Ang Pangmalas ng Bibliya
Isang Sagradong Araw Bawat Linggo—Kahilingan ba Ito?
SA BUONG daigdig, milyun-milyong Muslim, Judio, at mga nag-aangking Kristiyano ang nagtatakda ng isang araw bawat linggo para sa relihiyosong mga gawain. Bakit? Kuning halimbawa si Ibrahim, isang debotong Muslim na nagpupunta sa moske tuwing Biyernes para manalangin at makinig sa isang sermon. Sinabi niya: “Gusto kong maging malapít sa Diyos at magkaroon ng kapayapaan ng isip.”
Itinuturo ba ng Bibliya na hinihiling ng Diyos na magtakda tayo ng isang sagradong araw bawat linggo? Kailangan bang sumamba sa Diyos sa isang partikular na araw para magtamo ng tunay na espirituwal na kaginhawahan?
Pansamantalang Kaayusan
Mahigit 3,500 taon na ang nakalipas, nagbigay ang Diyos ng isang pantanging kalipunan ng mga kautusan sa pamamagitan ni propeta Moises. Kasama sa Kautusang iyon ang mga araw ng kapahingahan, o mga Sabbath, na itinalaga para sa pagsamba. Ang pinakamadalas sa mga ito ay ang lingguhang Sabbath—mula Biyernes, paglubog ng araw, hanggang Sabado, paglubog ng araw.—Exodo 20:8-10.
Kahilingan ba sa lahat ng tao na ipangilin ang araw na iyon bawat linggo? Hindi. Ang Kautusan ni Moises ay para lang sa mga Israelita at mga proselita. Sinabi ng Diyos kay Moises: “Ipangingilin ng mga anak ni Israel ang sabbath . . . Sa pagitan ko at ng mga anak ni Israel ay isang tanda ito hanggang sa panahong walang takda.” *—Exodo 31:16, 17.
Sinasabi sa Bibliya na ang Kautusang Mosaiko ay “isang anino ng mga bagay na darating.” (Colosas 2:17) Kaya naman ang Sabbath ay bahagi ng isang pansamantalang kaayusan sa pagsamba na lumalarawan sa isang nakahihigit na kaayusang darating. (Hebreo 10:1) Ipinakikita sa Bibliya na sa pangmalas ng Diyos, ang Kautusang ibinigay sa Israel, pati na ang kahilingang ipangilin ang lingguhang araw ng Sabbath, ay nagwakas nang mamatay si Jesus. (Roma 10:4) Ano ang ipinalit dito?
Bagong Paraan ng Pagsamba
Nang matupad na ang layunin ng Kautusang Mosaiko, malinaw na inilarawan sa Bibliya ang paraan ng pagsamba na katanggap-tanggap sa Diyos. Kasama ba rito ang pagsamba sa isang partikular na araw bawat linggo?
Ipinakikita sa Kasulatan na ang ilang utos na ibinigay sa Israel ay kapit din sa kongregasyong Kristiyano. Kasama rito ang utos na umiwas sa idolatriya at pakikiapid, pati na sa pagkain ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Kapansin-pansin na hindi kabilang sa mga utos na kailangang sundin ng mga Kristiyano ang pangingilin ng lingguhang Sabbath.—Roma 14:5.
Ano pa ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano noong unang siglo? Regular silang nagtitipon para manalangin, magbasa ng mga kasulatan, makinig sa mga pahayag, at umawit ng mga papuri sa Diyos. (Gawa 12:12; Colosas 3:16) Sa gayong mga pulong, ang mga Kristiyano ay tumatanggap ng instruksiyon at pampatibay-loob, at nagpapatibayan din sa isa’t isa.—Hebreo 10:24, 25.
Walang sinasabi sa Bibliya na dapat idaos ang mga Kristiyanong pagpupulong sa araw ng Linggo
o sa ibang partikular na araw. Kung gayon, bakit itinuturing ng maraming nag-aangking Kristiyano ang Linggo bilang isang sagradong araw? Ang kaugaliang sumamba kapag araw ng Linggo ay nagsimula nang makumpleto ang Bibliya at nang maglitawan ang maraming turo at tradisyong hindi nakasalig sa Bibliya.Nagtatag bang muli ang Diyos ng isang araw bawat linggo para magtipon ang mga tao at sumamba sa kaniya? Hindi. Ang kaayusan para sa tunay na pagsamba ay detalyadong inilalarawan sa Bibliya. Wala nang iba pang akda ang idinagdag sa Banal na Kasulatan. Isinulat ni apostol Pablo: “Kung kami o isang anghel man mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng anumang bagay bilang mabuting balita na higit pa sa ipinahayag namin sa inyo bilang mabuting balita, sumpain siya.”—Galacia 1:8.
Nakagiginhawang Pagsamba na Kalugud-lugod sa Diyos
Noong nasa lupa si Jesus, buong-ingat na ipinangingilin ng mga lider ng relihiyon ang isang sagradong araw bawat linggo. Pero hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang pagsamba nila dahil balakyot ang kanilang puso. Maibigin sila sa salapi at hinahamak nila ang karaniwang mga tao. Sila’y tiwali, naghahangad ng katanyagan, at sangkot sa alitan sa pulitika. (Mateo 23:6, 7, 29-33; Lucas 16:14; Juan 11:46-48) Inaangkin nilang mga kinatawan sila ng Diyos. Pero ang Sabbath, na dapat sanang magdulot ng kaginhawahan, ay ginawa nilang isang mapaniil na sistema ng mga tuntuning gawa ng tao.—Mateo 12:9-14.
Maliwanag na hindi kahilingan ang pagtatakda ng isang sagradong araw bawat linggo para maging kalugud-lugod sa Diyos ang ating pagsamba. Ano ang kailangan? Nakaaaliw ang paanyaya ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.” (Mateo 11:28) Ang pagsambang lubos na nakasalig sa mga turo ni Jesus ay talagang nakagiginhawa. Wala itong halong pagpapaimbabaw at pabigat na mga ritwal.
Sa buong daigdig, maingat na tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang paraan ng pagsamba ng mga unang tagasunod ni Jesus. Ang mga Saksi ay may lingguhang programa ng pag-aaral ng Bibliya. Ang mga araw ng pulong nila ay nakadepende sa lokal na kalagayan, hindi sa mga tradisyong wala naman sa Bibliya. Bakit hindi subukang dumalo sa gayong pulong sa inyong lugar para maranasan mo ang nakagiginhawang pagsambang ito?
[Talababa]
^ par. 7 Ang termino sa Bibliya na “panahong walang takda” ay hindi laging nangangahulugang walang hanggan. Maaari din itong tumukoy sa isang mahaba at di-tiyak na yugto ng panahon.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Dapat mo bang sambahin ang Diyos sa isang partikular na araw bawat linggo?—Roma 10:4; 14:5.
● Bakit tayo dapat magtipon para sa pagsamba?—Hebreo 10:24, 25.
● Ano ang kailangan para maging tunay na nakagiginhawa ang pagsamba?—Mateo 11:28.
[Chart/Mga larawan sa pahina 10, 11]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MARTES
MIYERKULES
1 HUWEBES
2 BIYERNES
3 SABADO
4 LINGGO