Inuming Embahador ng Mexico
Inuming Embahador ng Mexico
● Nang dumating sa Mexico ang mga konkistador na Kastila noong pasimula ng ika-16 na siglo, tinikman nila ang isang inumin doon na tinatawag na pulque, na gawa sa pinakasim na katas ng halamang agave. Ito’y parang serbesa at hindi gaanong nakalalasing. Mayroon itong mga protina, carbohydrate, bitamina, at mineral, kaya napagkukunan din ito ng karagdagang sustansiya.
Palibhasa’y sanay ang mga Kastila na uminom ng alak kasabay ng pagkain, dinistila nila nang maglaon ang katas ng agave para gawing mas matapang na inumin, na tinatawag na mescal. Ito ang pinagmulan ng kilalá ngayon bilang tequila. Sa ngayon, maraming distilerya ng tequila sa Mexico, at nakagagawa sila ng mahigit 189 na milyong litro ng tequila taun-taon, anupat 40 porsiyento nito ang ine-export.
Ang blue agave ay isang makatas na halaman na nauugnay sa pamilya ng liryo. Maraming taniman nito sa mga tigang na kabundukan sa kanluran ng sentro ng Mexico, pangunahin na sa estado ng Jalisco malapit sa bayan ng Tequila, kung saan kinuha ang pangalan ng inumin. * Inaabot ng 12 taon bago lumaki nang husto ang halamang agave at marami itong ina-absorb na mineral. Kapag inani na ito, tinatanggal ang matutulis na dahon at ang natitira na lang ay ang hugis-pinyang bunga na tinatawag na piña. Karaniwan na, tumitimbang ito nang 50 kilo at siyang pinagkukunan ng masustansiyang katas. Mga pitong kilo ng piña ang kailangan para makagawa ng isang litrong tequila.
Maraming Mexicano ang nasisiyahang inumín nang puro ang tequila, kasabay ang asin at isang hiwa ng dayap. Ang mga tagaibang bansa naman ay mas pamilyar sa margarita, tequila na hinaluan ng lime juice at alak na lasang orange; inilalagay ito sa kopa na may kinaskas na yelo at pinahiran ng asin sa labi nito. * Palibhasa’y ine-export sa mga 90 bansa, ang tequila ay angkop na tawaging inuming embahador ng Mexico.
[Mga talababa]
^ par. 4 Sa 136 na uri ng agave sa Mexico, ang ilan ay ginagamit sa paggawa ng pulque at iba pang alak. Pero ang blue agave lang ang ginagawang tequila.
^ par. 5 Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang katamtamang pag-inom ng alak. (Awit 104:15; 1 Timoteo 5:23) Pero hinahatulan nito ang labis na pag-inom at paglalasing.—1 Corinto 6:9, 10; Tito 2:3.