Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Social Networking?—Bahagi 2

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Social Networking?—Bahagi 2

Lagyan ng numero ang mga patlang simula sa itinuturing mong pinakamahalaga sa iyo.

․․․․․ privacy ko

․․․․․ panahon ko

․․․․․ reputasyon ko

․․․․․ pakikipagkaibigan ko

ALIN ang minarkahan mo ng number one​—ang itinuturing mong pinakamahalaga? Iyan, pati na ang tatlong iba pa, ay maaaring manganib kapag may account ka sa isang social network.

Dapat ka bang magkaroon ng account sa isang social network? Kung nasa poder ka pa ng mga magulang mo, sila ang magpapasiya. * (Kawikaan 6:20) Katulad ng iba pang gamit ng Internet, ang social networking ay may mga pakinabang​—at mga panganib. Kung ayaw ng mga magulang mo na magkaroon ka ng account, dapat mo silang sundin.​—Efeso 6:1.

Pero kung pinapayagan ka ng mga magulang mo na sumali sa isang social network, paano mo maiiwasan ang mga panganib? Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa Gumising! ng Hulyo 2011 ay tumalakay sa dalawang aspekto​—ang iyong privacy at panahon. Sa artikulong ito naman, pag-uusapan natin ang iyong reputasyon at pakikipagkaibigan.

ANG IYONG REPUTASYON

Para hindi masira ang iyong reputasyon, iingatan mo na walang makita ang iba na maipipintas sa iyo. Ipaghalimbawa na mayroon kang bagong kotse na wala ni kaunting gasgas. Hindi ba’t iingatan mo itong mabuti? Pero ano kaya ang madarama mo kung dahil sa kawalang-ingat mo, nawasak ito sa isang aksidente?

Ganiyan din ang puwedeng mangyari sa iyong reputasyon kapag kasali ka sa isang social network. “Isang maling picture lang o post,” ang sabi ng kabataang si Cara, “sira na ang reputasyon mo.” Halimbawa, isipin kung paano makaaapekto sa iyong reputasyon ang . . .

Mga picture mo. Sumulat si apostol Pedro: ‘Panatilihing mainam ang iyong paggawi.’ (1 Pedro 2:12) Ano ang napansin mo sa nakita mong mga picture sa social network?

“Kung minsan, ang taas ng tingin ko sa isang tao, tapos maglalagay siya ng mga picture niya na mukha siyang lasing.”​—Ana, 19.

“May kilala akong mga kabataang babae na naka-pose nang sexy sa social network. Ibang-iba ang hitsura nila kaysa sa aktuwal.”​—Cara, 19.

Ano ang masasabi mo tungkol sa isang tao kung makita mo sa social network na siya ay (1) nakasuot ng mapang-akit na damit o (2)  mukhang lasing?

1 ․․․․․

2 ․․․․․

Mga comment mo. “Huwag lumabas ang bulok na pananalita [“maruming pananalita,” International Standard Version] mula sa inyong bibig,” ang sabi sa Efeso 4:29. Napapansin ng iba na ang bastos na pananalita, tsismis, o imoral na usapan ay makikita sa mga social networking site.

“Mas malakas ang loob ng mga tao sa social network. Parang hindi gaanong masama ang mga salita kung itina-type lang ito kaysa kung aktuwal na sinasabi. Hindi ka nga nagmumura, pero ang pananalita mo naman ay maaaring mas mapang-akit, masagwa, o malaswa pa nga.”​—Danielle, 19.

Sa palagay mo, bakit mas malakas ang loob ng mga tao sa harap ng computer?

․․․․․

Nakaaapekto ba talaga sa iyo ang mga picture at comment na ipino-post mo? Aba, oo! “Itinuturo iyan sa iskul,” ang sabi ng 19-anyos na si Jane. “Napag-aralan namin na tinitingnan ng mga employer ang page ng aplikante sa social network para mas makilala siya.”

Sa aklat na Facebook for Parents, sinabi ni Dr. B. J. Fogg na ganiyan nga ang ginagawa niya kapag pumipili ng magiging empleado. “Para sa akin, dapat kong gawin iyon,” ang sabi niya. “Kung maa-access ko ang Profile ng aplikante, at makakita ako ng mga bagay na walang kuwenta, bumababa ang tingin ko sa kaniya. Hindi ko siya kukunin. Bakit? Dahil ang gusto kong makatrabaho ay mga taong mahusay magpasiya.”

Kung isa kang Kristiyano, may isa pang mas mahalagang bagay na dapat pag-isipan​—ang epekto ng mga post mo sa iba, kapananampalataya man sila o hindi. Sumulat si apostol Pablo: “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod”​—anumang dahilan para mapintasan ang Kristiyanong paniniwala.​—2 Corinto 6:3; 1 Pedro 3:16.

Kung Ano ang Puwede Mong Gawin

Kung payag ang mga magulang mo na sumali ka sa social network, tingnan ang naka-post na mga picture mo at tanungin ang sarili: ‘Ano ang ipinahihiwatig ng mga picture na ito tungkol sa akin? Ganito ba ang gusto kong maging pagkakilala sa akin? Mahihiya ba ako kapag ang mga picture na ito ay nakita ng mga magulang ko, ng isang elder sa kongregasyon, o ng potensiyal na employer?’ Kung oo ang sagot mo sa huling tanong, gumawa ng pagbabago. Ganiyan ang ginawa ng 21-anyos na si Kate. “Kinausap ako ng isang elder sa kongregasyon tungkol sa profile picture ko,” ang sabi niya, “at ipinagpasalamat ko iyon. Alam kong gusto lang niyang maingatan ang reputasyon ko.”

Bukod diyan, tingnang mabuti ang mga comment mo​—pati na ang mga comment na ipino-post ng iba sa page mo. Huwag hayaang may maglagay roon ng “mangmang na usapan” o “malaswang pagbibiro.” (Efeso 5:3, 4) “Kung minsan, may mga naglalagay ng comment na pangit o may dobleng kahulugan,” ang sabi ni Jane. “Kahit hindi ikaw ang nagsabi no’n, nakaaapekto iyon sa iyo dahil nasa page mo.”

Pagdating sa mga picture at comment na ipino-post mo, anong limitasyon ang itatakda mo para maingatan ang iyong reputasyon?

․․․․․

ANG IYONG PAKIKIPAGKAIBIGAN

Kung mayroon kang bagong kotse, pasasakayin mo ba ang kahit sino? Sa isang social network, kailangan mo ring gumawa ng ganiyang pagpapasiya pagdating sa kung sino ang pipiliin o tatanggapin mong ‘friend.’ Magiging mapamili ka ba?

“May mga tao na ang gusto lang ay magparami ng kaibigan​—mas marami, mas maganda. Kaya kahit hindi nila talaga kilala, ina-add nila.”​—Nayisha, 16.

“Sa social network, puwede kang makipag-ugnayan sa mga dati mong kaibigan. Pero kung minsan, mas mabuti pa ngang kalimutan na lang sila.”​—Ellen, 25.

Kung Ano ang Puwede Mong Gawin

Mungkahi: Magsuri at mag-delete. Tingnan ang listahan mo ng mga kaibigan at baguhin ito kung kailangan. Sa bawat pangalan, tanungin ang sarili:

1. ‘Gaano ko kakilala ang taong ito sa personal?’

2. ‘Anong mga picture at comment ang ipino-post niya?’

3. ‘Mabuti ba ang impluwensiya niya sa akin?’

“Kadalasan na, tinitingnan ko ang ‘friends list’ ko buwan-buwan. Kung may isa roon na nag-aalangan ako o hindi ko gaanong kilala, dini-delete ko siya sa list ko.”​—Ivana, 17.

Mungkahi: Magkaroon ng ‘patakaran sa pakikipagkaibigan.’ Magtakda ng limitasyon kung sino lang ang pipiliin o tatanggapin mong ‘friend,’ gaya ng ginagawa mo sa personal. (1 Corinto 15:33) Halimbawa, ang kabataang si Leanne ay nagsabi: “Ito ang patakaran ko: Kung hindi kita kilala, hindi kita ia-accept na ‘friend.’ Kung may makita ako sa page mo na hindi ko nagustuhan, idi-delete kita sa list ko at hindi na kita ia-add ulit.” Ganiyan din ang patakaran ng iba.

“Hindi ko tinatanggap na ‘friend’ ang kahit sino. Delikado iyon.”​—Erin, 21.

“Meron akong mga kaeskuwela noon na gusto akong maging ‘friend.’ Pero sila y’ong grupo na iniiwasan ko noon sa iskul; kaya bakit ko sila gugustuhing maging kaibigan ngayon?”​—Alex, 21.

Isulat sa ibaba ang gagawin mong ‘patakaran sa pakikipagkaibigan.’

․․․․․

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

^ par. 9 Hindi inirerekomenda ni kinokondena ng Gumising! ang alinmang networking site. Dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang paggamit nila ng Internet ay hindi lumalabag sa mga simulain ng Bibliya.​—1 Timoteo 1:5, 19.

[Blurb sa pahina 10]

Ayon sa isang kawikaan sa Bibliya: “Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan [o reputasyon] kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.”​—Kawikaan 22:1, Magandang Balita Biblia

[Kahon sa pahina 12]

TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO

Kasama ng mga magulang mo, pag-aralan ang artikulong ito at ang artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa Gumising! ng Hulyo 2011. Pag-usapan ninyo kung paano naaapektuhan ng paggamit mo ng Internet ang iyong (1) privacy, (2) panahon, (3) reputasyon, at (4) pakikipagkaibigan.

[Kahon sa pahina 13]

MENSAHE SA MGA MAGULANG

Maaaring mas maraming alam ang mga anak mo kaysa sa iyo pagdating sa Internet. Pero mas makaranasan ka sa pagpapasiya. (Kawikaan 1:4; 2:1-6) Ayon nga kay Parry Aftab, expert sa safety sa Internet: “Mas marunong ang mga kabataan pagdating sa teknolohiya. Mas makaranasan naman sa buhay ang mga magulang.”

Nitong nakaraang mga taon, nauso ang mga social network. Mapagkakatiwalaan mo na ba ang anak mo na magkaroon ng account? Ikaw ang magpapasiya. Gaya ng pagmamaneho ng kotse, pagkakaroon ng account sa bangko, o paggamit ng credit card, ang social networking ay may mga panganib din. Ano ang ilan sa mga ito?

PRIVACY. Hindi naiintindihan ng maraming kabataan ang panganib ng paglalagay ng napakaraming impormasyon sa Internet. Puwedeng manganib ang iyong pamilya kung ipo-post ng mga anak mo kung saan sila nakatira, kung saan sila nag-aaral, o kung kailan sila wala o nasa bahay.

Kung ano ang puwede mong gawin. Noong bata pa ang mga anak mo, tinuruan mo silang tumingin sa kaliwa’t kanan bago tumawid ng kalsada. Ngayong malalaki na sila, turuan mo sila kung paano magiging maingat sa Internet. Basahin ang impormasyon tungkol sa privacy na nasa artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” noong nakaraang buwan. Tingnan din ang Gumising! ng Oktubre 2008, pahina 3-9. Pagkatapos, ipakipag-usap ang artikulong ito sa iyong anak. Sikaping itimo sa kaniya ang ‘praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip’ pagdating sa safety sa Internet.​—Kawikaan 3:21.

PANAHON. Nakakaadik ang social networking. “Ilang araw pa lang akong may account, hindi na ako makaalis sa harap ng computer,” ang sabi ng 23-anyos na si Rick. “Nagbababad ako sa pagtingin sa mga picture at post.”

Kung ano ang puwede mong gawin. Basahin at ipakipag-usap sa mga anak mo ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Naaadik Na ba Ako sa Electronic Media?” na nasa Gumising! ng Enero 2011. Bigyang-pansin ang kahong “Naadik ako sa Social Networking Site” sa pahina 26. Tulungan ang anak mo na maging ‘katamtaman sa pag-uugali’ at limitahan ang panahon sa pag-i-Internet. (1 Timoteo 3:2) Ipaalaala sa kaniya na masaya pa rin ang buhay kahit walang social networking!

REPUTASYON. “Ang mabuti o masama na ginagawa ng mga bata ay nagpapakilala kung ano sila,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 20:11, Contemporary English Version) Totoo rin iyan sa pag-i-Internet! Bukod diyan, dahil ang social network ay pampubliko, ang ipino-post ng mga anak mo ay makaaapekto hindi lang sa reputasyon nila kundi pati sa pamilya.

Kung ano ang puwede mong gawin. Dapat maintindihan ng mga tin-edyer na ang ipino-post nila ay nagpapakilala kung ano sila. Dapat din nilang tandaan na ang inilalagay nila sa Internet ay permanente na. “Hindi madaling maintindihan ng mga bata na ang mga impormasyon sa Internet ay permanente, pero napakahalagang matutuhan nila ito,” ang sabi ni Dr. Gwenn Schurgin O’Keeffe sa aklat na CyberSafe. “Ang isang paraan para maipaliwanag sa mga bata ang tamang paggawi kapag nag-i-Internet ay ang pagpapaalaala sa kanila na huwag sabihin online ang mga bagay na hindi nila harapang sasabihin kahit kanino.”

PAKIKIPAGKAIBIGAN. “Gusto ng maraming tin-edyer na maging popular,” ang sabi ng 23-anyos na si Tanya, “kaya ina-accept nilang ‘friend’ kahit ang mga hindi nila kilala o mga walang prinsipyo sa buhay.”

Kung ano ang puwede mong gawin. Tulungan ang anak mo na magkaroon ng ‘patakaran sa pakikipagkaibigan.’ Halimbawa, hindi basta ina-add ng 22-anyos na si Alicia sa kaniyang list ang mga kaibigan ng mga kaibigan niya. Sinabi niya, “Kung hindi kita kilala o hindi pa kita nakikilala nang personal, hindi kita ia-add dahil lang kaibigan ka ng kaibigan ko.”

Ang mag-asawang Tim at Julia ay gumawa rin ng networking account para mamonitor ang mga ‘friend’ at mga post ng anak nilang babae. “Sinabihan namin siya na i-add kami sa listahan niya ng mga kaibigan,” ang sabi ni Julia. “Kaya ang mga ‘friend’ niya ay nagiging parang bisita namin sa bahay. Gusto namin silang makilala.”

[Larawan sa pahina 11]

Kung paanong puwedeng mawasak ang kotse kapag hindi maingat ang nagmamaneho, puwede ring masira ang reputasyon mo kung magpo-post ka ng masasagwang picture at comment sa Internet

[Larawan sa pahina 12]

Isasakay mo ba ang isang estranghero dahil lang pumara siya sa iyo? Kaya bakit mo ia-accept na ‘friend’ ang hindi mo naman kilala?