Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Social Networking?—Bahagi 1

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Social Networking?—Bahagi 1

“May mga kaibigan ako sa ibang bansa, at napakadali ko silang makontak sa mga social network. Gustung-gusto ko silang makausap kahit napakalayo nila sa akin.”​—Sue, 17. *

“Pag-aaksaya lang ng panahon ang social networking. Iyan ang social life ng taong tamad. Sa pagkakaibigan, iba pa rin ang aktuwal mo silang nakakausap.”​—Gregory, 19.

SINO sa dalawa ang halos kapareho mo ng kaisipan? Anuman ang sagot mo, isang bagay ang tiyak: Usung-uso na ngayon ang social networking. * Pag-isipan ito: Bago umabot ng 50 milyon ang gumagamit ng radyo, inabot ito ng 38 taon, ang telebisyon naman ay 13 taon, pero ang Internet, 4 na taon lang. Ang social networking site na Facebook ay nagkaroon kamakailan ng 200 milyong user sa loob lang ng isang taon!

Markahan ng tama o mali ang sumusunod:

Mga tin-edyer ang karamihan sa user ng mga social networking site. ․․․․․ Tama ․․․․․ Mali

Sagot: Mali. Halos dalawang katlo ng mga user ng pinakapopular na social network ay 25 anyos pataas. Noong 2009, ang grupo ng user na pinakamabilis dumami ay nasa mahigit 55 anyos!

Gayunman, milyun-milyong kabataan ang sumasali sa mga social network, at para sa ilan, ito ang mas gusto nilang paraan ng komunikasyon. “Nag-deactivate na ako ng account,” ang sabi ng tin-edyer na si Jessica, “pero ni-reactivate ko ito dahil walang tumatawag sa akin sa telepono. Parang nakakalimutan ka na ng mga tao kapag hindi ka kasali sa isang social network!”

Bakit gustung-gusto ng marami ang social networking? Simple lang ang sagot: Likas sa tao ang makipag-usap sa iba. At para diyan ang social networking. Pag-isipan ang mga dahilan kung bakit naeengganyong sumali rito ang marami.

1. Kumbinyente.

“Mahirap makipagbalitaan sa iyong mga kaibigan, pero kapag nasa isang site lang sila, napakadali!”​—Leah, 20.

“Puwede akong mag-post ng comment at para na rin akong nag-e-mail sa lahat ng kaibigan ko.”​—Kristine, 20.

2. Pressure mula sa iba.

“Laging may nag-i-invite sa akin na maging ‘friend’ nila, pero hindi puwede dahil wala naman akong account.”​—Natalie, 22.

“Kapag sinabi ko sa mga tao na wala akong account, tinitingnan nila ako na parang sinasabi, ‘Okey ka lang?’”​—Eve, 18.

3. Pressure ng media.

“Pinalalabas ng media na kung hindi ka active sa mga social network, wala kang magiging kaibigan. At kapag wala kang kaibigan, malungkot ang buhay. Kaya kapag hindi ka kasali sa social network, wala kang kuwenta.”​—Katrina, 18.

4. Iskul.

“May account din sa social network ang mga titser ko. Ang ilan ay nagpo-post ng mga message para sabihin sa amin kung kailan may quiz. O halimbawa, sa math, kung meron akong hindi maintindihan, puwede akong mag-post ng message sa Wall ng titser ko at tutulungan niya ako online.”​—Marina, 17.

5. Trabaho.

“May mga naghahanap ng trabaho na gumagamit ng social network para magkaroon ng kontak. At kung minsan, nakakakita nga sila ng trabaho.”​—Amy, 20.

“Gumagamit ako ng networking site para sa trabaho ko. Dito nakikita ng mga kliyente ang mga bagong graphic design na ginagawa ko.”​—David, 21.

Dapat ka bang magkaroon ng account sa isang social network? Kung nasa poder ka pa ng mga magulang mo, sila ang magpapasiya. * (Kawikaan 6:20) Kung ayaw ng mga magulang mo na magkaroon ka ng account, dapat mo silang sundin.​—Efeso 6:1.

Pumapayag naman ang ibang magulang na sumali sa isang social network ang kanilang may-gulang na mga batang anak​—pero sa ilalim ng kanilang superbisyon. Kung ganiyan ang mga magulang mo, ibig bang sabihin, pinanghihimasukan nila ang privacy mo? Hindi! Ang social networking ay maaaring kapaki-pakinabang pero delikado rin, kaya tama lang na mabahala sila. Gaya ng iba pang feature ng Internet, ito ay may mga panganib. Kung payag ang mga magulang mo na magkaroon ka ng account, paano mo maiiwasan ang mga panganib?

Mag-ingat sa “Pagmamaneho”

Ang paggamit ng Internet ay maikukumpara sa pagmamaneho ng kotse. Gaya ng alam mo, hindi lahat ng may lisensiya ay maingat magmaneho. Sa katunayan, marami ang naaaksidente nang malubha dahil sa kapabayaan o kawalang-ingat.

Ganiyan din sa paggamit ng Internet. Ang ilan ay responsable sa “pagmamaneho”; ang iba naman ay walang ingat. Kung pinayagan ka ng mga magulang mo na magkaroon ng account sa isang social network, nagtitiwala sila na mag-iingat ka sa paggamit nito. Kaya anong uri ka ng “drayber”? Ipinakikita mo ba na ‘iniingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip’?​—Kawikaan 3:21.

Tatalakayin sa artikulong ito ang dalawang aspekto ng social networking na dapat mong seryosong pag-isipan​—ang iyong privacy at panahon. Tatalakayin naman sa seksiyon ding ito ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa susunod na isyu ng Gumising! ang tungkol sa iyong reputasyon at pakikipagkaibigan.

ANG IYONG PRIVACY

Kapag sumali ka sa isang social network, maaaring hindi mo gaanong pinag-iisipan ang privacy, dahil ang gusto mo talaga ay makipagkaibigan. Pero maaari kang mapahamak kung hindi ka mag-iingat.

Halimbawa, ipagpalagay nang marami kang pera. Ididispley mo ba ito habang naglalakad ka sa kalye kasama ng mga kaibigan mo? Hindi mo gagawin iyon dahil para mo na ring inakit ang mga magnanakaw! Kung matalino ka, itatago mo ang pera mo.

Isipin mo na parang pera ang personal na impormasyon tungkol sa iyo. Ngayon, tingnan ang listahan sa ibaba at lagyan ng tsek ang mga bagay na ayaw mong malaman ng hindi mo kakilala.

․․․․․ adres ng bahay namin

․․․․․ e-mail address ko

․․․․․ kung saan ako nag-aaral

․․․․․ kung kailan ako nasa bahay

․․․․․ kung kailan walang tao sa bahay namin

․․․․․ mga picture ko

․․․․․ mga opinyon ko

․․․․․ mga gusto ko at hilig kong gawin

Kahit napakahilig mong makipagkaibigan, malamang na sasang-ayon ka na may ilang bagay sa itaas na hindi mo dapat sabihin kung kani-kanino. Pero maraming kabataan​—at mga adulto​—ang walang kamalay-malay na nakapagbigay ng gayong mga detalye sa hindi nila kilalá! Paano mo ito maiiwasan?

Kung pinapayagan ka ng mga magulang mo na sumali sa isang social network, kailangan mong maging pamilyar sa mga setting nito para sa privacy​—at gamitin iyon. Huwag mong ipaubaya sa site ang pag-iingat sa privacy mo. Ang totoo, dahil sa mga default setting nito, maaaring mas maraming tao ang makakita at mag-comment sa iyong page kaysa sa iniisip mo. Iyan ang dahilan kung bakit binago ng kabataang si Allison ang mga setting ng account niya para matatalik na kaibigan lang niya ang makakita nito. “Hindi ko kilala ang mga kaibigan ng ilan sa mga kaibigan ko,” ang sabi niya, “at ayokong mabasa nila ang tungkol sa akin.”

Kahit sa malalapít na kaibigan ka lang nakakonekta, dapat ka pa ring mag-ingat. “Puwede kang maadik sa pagbabasa ng comment ng mga kaibigan mo,” ang sabi ng 21-anyos na si Corrine, “kaya baka mapasobra ang inilalagay mong impormasyon tungkol sa sarili mo.”

Tandaan na pagdating sa Internet, hindi mo laging masisiguro na may “privacy” ka. Bakit? “Bina-back up ng malalaking Web site ang kanilang database,” ang sabi ni Gwenn Schurgin O’Keeffe sa kaniyang aklat na CyberSafe. Sinabi pa niya: “Anumang ilagay natin sa Internet ay hindi talaga nabubura. Dapat nating isiping permanente na ito dahil malamang na may kopya ito; kung hindi mo iyan tatandaan, ikaw rin ang kawawa.”

ANG IYONG PANAHON

Bukod sa privacy mo, ang iyong panahon ay maikukumpara din sa maraming pera. Kaya dapat mo ring ibadyet ang iyong panahon. (Eclesiastes 3:1) At iyan ang isa sa pinakamalaking hamon sa paggamit ng Internet, kasama na ang social networking. *

“Madalas kong sabihin, ‘Sandaling-sandali lang ako.’ Pero isang oras na, online pa rin ako.”​—Amanda, 18.

“Naadik ako. Tuwing darating ako galing sa iskul, maraming oras ang nauubos ko sa pagbabasa ng comment sa mga post ko at sa pagtingin sa mga post nila.”​—Cara, 16.

“Puwede kong tingnan ang site sa phone ko, kaya ginagawa ko iyon papunta sa iskul, pagdating sa iskul, at pauwi sa bahay. Pagdating ko naman ng bahay, magko-computer ako. Alam kong adik na ’ko, pero ayoko pa ring tumigil!”​—Rianne, 17.

Kung pinapayagan ka ng mga magulang mo na sumali sa social network, iplano kung ilang oras lang ang makatuwirang gamitin mo rito bawat araw. Pagkatapos, imonitor ang iyong sarili. Sa loob ng isang buwan, ilista kung gaano karaming oras ang nagamit mo at tingnan kung hindi ka lumampas sa itinakda mong limit. Tandaan, ang iyong panahon ay parang pera. Huwag mong hayaang ubusin ng social networking ang panahon mo dahil may iba pang bagay sa buhay na mas mahalaga.​—Efeso 5:15, 16; Filipos 1:10.

Tinitiyak ng ilang kabataan na kontrolado pa rin nila ang kanilang panahon. Tingnan ang ginawa ng ilan:

“Nang i-deactivate ko ang account ko, marami na akong panahon. Para akong nakalaya! Kailan lang, ni-reactivate ko ang account ko, pero kontrolado ko na ang paggamit nito. Hindi ko na ito binubuksan araw-araw. Minsan nga, talagang nakakalimutan ko pa itong buksan. Kung magkaproblema uli ako, ide-deactivate ko lang ang account ko.”​—Allison, 19.

“Kung minsan, ilang buwan na naka-deactivate ang account ko, at saka ko na lang iyon nire-reactivate. Ginagawa ko iyon kapag napapansin kong nauubos na ang panahon ko doon. Ngayon, hindi na ako gaanong mahilig sa social networking. Binubuksan ko lang ito kapag kailangan.”​—Anne, 22.

Napakahalagang Tandaan

May isa pang bagay na dapat tandaan tungkol sa mga social network. Para maintindihan mo ito, lagyan ng ✔ ang napili mong sagot.

Ang social networking site ay pangunahin nang . . .

(A) ․․․․․ isang negosyo.

(B) ․․․․․ isang social club.

(C) ․․․․․ isang uri ng libangan.

Ang tamang sagot? Sa maniwala ka o hindi, ang sagot ay A. Ang isang social network ay negosyo. Ang layunin nito ay kumita ng pera, pangunahin na sa pamamagitan ng mga advertisement. At pabor sa mga advertiser kung mas maraming sumasali sa network at mas marami ang nakakabasa ng post ng mga ito. Habang mas matagal sa networking site ang mga user, mas marami silang nakikitang advertisement.

Kaya naman makikita mo na walang mawawala sa isang social network​—at kikita pa nga ang mga advertiser​—kapag ipinaalám mo sa marami ang impormasyon tungkol sa iyo o kapag nagbabad ka rito. Kaya kung kailangan mo mang sumali sa isang social network, protektahan ang iyong privacy at imonitor ang panahong ginagamit mo rito.

SA SUSUNOD NA “ANG MGA KABATAAN AY NAGTATANONG” . . .

Maaaring makaapekto sa iyong reputasyon at pakikipagkaibigan ang social networking. Alamin kung paano.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 5 Ang isang social network ay Web site kung saan ang mga may account ay maaaring kumonekta sa pinili nilang grupo ng mga kaibigan.

^ par. 24 Hindi inirerekomenda ni kinokondena ng Gumising! ang alinmang networking site. Dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang paggamit nila ng Internet ay hindi lumalabag sa mga simulain ng Bibliya.​—1 Timoteo 1:5, 19.

^ par. 47 Para sa higit na impormasyon, tingnan ang seksiyong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Naaadik Na ba Ako sa Electronic Media?” sa Gumising! ng Enero 2011. Pansinin lalo na ang kahon sa pahina 26, “Naadik Ako sa Social Networking Site.”

[Blurb sa pahina 25]

Inabot ng 38 taon bago umabot ng 50 milyon ang gumagamit ng radyo

[Blurb sa pahina 25]

Sa loob lang ng 1 taon kamakailan, umabot nang mahigit 200 milyon ang user ng social networking site na Facebook

[Kahon sa pahina 27]

TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO

Ipakipag-usap sa mga magulang mo ang tungkol sa privacy sa Internet. Anong mga bagay ang dapat ingatang pribado, at bakit? Anong impormasyon ang delikadong i-post saanman sa Internet? Humingi rin ng payo sa mga magulang mo kung ano ang dapat gawin para hindi maapektuhan ng social networking ang panahon mo kasama ng iyong mga kaibigan. Ano kaya ang maimumungkahi nila?

[Larawan sa pahina 26]

Hindi ka nakatitiyak na may privacy ka sa isang social network

[Larawan sa pahina 27]

Ang panahon ay parang pera. Kung uubusin mo iyon nang minsanan, wala ka nang magagamit kapag nangailangan ka