Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Sino ang Tunay Kong mga Kaibigan?
“Marami akong natututuhan dahil kay Cori. Kapag kasama ko siya, marami akong nakikilala, nagagawa ko ang hindi ko pa nasusubukan, at enjoy na enjoy ako. Nagbago ang mundo ko dahil naging kaibigan ko siya!”—Tara. *
Sa tingin mo ba’y imposibleng magkaroon ng ganiyang kaibigan? Kung oo, huwag masiraan ng loob. Marami kang puwedeng maging kaibigan sa mga kakilala mo. Tutulungan ka ng artikulong ito na malaman kung sino sila.
‘NAPALILIBUTAN ako ng mga kaibigan pero wala akong kaibigan.’ Ganiyan ang paglalarawan ng 21-anyos na si Shayna sa sitwasyon kapag marami ngang kasama ang isa pero hindi naman siya talagang close sa sinuman sa kanila. Baka lalo nang nadarama iyan ng mga kasali sa isang social network. “Puwedeng napakahaba ng ‘friends list’ mo at para kang popular at hinahangaan,” ang sabi ng 22-anyos na si Serena, “pero ang totoo, hanggang listahan lang ’yon.” *
Alin ang mas gusto mo—daan-daang pangalan sa ‘friends list’ o iilang kaibigan pero tunay naman? Bagaman parehong may bentaha ang mga ito, ang tunay na kaibigan ay aalalay sa iyo sa pagharap sa mga hamon sa buhay at tutulong pa nga sa iyo na maging mas mabuting tao. (1 Corinto 16:17, 18) Gamiting batayan ang sumusunod na mga katangian para malaman mo kung sino sa iyong mga kakilala ang tunay na kaibigan.
ANG TUNAY NA KAIBIGAN AY MAPAGKAKATIWALAAN
“Sinasabi sa akin ng kaibigan ko ang mga sekreto niya, kaya akala ko mapagkakatiwalaan ko rin siya ng mga sekreto ko. Minsan sinabi ko sa kaniya kung sino ang crush ko. Nagkamali ako! Ipinagkalat niya agad iyon!”—Beverly.
“Nasasabi ko sa kaibigan kong si Alan ang anumang bagay, at alam kong hindi niya iyon ipagsasabi.”—Calvin.
Sino sa dalawa ang may tunay na kaibigan? Sino sa mga kaibigan mo ang mapaghihingahan mo ng iyong niloloob? * Sinasabi ng Bibliya na “ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon.”—Kawikaan 17:17.
Isulat sa ibaba ang pangalan ng dalawang kaibigan na mapagkakatiwalaan mo.
-
․․․․․
-
․․․․․
ANG TUNAY NA KAIBIGAN AY MAPAGSAKRIPISYO
“Sa pagkakaibigan, may mga panahong mas matatag ang isa kaysa sa kaniyang kaibigan. Alam ng tunay na kaibigan kung kailangan mo ng tulong at handa siyang umalalay sa iyo. Siyempre, umaasa rin ang kaibigang iyon na tutulungan mo siya kapag siya naman ang nangangailangan ng tulong.”—Kellie.
“Nang mamatay si Inay, mayroon akong bagong kaibigan. Hindi pa kami masyadong close noon, pero may plano kaming dalawa na dumalo sa isang kasalan. Nagkataon naman, kasabay ito ng serbisyo para sa libing ni Inay. Nagulat ako nang pumunta siya sa libing imbes na sa kasalan. Noon ko napatunayan na isa siyang tunay na kaibigan!”—Lena.
Sino sa mga kaibigan mo ang mapagsakripisyo? ‘Hahanapin ng tunay na kaibigan, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.’—1 Corinto 10:24.
Isulat sa ibaba ang pangalan ng dalawang kaibigan na napatunayan mong mapagsakripisyo.
-
․․․․․
-
․․․․․
ANG TUNAY NA KAIBIGAN AY TUMUTULONG SA IYO NA MAGING MAS MABUTING TAO
“Inaasahan ng ilan na sasang-ayunan ko sila o hindi ko sila iiwan kahit labag sa pamantayan ko o sa konsiyensiya ko ang ginagawa nila. Hindi ganiyan ang tunay na kaibigan.”—Nadeine.
“Si Ate ang best friend ko. Pinalalakas niya ang loob ko na gawin ang buong makakaya ko at tinutulungan akong maging mas palakaibigan. Sinasabi niya sa akin ang totoo kahit hindi iyon ang gusto kong marinig.”—Amy.
“Nang minsang magkaproblema ako, hindi ito basta binale-wala ng matatalik kong kaibigan; tapatan nila akong pinayuhan. Y’ong iba ay nanahimik lang at walang ginawa. Hindi nila sinabi na may problema.”—Miki.
“Kumpara sa iba, mas nakikita ng kaibigan ko ang potensiyal ko, at pinasisigla niya akong abutin ang mga goal ko. Pinaprangka niya ako kapag kailangan—at iyon naman ang gusto ko!”—Elaine.
Tinutulungan ka ba ng mga kaibigan mo na maabot ang iyong potensiyal, o kailangan mong babaan ang iyong pamantayan para tanggapin ka nila? Sinasabi sa Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”
Isulat sa ibaba ang pangalan ng dalawang kaibigan na nakatulong sa iyo na maging mas mabuting tao.
-
․․․․․
-
․․․․․
Tingnan ang mga pangalang isinulat mo sa tatlong seksiyon. Kung tatlong beses mong isinulat ang pangalan ng isa, tunay siyang kaibigan! Pero kung wala kang maisip na may gayong mga * Pansamantala, sikapin mong maging isang mabuting kaibigan. “Lagi akong handang sumuporta sa mga kaibigan ko,” ang sabi ng 20-anyos na si Elena. “Kapag may kailangan silang gawin, tumutulong ako. Kung kailangan nila ng kausap, nakikinig ako. Kung gusto nilang umiyak, dinadamayan ko sila.”
katangian, huwag kang malungkot. Malamang na mayroon kang puwedeng maging tunay na kaibigan sa mga kakilala mo. Baka kailangan lang ng panahon para mahanap mo sila.Totoo, baka marami kang kakilala, at mas mabuti naman iyan kaysa mapabilang ka sa isang partikular na grupo lang. (2 Corinto 6:13) Pero hindi ba’t gusto mo ring magkaroon ng ilang tunay na kaibigan na “ipinanganganak kapag may kabagabagan”? (Kawikaan 17:17) “Maganda ang maraming kakilala,” ang sabi ng 20-anyos na si Jean, “pero parang katulad iyan ng pagkakaroon ng closet na punô ng mga damit na maganda lang tingnan sa sabitan pero wala namang kasya sa iyo. Pinipili mo pa rin ang iilang damit na alam mong bagay sa iyo. Ganiyan din pagdating sa matatalik na kaibigan.”
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 5 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa social networking, tingnan ang seksiyong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa Gumising! ng Hulyo at Agosto 2011.
^ par. 10 Kung minsan, hindi tama na itago ang isang lihim—halimbawa, kung ang isang kaibigan ay nakagawa ng malubhang kasalanan, nagbabalak magpakamatay, o may ginagawang magpapahamak sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising! ng Disyembre 2008, pahina 19-21, at Mayo 2008, pahina 26-29.
^ par. 30 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Kailangan Ko ba ng Mas Mabubuting Kaibigan?” sa Gumising! ng Marso 2009.