magiging mas malinaw rin ang ating isip. Kung sasabayan pa ito ng tamang pagkain, makokontrol din natin ang ating timbang. Hindi naman kailangang masakit o sobra-sobra ang ehersisyo para maging epektibo. Ang regular at katamtamang ehersisyo mga ilang beses bawat linggo ay makatutulong nang malaki.
Ang jogging, brisk walking, pagba-bike, at pagsali sa aktibong isports ay nakapagpapabilis sa tibok ng puso at nakapagpapapawis. Mapalalakas ng mga ito ang iyong katawan at makaiiwas ka sa atake sa puso at istrok. Kung isasama mo sa gayong mga ehersisyo ang calisthenics at pagbubuhat ng weights, titibay ang iyong mga buto, kalamnan, braso, at binti. Mapananatili rin nitong mabilis ang iyong metabolismo, na nakatutulong naman sa pagkontrol ng iyong timbang.
Puwede kayong mag-enjoy sa pag-eehersisyo
Maglakad. Ang ehersisyo ay kapaki-pakinabang sa lahat, anuman ang kanilang edad. Hindi na kailangang mag-gym para magawa ito. Malaking bagay na kung maglalakad ka sa halip na sumakay ng kotse, bus, o elebeytor. Huwag nang maghintay ng masasakyan kung puwede ka namang maglakad, at baka makarating ka pa nang mas mabilis sa iyong pupuntahan. Mga magulang, pasiglahin ang inyong mga anak na maglaro sa labas ng bahay hangga’t maaari. Magkakaroon ng koordinasyon ang kanilang katawan at magiging malakas sila. Hindi ito magagawa ng mga libangang gaya ng paglalaro ng video games kung saan lagi lang silang nakaupo.
Anuman ang iyong edad, makikinabang ka kung magsisimula ka sa simpleng mga ehersisyo. Kung may-edad ka na o may mga sakit at hindi sanay mag-ehersisyo, kumonsulta muna sa doktor. Pero huwag itong ipagpaliban! Kung hindi bibiglain ang pag-eehersisyo sa simula, makatutulong ito kahit sa mga may-edad para mapanatili ang kanilang bone mass at ang lakas ng kanilang kalamnan. Tutulong din ito sa kanila na makaiwas sa pagkatumba.
Ehersisyo ang nakatulong kay Rustam, na binanggit sa unang artikulo ng seryeng ito. Pitong taon na ang nakararaan, siya at ang kaniyang asawa ay nagsimulang mag-jogging sandali tuwing umaga, limang beses sa isang linggo. “Nung una, lagi kaming nagdadahilan,” ang sabi niya. “Pero nakatulong sa amin ang pagpapasigla sa isa’t isa. Ngayon, nag-e-enjoy na kaming gawin ito.”