Buhay na Walang Pagdurusa—Isang Mapagkakatiwalaang Pangako
Buhay na Walang Pagdurusa—Isang Mapagkakatiwalaang Pangako
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
MAKAPAGTITIWALA ba tayo sa nakaaaliw na pangakong iyan? Pag-isipan ang isa sa mga unang babalang ibinigay sa tao. Sinabi ng Diyos kay Adan na kung susuway siya, “tiyak na mamamatay” siya. (Genesis 2:17) At namatay nga si Adan gaya ng sinabi ng Diyos. Ito, pati na ang kamatayan at pagdurusang minana ng tao, ay patunay na mapagkakatiwalaan ang Diyos. Kaya may dahilan ba tayong mag-alinlangan sa pangako ng Diyos na isauli ang magandang kalagayan sa lupa?
Alalahanin din ang mga katangian ng Diyos na tinalakay sa nakaraang artikulo. Kung gusto nating wakasan ang pagdurusa, lalo nang gusto ito ng Diyos dahil siya ay mas mahabagin, maibigin, at makatarungan. Bukod diyan, ipinakikita ng mga pangyayari sa daigdig at ng pag-uugali ng mga tao ngayon na malapit nang kumilos ang Diyos.—Tingnan ang kahong “Kailan Mangyayari ang mga Bagay na Ito?”
Bakit ang Diyos na Jehova lang ang may kakayahang wakasan ang pagdurusa ng tao? Pag-isipan kung bakit masasabing kaya niyang alisin at kung paano niya aalisin—sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesus—ang mga ugat ng pagdurusa.
Pagpapasiya ng tao. Ang ating ninunong si Adan ay gumawa ng pasiya na nagpahamak sa lahat ng kaniyang supling. Sumulat si apostol Pablo: “Ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.” (Roma 8:22) Ang solusyon ng Diyos ay lubhang makatarungan, punô ng awa, at simple lang. Sinasabi sa Roma 6:23: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”
Ang sakdal na taong si Jesus ay hindi nagkasala. Ang kamatayan niya sa pahirapang tulos ang naglaan ng saligan para mapalaya ang masunuring sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Kaya mayroon na tayong pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa isang daigdig kung saan malaya na tayo sa tendensiyang gumawa ng maling pasiya. Mawawala na rin ang mga taong nagdudulot ng pagdurusa sa iba dahil “ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin.”—Awit 37:9.
Mga di-inaasahang pangyayari at di-kasakdalan. Si Jesu-Kristo, ang Haring hinirang ng Diyos, ay may kapangyarihang kumontrol sa kalikasan. Noong unang siglo C.E., si Jesus at ang mga apostol niya ay nakasakay sa isang bangka nang ‘magsimula ang isang napakalakas na buhawi, at patuloy na humampas sa bangka ang mga alon, anupat malapit nang lumubog ang bangka.’ Nang hingan ng tulong, “bumangon [si Jesus] at sinaway ang hangin at sinabi sa dagat: ‘Tigil! Tumahimik ka!’ At tumigil ang hangin, Marcos 4:37-41.
at nagkaroon ng lubos na katahimikan.” Manghang-mangha ang mga apostol! “Maging ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya,” ang sabi nila.—Sa ilalim ng pamamahala ni Jesus, ang mga tao ay ‘tatahan nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.’ (Kawikaan 1:33) Kasama riyan ang kapahamakan dahil sa likas na mga sakuna. Mawawala na rin ang maling pangangasiwa sa lupa, ang di-maingat na pagtatayo ng mga gusali, at ang pagwawalang-bahala sa mga babala ng kalikasan, pati na ang iba pang pagkakamali ng tao. Wala nang sinumang magdurusa dahil siya’y nasa maling lugar sa maling panahon.
Noong nasa lupa si Jesus, binanggit niya ang isa pang bagay na gagawin niya para pawiin ang anumang pagdurusang dulot ng mga di-inaasahang pangyayari. “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay,” ang sabi niya. (Juan 11:25) Oo, may kapangyarihan si Jesus na buhaying muli ang milyun-milyong namatay sa likas na mga sakuna at gusto niyang gawin iyon. Pinatunayan iyan ni Jesus noong narito siya sa lupa nang bumuhay siya ng mga patay. Ang tatlo sa mga halimbawa nito ay nakaulat sa Bibliya.—Marcos 5:38-43; Lucas 7:11-15; Juan 11:38-44.
“Ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” Inatasan ng Diyos si Kristo Jesus para ‘pawiin ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo.’ (Hebreo 2:14) Sinabi ni Jesus: “May paghatol sa sanlibutang ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Para ‘masira ang mga gawa ng Diyablo,’ aalisin ni Jesus ang impluwensiya nito sa mga tao. (1 Juan 3:8) Isip-isipin ang magiging pagbabago sa lipunan ng tao kapag wala nang kasakiman, katiwalian, at pagkamakasarili na udyok ng Diyablo!
[Kahon sa pahina 9]
“Kailan Mangyayari ang mga Bagay na Ito?”
Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Ipinakikita ng sagot ni Jesus, pati na ng iba pang bahagi ng Bibliya na isinulat pagkamatay niya, kung ano ang palatandaan na malapit nang wakasan ng Diyos ang pagdurusa. * Ihambing sa mga kalagayan at pag-uugali ng mga tao sa ngayon ang sumusunod na mga hula.
● Malalaking digmaan—Mateo 24:7; Apocalipsis 6:4.
● Sakit at kakapusan sa pagkain—Lucas 21:11; Apocalipsis 6:5-8.
● Pagsira sa lupa—Apocalipsis 11:18.
● “Maibigin sa salapi”—2 Timoteo 3:2.
● “Masuwayin sa mga magulang”—2 Timoteo 3:2.
● “Maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos”—2 Timoteo 3:4.
Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang maunawaan na malapit nang mawala ang pagdurusa. Makipag-ugnayan sa mga Saksi sa inyong lugar. Matutuwa silang tulungan ka na mag-aral ng Bibliya sa inyong tahanan o sa isang lugar na kumbinyente sa iyo.
[Talababa]
^ par. 14 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang paksang “Nabubuhay Na ba Tayo sa ‘mga Huling Araw’?” sa kabanata 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.