Ang Pangmalas ng Bibliya
Kinukunsinti ba ng Bibliya ang Pagkakaroon ng Alipin?
PAG-IBIG sa kapuwa ang isa sa pangunahing turo ng Bibliya. Gayunman, ang pag-ibig ay hindi kaayon ng malupit na pang-aalipin. Kaya naman nagtataka ang ilan kung bakit iniuulat sa Bibliya ang tungkol sa pagkakaroon ng alipin.
Pinahintulutan ng Diyos ang mga lingkod niya noon na magkaroon ng alipin. (Genesis 14:14, 15) Kahit noong panahon ng mga apostol, ang ilang Kristiyano ay may mga alipin at ang ilan ay mga alipin. (Filemon 15, 16) Nangangahulugan ba ito na kinukunsinti ng Bibliya ang malupit na pang-aalipin?
Mga Kaayusan sa Lipunan na Hindi Kaayon ng mga Simulain sa Bibliya
Nang simulang isulat ang Bibliya, ang mga tao ay nakapagtatag na ng mga kaayusan sa lipunan at ekonomiya na hindi kaayon ng makadiyos na mga simulain. Bagaman ang ilan sa mga kaugaliang iyon ay kinokondena sa kaniyang nasusulat na Kautusan, pinahintulutan ng Diyos ang iba, gaya ng pagkakaroon ng alipin.
Tungkol sa kaayusan sa lipunan ng sinaunang bansang Israel, ang The International Standard Bible Encyclopedia ay nagsabi: “Nilayon itong maging isang kapatiran na wala sanang dukha [at] walang pang-aapi sa mga babaing balo, palaboy, o ulila.” Kaya sa halip na basta pahintulutan lang ang isang kaayusang umiiral na sa lipunan at ekonomiya, nagbigay ang Diyos ng mga regulasyon na kung susundin, magiging makatao at maibigin ang pakikitungo sa mga alipin.
Pagkakaroon ng Alipin Noong Panahon ng Bibliya
Pag-isipan ang sumusunod na mga regulasyon na kasama sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises:
● Ang pagdukot sa isang tao at pagbebenta sa kaniya ay may parusang kamatayan. (Exodo 21:16) Gayunman, kung ang isang Israelita, sa kabila ng lahat ng probisyon para maiwasan ang karukhaan, ay mabaon pa rin sa utang, maaaring dahil sa maling mga desisyon sa negosyo, puwede niyang ipagbili ang kaniyang sarili bilang alipin. Sa ilang kaso, maaari pa nga siyang makaipon para matubos ang kaniyang sarili.—Levitico 25:47-52.
● Hindi ito gaya ng malupit na pang-aalipin na karaniwan sa maraming lupain. Sinasabi ng Levitico 25:39, 40: “Kung ang kapatid mo ay maging dukha na kasama mo at ipagbili niya sa iyo ang kaniyang sarili, huwag mo siyang gagamitin bilang manggagawa sa mapang-aliping paglilingkod. Siya ay magiging tulad ng isang upahang trabahador sa iyo, tulad ng isang nakikipamayan.” Kaya isa itong maibiging probisyon para mapangalagaan ang mga dukha sa Israel.
● Kung ang isang tao ay mapatunayang nagnakaw at hindi niya mabayaran ang bayad-pinsalang itinakda ng Kautusan, maaari siyang ipagbili bilang alipin para mabayaran ang kaniyang utang. (Exodo 22:3) Kapag nabayaran na niya ito, makakalaya na siya.
● Ang malupit at mapang-abusong pang-aalipin ay ipinagbawal ng Kautusan ng Diyos sa Israel. Pinahintulutan ang mga panginoon na disiplinahin ang kanilang mga alipin pero ipinagbawal ang malupit na pagtrato. Ang aliping pinatay ng kaniyang panginoon ay dapat ipaghiganti. (Exodo 21:20) Kung ang alipin ay masaktan nang malubha, anupat mawalan ng isang ngipin o mata, palalayain siya.—Exodo 21:26, 27.
● Hanggang anim na taon lang maaaring maging alipin ang isang Israelita. (Exodo 21:2) Ang mga aliping Hebreo ay dapat palayain sa ikapitong taon. Itinakda ng Kautusan na tuwing ika-50 taon, ang lahat ng aliping Israelita ay dapat palayain, gaano man sila katagal naging alipin.—Levitico 25:40, 41.
● Kapag pinalaya ang isang alipin, ang panginoon niya ay dapat maging bukas-palad sa kaniya. Sinasabi ng Deuteronomio 15:13, 14: “Kung payayaunin mo siya mula sa iyo bilang isa na pinalaya, huwag mo siyang payaunin na walang dala. Tiyakin mong pabaunan siya ng anuman mula sa iyong kawan at sa iyong giikan at sa iyong panlangis at pang-alak na pisaan.”
Noong panahon ni Jesus at ng kaniyang mga apostol, naging pangkaraniwan na lang sa Imperyo ng Roma ang magkaroon ng alipin. Habang lumalaganap ang Kristiyanismo, may mga alipin at mga may-ari ng alipin na nakarinig ng mabuting balita at naging mga Kristiyano. Hindi ipinangaral ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol na dapat palayain ang mga alipin, na para bang gusto nilang baguhin ang umiiral na kaayusan sa lipunan. Sa halip, pinayuhan ang mga alipin at mga may-ari ng alipin na mag-ibigan bilang espirituwal na magkakapatid.—Colosas 4:1; 1 Timoteo 6:2.
Ang Wakas ng Pang-aalipin
Gaya ng iba pang tanong na may kaugnayan sa Bibliya, ang pagkakaroon ng alipin ay dapat tingnan sa kabuuan nito. Ipinakikita ng maingat na pagsusuri sa Kasulatan na kinapopootan ng Diyos ang pagmamalupit sa kapuwa.
Isinisiwalat din ng gayong pagsusuri na ang bayan ng Diyos noong panahon ng Bibliya ay hindi malupit sa kanilang mga alipin at ibang-iba sa malulupit na panginoon na naiisip ng karamihan sa ngayon. At ipinakikita ng Bibliya na sa takdang panahon, palalayain tayo ng Diyos mula sa lahat ng uri ng pagkaalipin. Sa gayon ay tatamasahin ng buong sangkatauhan ang tunay na kalayaan.—Isaias 65:21, 22.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Kinukunsinti ba ng Bibliya ang pagmamalupit sa alipin?—Levitico 25:39, 40.
● Paano dapat tratuhin ng mga Kristiyano ang mga alipin?—Colosas 4:1.
[Blurb sa pahina 29]
Kinapopootan ng Diyos ang pagmamalupit sa kapuwa
[Picture Credit Line sa pahina 29]
© G.M.B. Akash/Panos Pictures