Ang Svaneti—Bulubunduking Lupain ng mga Tore
Ang Svaneti—Bulubunduking Lupain ng mga Tore
DUMUNGAW kami habang nakahawak nang mahigpit sa mga biga ng bubong ng isang 800-taóng batong tore sa Georgia. Mula sa itaas ng tore, na mga 25 metro ang taas, natanaw namin ang maraming iba pang sinaunang tore sa nayon ng Mestia, ang kabisera ng rehiyon ng Svaneti.
Ang luntiang libis ay bahagyang papalusong. Nagtataasan naman sa palibot namin ang matatayog na bundok na ang mga taluktok ay nababalutan ng niyebe. Gandang-ganda kami sa
lugar na ito. Para kaming bumalik sa panahon ng Edad Medya. Ito ang talagang pakay namin—ang bantog na mga tore ng Svaneti.Pamamasyal sa Svaneti
Ang aming paglalakbay patungo sa mataas at bulubunduking lugar ng Svaneti ay nagsimula sa Zugdidi, Georgia, malapit sa Dagat na Itim. Maaliwalas ang umagang iyon, at mula roon ay natatanaw na namin ang napakagagandang puting taluktok. Nang marating namin ang bangin ng Inguri River, marahan namin itong binaybay. Ang magubat na lugar na ito ay sagana sa mga pakô, azalea, laurel, at mga rhododendron na may kulay-kremang mga bulaklak.
Pagsapit ng gabi, ang aming grupo ay nakarating sa kaakit-akit na nayon ng Becho. Nasa paanan ito ng napakagandang Mount Ushba na may dalawang malalaking taluktok na granito. Gustung-gustong akyatin ng mga mountain climber ang matarik at balót-ng-yelong Mount Ushba. May taas ito na 4,710 metro at malimit tawaging “Matterhorn ng Caucasus.”
Dahil pagód at gutóm na kami sa paglalakbay, bumili kami ng isang tupa mula sa isang pastol at inihanda iyon. Mayamaya lang, naghapunan kami sa harap ng isang sigâ kasama ng aming mapagpatuloy na mga kaibigang Svan. Kumain kami ng mtsvadi, o shish kebab kung tawagin ng marami. Isinabay namin ito sa bagong-lutong lavash, isang uri ng lapád at manipis na tinapay sa Georgia na niluto sa pugon na ginagatungan ng kahoy. Pagkakain, uminom kami ng Saperavi, isang masarap na mapulang alak na gawa sa Georgia.
Kinaumagahan, pumunta na kami sa Mestia. Dito, habang nakadungaw sa tore, gaya ng nabanggit sa simula, nasabi namin na ang Svaneti ang isa sa pinakamagandang bulubunduking rehiyon sa mundo. Mga 45 kilometro mula sa Mestia, matatagpuan sa looban ng kabundukan ang pamayanan ng Ushguli. May mga nakatira dito hanggang sa altitud na 2,200 metro. Kaya naman ang Ushguli ay binansagang “pinakamataas na pamayanan sa Europa na patuloy na pinaninirahan.”
Para marating ang bulubunduking pamayanang ito, binaybay namin ang isang liblib at makitid na daan sa gilid ng bundok na napalilibutan ng matatarik na bangin at sa ibaba ay may ilog. Pagkarating sa Ushguli, nakita namin ang isang kakaibang tanawin—kumpul-kumpol na mga bahay sa palibot ng mga toreng mula pa noong Edad Medya. Natanaw rin namin ang Mount Shkhara. Ang malaki at magandang bundok na ito na nababalutan ng niyebe ay kitang-kita sa asul na asul na kalangitan.
Ang Mount Shkhara, na may taas na 5,201 metro, ang pinakamataas na bundok sa Georgia. Bahagi ito ng tinatawag na Bezengi Wall, isang 12-kilometrong hanay ng mga bundok na halos magkakasintaas. Ang mga ito ay kasama sa 1,207-kilometrong kabundukan ng Greater Caucasus. Saanman kami tumingin, nakakakita kami ng mga libis na maraming pananim at magandang tanawin. Pero ang mga libis na ito ay mahirap marating ng mga tao, maliban sa malalakas ang loob o sa mga taal na taga-Svaneti.
Ang mga Svan
Ang mga Svan na nakatira sa Upper Svaneti ay may mahabang kasaysayan at sariling wika. Kilala sila bilang mga taong hindi nagpapasakop sa sinumang pinuno. Noong ika-18 siglo, nasabi ng isang manggagalugad na “natamo [ng mga Svan] ang isang kaayaayang lipunan kung saan ang malayang kalooban ng indibiduwal ay nangingibabaw sa lahat ng iba pang bagay.”
May dalawang dahilan kung bakit natatangi ang kalayaan ng mga taga-Svaneti. Una, ang napakatataas na bundok ay nagsisilbing bakod ng kanilang nakabukod na pamayanan at
napoprotektahan sila ng mga ito mula sa mga manlulusob. Ikalawa, iniingatan ng mga tore ang kasarinlan ng bawat pamilya. Pinrotektahan sila nito mula sa kanilang mga kalaban at sa mga kalapit-nayon na kung minsan ay may masamang pakay sa kanila, pati na rin sa pagguho ng yelo na tumatabon sa mabababang istraktura.Ang Buhay sa Isang Tore
Inanyayahan kaming makita ang tore ng isang pamilyang Svan na itinayo noon pang ika-12 siglo. Ang tore, na tinatawag na murkvam, ay karugtong ng kanilang bahay, na tinatawag naman na kor. Ang unang palapag ng kor ay may malaking apuyan na pinanggagalingan ng init at liwanag. Mayroon ding malaking upuang kahoy para sa patriyarka, na nangangasiwa sa malaking pamilyang kinabibilangan ng kaniyang asawa, mga anak na lalaki, at asawa ng mga ito. Halinhinan sa mga gawaing-bahay ang mga babae. Kasama rito ang paggiling ng harina, paggawa ng tinapay, paglilinis ng bahay, pagpapakain sa mga alagang hayop, at paglalagay ng gatong sa apuyan.
Ang malaking tore ay gawa sa bato at may magaspang at maputing palitada. Mayroon itong apat na palapag. Mas mataas ito kaysa sa dalawang-palapag na bahay na karugtong nito. Nang pumasok kami sa tore mula sa bahay, medyo nanibago ang mga mata namin sa malamlam na liwanag. Ang mabababang palapag ng tore ay ginagawang imbakan ng tubig, harina, prutas, keso, alak, at karne.
Sa panahon ng kagipitan, natutulog ang pamilya sa mga gitnang palapag ng tore. Ang pinakaitaas na palapag, na may bubong na tisa, ay may mga bintana at mula dito sila nakikipaglaban. Isang dumalaw rito noong ika-19 na siglo ang nagsabi na yamang “walang anumang lokal na awtoridad ang makalulutas sa mga alitan, dinadaan na lang ang mga ito sa labanan.” Kaya naman ang bawat pamilya ay handang lumaban para ipagtanggol ang kanilang sarili.
Pag-uwi namin, nag-uumapaw sa aming puso ang pasasalamat kay Jehova habang inaalaala ang kagandahan ng kaniyang mga lalang sa Svaneti. Ang mga nanirahan sa mga tore sa Svaneti sa nakalipas na mga panahon ay may pag-asang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa panahong iyon, wala nang magtatayo ng tore o tanggulan para protektahan ang kanilang sarili. Bakit? Gaya ng ipinangangako ng Bibliya, “uupo [ang mga tao], ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Mikas 4:4; Roma 8:21, 22.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Top: Paata Vardanashvili