Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulong Para sa mga Nagdadalamhati

Tulong Para sa mga Nagdadalamhati

Tulong Para sa mga Nagdadalamhati

“Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso.”​—Awit 34:18.

PAGKAMATAY ng isang mahal sa buhay, baka bumaha ang iba’t ibang emosyon, gaya ng pagkabigla, pagkamanhid, pagkalungkot, at paninisi sa sarili o galit pa nga. Gaya ng binanggit sa nakaraang artikulo, hindi pare-pareho ang pagdadalamhati ng mga tao. Kaya baka hindi mo naman maranasan ang lahat ng damdaming iyon at baka iba rin ang iyong paraan ng pagdadalamhati. Pero kapag malungkot ka, hindi masamang ipakita ito.

“Magdalamhati Ka”

Hindi nailabas ni Heloisa, ang doktor na binanggit sa nakaraang artikulo, ang kaniyang emosyon nang mamatay ang nanay niya. “Naiyak ako noong una,” ang sabi niya, “pero pagkatapos ay kinimkim ko na lang ang nadarama ko​—katulad ng ginagawa ko kapag namatayan ako ng pasyente. Baka ito ang dahilan kung bakit bumagsak ang katawan ko. Kaya ang payo ko sa namatayan ng mahal sa buhay: Magdalamhati ka. Huwag pigilan ang iyong sarili. Gagaan ang pakiramdam mo.”

Pero sa paglipas ng mga araw at buwan, baka madama mo rin ang nadama ni Cecília na namatayan ng asawa dahil sa kanser. Sinabi niya: “Kung minsan, naiinis ako sa sarili ko dahil parang hindi pa ako nakapag-move on, samantalang para sa iba, dapat nakarekober na ako.”

Kung ganiyan ang nadarama mo, tandaan na walang “tamang” paraan ng pagdadalamhati. Baka mas madaling makarekober ang ilan samantalang ang iba ay hindi. Kaya hindi puwedeng madaliin ang pagdadalamhati na para bang may hinahabol kang “deadline” at kailangang okey ka na sa panahong iyon. *

Pero paano kung parang hindi matapus-tapos ang iyong pagdadalamhati? Marahil ay katulad ka ng matuwid na si Jacob. Nang malaman niyang patay na ang kaniyang anak na si Jose, ‘tumanggi siyang maaliw.’ (Genesis 37:35) Kung ganiyan ang iyong nararamdaman, ano ang magagawa mo para hindi ka malunod sa kalungkutan?

Alagaan ang iyong sarili. “Kung minsan, parang pagod na pagod ako at wala nang lakas,” ang sabi ni Cecília. Ipinahihiwatig nito na malaki ang epekto ng pagdadalamhati sa kalusugan at emosyon ng isang tao. Kaya dapat mong alagaan ang iyong sarili. Magpahinga nang sapat at kumain ng masusustansiyang pagkain.

Paano kung wala kang ganang kumain, lalo na ang mamalengke at magluto? Mas madali kang magkakasakit kung magpapabaya ka sa pagkain, at lalo ka pang malulungkot. Kaya mas mainam kung kakain ka nang kahit kaunti. *

Hangga’t posible, mag-ehersisyo kahit paglalakad lang para makalabas ka ng bahay. Ang katamtamang ehersisyo ay tumutulong din para mag-release ang katawan ng mga endorphin​—kemikal sa utak na nagpapaganda ng iyong pakiramdam.

Magpatulong sa iba. Lalo itong totoo kung asawa mo ang namatay. Marahil, may mga bagay na siya ang nag-aasikaso noon, at ngayon ay napapabayaan na. Halimbawa, kung siya ang humahawak ng inyong pera o nag-aasikaso sa bahay, baka sa simula ay mahirapan kang gawin ang mga bagay na ito. Kung gayon, malaki ang maitutulong sa iyo ng maunawaing mga kaibigan.​—Kawikaan 25:11.

Inilalarawan ng Bibliya ang isang tunay na kaibigan bilang isa na “ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Kaya huwag ihiwalay ang iyong sarili sa pag-aakalang magiging pabigat ka sa iba. Sa kabaligtaran, ang pakikisama sa iba ay makatutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang iyong pagdadalamhati. Talagang napatibay si Sally ng pakikisama sa iba nang mamatay ang nanay niya. “Isinasama ako ng mga kaibigan ko sa kanilang mga lakad,” ang sabi niya. “Talagang nakatulong ito sa akin na makayanan ang sobrang kalungkutan. Gustung-gusto ko kapag may nagtatanong sa akin, ‘Kumusta ka na?’ Gumagaan ang pakiramdam ko kapag naikukuwento ko si Nanay sa iba.”

Balikan ang mga alaala. Balikan ang masasayang alaala noong kasama mo pa ang iyong mahal sa buhay, marahil sa pamamagitan ng pagtingin sa mga larawan. Totoo, baka mahirapan kang gawin ito sa simula. Pero sa paglipas ng panahon, makatutulong ito sa iyo na makapag-move on.

Puwede ka ring gumamit ng diary. Isulat mo roon ang iyong masasayang alaala kasama ang mahal mo sa buhay, pati na ang mga bagay na gusto mo sanang sabihin kung buháy pa siya. Mas madali mong maiintindihan ang iyong damdamin kapag nakasulat ito. Malaking tulong din ito para mailabas mo ang iyong niloloob.

Okey lang bang ingatan ang mga gamit ng namatay? Iba-iba ang opinyon dito dahil iba-iba rin ang paraan ng pagdadalamhati ng mga tao. Iniisip ng ilan na sagabal ito, pero nakatutulong naman ito sa iba para makarekober. “Marami akong iningatang gamit ni Nanay,” ang sabi ni Sally na nabanggit na. “Malaking tulong ’yan para makapag-move on.” *

Magtiwala sa “Diyos ng buong kaaliwan.” Sinasabi ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Ang pananalangin sa Diyos ay hindi lang paraan para mailabas ang iyong niloloob. Sa pamamagitan nito, talagang nakakausap natin ang “Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa [atin] sa lahat ng [ating] kapighatian.”​—2 Corinto 1:3, 4.

Mababasa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang pinakamainam na kaaliwan para sa lahat. Sinabi ni apostol Pablo: “Ako ay may pag-asa sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Makaaaliw sa iyo ang pagbubulay-bulay sa salig-Bibliyang pag-asa ng pagkabuhay-muli habang nagdadalamhati ka. * Napatunayan iyan ni Lauren, na ang tin-edyer na kapatid na lalaki ay namatay sa isang aksidente. “Kahit napakabigat ng pakiramdam ko,” ang sabi niya, “magbabasa ako ng Bibliya, kahit isang talata lang. Pinipili ko ang mga teksto na talagang nakapagpapatibay, at saka ko uulit-ulitin ang mga iyon. Halimbawa, napatibay ako sa sinabi ni Jesus kay Marta nang mamatay si Lazaro: ‘Ang iyong kapatid ay babangon.’”​—Juan 11:23.

“Huwag Kang Magpadaig Dito”

Kahit mahirap, kailangan mong mag-move on. Huwag mong isipin na kinalilimutan mo na ang iyong namatay na mahal sa buhay kung gagawin mo iyon. Ang totoo, hindi mo talaga siya makalilimutan. May mga pagkakataon na bigla mo siyang maaalaala, pero sa paglipas ng panahon, hindi na iyon magiging kasinsakit ng dati.

Baka maalaala mo rin ang ilang pangyayari nang may ngiti. Ganito ang sinabi ni Ashley, na binanggit sa nakaraang artikulo: “Naaalala ko pa ang araw bago namatay si Nanay. Akala namin okey na siya dahil noon lang siya ulit nakabangon sa kaniyang kama. Habang sinusuklay ni Ate ang buhok ni Nanay, bigla kaming natawang tatlo dahil sa isang bagay. Noon ko lang ulit siya nakitang ngumiti nang ganun. Masayang-masaya siya na kasama niya kami ni Ate.”

Maaalaala mo rin ang mahahalagang aral na natutuhan mo sa namatay mong mahal sa buhay. Halimbawa, sinabi ni Sally: “Napakagaling magturo ni Nanay. Nagbibigay siya ng payo nang hindi nagdidikta, at tinuturuan niya akong gumawa ng sarili kong desisyon at hindi lang kung ano ang sinasabi niya o ni Tatay.”

Malaking tulong ang mga alaala ng iyong namatay na mahal sa buhay para makapag-move on ka. Napatunayan iyan ng kabataang si Alex. “Pagkamatay ng tatay ko,” ang sabi niya, “ipinagpatuloy ko pa rin ang buhay ko gaya ng itinuro niya sa akin​—na huwag kalimutang mag-enjoy sa buhay. Sa mga namatayan ng magulang, ito ang masasabi ko: Hindi mo naman talaga makakalimutan ang pagkamatay ng magulang mo, pero huwag kang magpadaig dito. Hindi masamang magdalamhati ka, pero hindi dapat tumigil ang ikot ng mundo mo.”

[Mga talababa]

^ par. 7 Kaya naman, dapat mong iwasang gumawa ng pabigla-biglang desisyon, gaya ng paglipat ng bahay o pakikipagrelasyon. Bigyan mo muna ang iyong sarili ng sapat na panahon na mag-adjust sa bago mong kalagayan.

^ par. 10 Bagaman maaari kang makalimot dahil sa alkohol, pansamantala lang ang epekto nito. Hindi talaga ito makatutulong para makarekober ka sa pagdadalamhati mo, at baka maging bisyo mo pa nga ito.

^ par. 16 Dahil iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati ng mga tao, hindi dapat ipilit ng mga kaibigan at kapamilya ang kanilang opinyon sa bagay na ito sa isa na nagdadalamhati.​—Galacia 6:2, 5.

^ par. 18 Para malaman ang hinggil sa kalagayan ng patay at ang pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli, tingnan ang kabanata 6 at 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 8]

“Kahit napakabigat ng pakiramdam ko, magbabasa ako ng Bibliya, kahit isang talata lang”​—Lauren

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

PAKIKIHARAP SA PAGKADAMA NG KASALANAN

Marahil ay inaakala mong may pagkukulang ka kung kaya namatay ang iyong minamahal. Makatutulong sa ganang sarili kung mauunawaan na ang paninisi sa sarili​—totoo man o inaakala lamang​—ay isang normal na reaksiyon sa isang nagdadalamhati. Muli na naman, hindi dapat kuyumin sa iyong kalooban ang gayong damdamin. Ang pagtatapat ng iyong nadaramang kasalanan ay makapaglalaan ng isang kinakailangang pagluluwag ng loob.

Gayunman, pakatantuin na gaano man natin kamahal ang isang tao, hindi natin mahahawakan ang kaniyang buhay, ni mahahadlangan man natin “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” na dumating sa ating mga minamahal. (Eclesiastes 9:11) Bukod doon, walang alinlangan na ang iyong motibo ay hindi masama. Halimbawa, sabihin nang hindi ka nakipag-usap agad sa doktor, may hangarin ka bang magkasakit sana at mamatay ang iyong minamahal? Siyempre wala! Kung gayon masasabi bang may kasalanan ka sa pagkamatay ng isang iyon? Wala.

Isang ina ang natutuhang harapin ang pagkadama ng kasalanan pagkatapos na mamatay ang kaniyang anak na babae sa isang aksidente sa sasakyan. Ipinaliwanag niya: “Nadama kong ako ang may kasalanan dahil ako ang nag-utos sa kaniya. Subalit naunawaan kong hindi dapat na iyon ang aking madama. Wala namang masama kung inutusan ko siyang samahan ang kaniyang ama. Iyon ay isa lamang talagang nakalulunos na aksidente.”

‘Subalit napakaraming bagay ang dapat sanang nasabi ko o nagawa ko,’ masasabi mo. Totoo nga, ngunit sino sa atin ang makapagsasabi na tayo’y naging isang sakdal na ama, ina, o anak? Nagpapaalaala sa atin ang Bibliya: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Santiago 3:2; Roma 5:12) Kaya aminin mo ang katotohanang ikaw ay hindi sakdal. Walang magagawa ang paulit-ulit na pag-iisip sa lahat ng mga “kung sana’y,” sa halip ay baka patagalin lamang nito ang iyong paggaling. *

[Talababa]

^ par. 36 Ang nilalaman ng kahong ito ay mula sa brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 6]

Kung minsan, dapat ding aliwin ng nagdadalamhating magulang ang namimighati niyang anak na adulto

[Mga larawan sa pahina 9]

Ang pagkakaroon ng diary, pagtingin sa mga larawan, at pagtanggap ng tulong ay mga paraan para maharap ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay