Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagmamalasakit ba ang Diyos?

Nagmamalasakit ba ang Diyos?

Nagmamalasakit ba ang Diyos?

ISANG umaga noong Nobyembre 1, 1755, niyanig ng lindol ang lunsod ng Lisbon sa Portugal. Sinundan ito ng tsunami at mga sunog. Halos mawasak ang buong lunsod at libu-libo ang namatay.

Pagkatapos ng lindol sa Haiti noong 2010, sinabi ng isang editoryal sa diyaryong National Post ng Canada: “Lahat ng malalaking trahedya ay pagsubok sa pananampalataya ng tao sa isang nakatataas na kapangyarihan. Pero gaya ng nangyari sa Lisbon, ang mga lindol ngayon tulad ng sa Haiti ay mas matitinding pagsubok kumpara sa iba pa.” Ganito ang konklusyon ng artikulo: “Marahil pinabayaan na ng Diyos ang Haiti.”

Bilang ang “Makapangyarihan-sa-lahat,” walang limitasyon ang kapangyarihan ng Diyos na Jehova, anupat kaya niyang wakasan ang pagdurusa. (Awit 91:1) Bukod diyan, makatitiyak tayo na nagmamalasakit siya. Bakit?

Ano ang Alam Natin Tungkol sa Diyos?

Naaawa ang Diyos sa mga nagdurusa. Noong inaalipin at pinagmamalupitan ang mga Israelita sa Ehipto, sinabi ng Diyos kay Moises: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.” (Exodo 3:7) Ano ang ipinakikita nito? Na hindi manhid ang Diyos sa pagdurusa ng tao. Sa katunayan pagkalipas ng mga siglo, sumulat ang propetang si Isaias tungkol sa mga Israelita: “Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya.”​—Isaias 63:9.

“Ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Ang Diyos ay hindi nagtatangi at palaging makatarungan. “Babantayan niya ang mismong daan ng kaniyang mga matapat,” pero ‘gagantihan niya ng kapighatian yaong mga pumipighati’ sa mga taong matuwid. (Kawikaan 2:8; 2 Tesalonica 1:6, 7) “Siya [ay] hindi nagtatangi ng mga prinsipe, at di umaayon sa mayayaman laban sa mahihirap, pagkat silang lahat ay likha ng kanyang mga kamay.” (Job 34:19, Ang Biblia​Bagong Salin sa Pilipino) At alam ng Diyos ang pinakamabuting paraan para wakasan ang pagdurusa ng tao. Ang paraan ng tao ay maikukumpara sa paglalagay lang ng band-aid sa isang tama ng baril. Kahit matakpan ng band-aid ang sugat, hindi talaga nito mapagagaling iyon ni maaalis man ang paghihirap ng biktima.

Ang Diyos ay “maawain at magandang-loob . . . at sagana sa maibiging-kabaitan.” (Exodo 34:6) Sa Bibliya, ang salitang “awa” ay nagpapahiwatig ng magiliw na pakikiramay at habag na nag-uudyok sa isa na tumulong sa iba. Ang salitang-ugat naman ng terminong Hebreo na isinaling “magandang-loob” ay nangangahulugang “taos-pusong pagtugon ng isa na may kakayahang tumulong sa isang nangangailangan.” At ayon sa Theological Dictionary of the Old Testament, ang salita na isinaling “maibiging-kabaitan” ay nagpapahiwatig ng “pagtulong sa isa na dumaranas ng kasawian o kagipitan.” Hindi lang basta nasasaktan ang Diyos na Jehova kapag nagdurusa ang isang tao. Napakikilos din siyang tumulong dahil sa kaniyang awa, kagandahang-loob, at maibiging-kabaitan. Kaya tiyak na wawakasan niya ang pagdurusa.

Binanggit sa sinundang artikulo ang tatlong pangunahing dahilan ng pagdurusa ng tao sa ngayon, na hindi maisisisi sa Diyos. Tingnan natin kung ano ang nasa likod ng mga dahilang ito.

Pagpapasiya ng Tao

Noong pasimula, nagpapasakop si Adan sa Diyos. Pero nang mapaharap sa pagpapasiya, pinili niyang tanggihan ang pamamahala ng Diyos at tingnan ang resulta ng paghiwalay sa Diyos. Binale-wala niya ang babala ni Jehova sa Genesis 2:17: “Tiyak na mamamatay ka.” Ang hindi pagsunod sa sakdal na pamamahala ng Diyos ay nagbunga ng kasalanan at di-kasakdalan. “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan,” ang sabi ng Bibliya, “at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Pero aalisin ng Diyos ang mga epekto ng kasalanan.

Mga Di-inaasahang Pangyayari

Gaya ng nabanggit na, tinanggihan ng unang taong si Adan ang patnubay ng Diyos​—ang patnubay na kailangan ng tao para manatiling ligtas​—kahit mula sa likas na mga sakuna. Ang ginawa niyang pasiya ay maikukumpara sa isang pasyente na tumatangging magpagamot sa isang mahusay at makaranasang doktor. Kung hindi aalamin ng pasyente ang mga panganib at posibleng komplikasyon ng kaniyang sakit na alam ng doktor, maaari siyang magdusa dahil sa kawalang-alam. Sa katulad na paraan, ang maling pangangasiwa ng tao sa lupa​—kasali na ang di-maingat na pagtatayo ng mga gusali at ang pagwawalang-bahala sa mga babala ng kalikasan​—ay madalas na dahilan ng malalaking sakuna. Pero hindi ipahihintulot ng Diyos na magpatuloy ang ganitong kalagayan.

“Ang Tagapamahala ng Sanlibutang Ito”

Bakit pinahintulutan ng Diyos si Satanas na mamahala sa sanlibutan matapos nitong udyukang maghimagsik ang unang mag-asawa? Ayon sa isang reperensiya, “ang anumang uri ng bagong rehimen ay may maikling panahon sa pasimula kung kailan maisisisi nila sa nakaraang administrasyon ang mga problema.” Kung agad na pinatalsik ni Jehova “ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” maaaring isisi ni Satanas ang kaniyang mga pagkakamali sa nakaraang Tagapamahala, ang Diyos. (Juan 12:31) Gayunman, ang pagbibigay kay Satanas ng panahon para lubusang mamahala sa sanlibutan ay nagpatunay na bigo siya bilang tagapamahala. Pero ang tanong, Paano tayo makatitiyak na magwawakas ang pagdurusa?

[Larawan sa pahina 6]

Band-aid lang ba ang gagamitin ng doktor sa isang nagdurugong tama ng baril?