Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Komperensiya Para sa Klima—Hanggang Usapan Lang Ba?

Mga Komperensiya Para sa Klima—Hanggang Usapan Lang Ba?

Mga Komperensiya Para sa Klima​—Hanggang Usapan Lang Ba?

“Kailangang magtulungan ang mga bansa para malutas ang problema sa klima. Sinasabi ng maraming siyentipiko na kung hindi tayo kikilos, lulubha ang tagtuyot at taggutom, at darami ang mangingibang-lugar na magiging dahilan naman ng mas maraming alitan sa mahabang panahon.”​—Barack Obama, Presidente ng Estados Unidos.

SA PANANAW ng ilang siyentipiko, may sakit ang planetang Lupa. Nilalagnat ito. Ayon sa kanila, ang temperatura ng daigdig ay posibleng malapit na sa tinatawag na ‘tipping point’​—ang delikadong antas kung saan ang bahagyang pagtaas ng temperatura ay puwedeng maging “sanhi ng napakalaking pagbabago sa kapaligiran na lalo pang magpapataas sa temperatura ng daigdig,” ang sabi ng diyaryong The Guardian ng Britanya.

Paano ba tayo nalagay sa ganitong sitwasyon? Mababago pa ba ito? At kaya ba talaga ng tao na lutasin ang problema ng pag-init ng globo, bukod sa iba pang malalaking problema ng daigdig?

Maraming siyentipiko ang naniniwala na ang isang pangunahing dahilan ng problema ay ang mga gawain ng tao, pasimula sa industrial revolution at sa resulta nito na paglakas ng konsumo ng fossil fuel, gaya ng karbon at langis. Ang isa pang dahilan ay ang pagkalbo sa maraming kagubatan. Ang mga kagubatan ang nagsisilbing bagà ng ating kapaligiran dahil ina-absorb ng mga puno ang ilang greenhouse gas na nagpapainit sa globo. Pero dahil kinakalbo ang mga kagubatan, dumarami ang greenhouse gas na naiiwan sa atmospera. Para masolusyonan ang mga problemang ito, nagsaayos ang mga lider ng mga bansa ng mga komperensiya para sa klima.

Ang Kyoto Protocol

Ang Kyoto Protocol noong 1997 ay isang kasunduan na nagtakda ng bagong mga tunguhin tungkol sa pagbubuga, o emisyon, ng carbon dioxide. Sa paglagda rito, ang mga bansa ng European Union at ang 37 iba pang industriyalisadong bansa ay sumang-ayong magbawas ng average na 5 porsiyento mula sa level ng kanilang emisyon noong 1990, at gagawin nila ito sa loob ng limang taon mula 2008 hanggang 2012.

Gayunman, may malulubhang depekto ang Kyoto Protocol. Halimbawa, hindi ito inaprobahan ng Estados Unidos. Isa pa, ang malalaking papaunlad na bansa, gaya ng China at India, ay hindi nangakong magbabawas ng kanilang emisyon. Pero ang Estados Unidos at China ang pinagmumulan ng mga 40 porsiyento ng emisyon ng carbon dioxide sa daigdig.

Ang Copenhagen Summit

Ang layunin ng komperensiya sa Copenhagen, na tinawag na COP 15, ay halinhan ang Kyoto Protocol at gumawa ng bagong mga tunguhin na dapat maabot simula sa taóng 2012. * Para malunasan ang problema sa klima, ang mga kinatawan mula sa 192 bansa, kasama ang 119 na lider ng bansa, ay nagtipon sa Copenhagen, Denmark, noong Disyembre 2009. Napaharap ang COP 15 sa tatlong pangunahing hamon:

1. Bumuo ng mga kasunduang may legal na bisa. Tatanggapin ba ng mauunlad na bansa ang kinakailangang limitasyon sa pagbubuga ng greenhouse gas, at lilimitahan din ba ng malalaking papaunlad na bansa ang pagtaas ng kanilang emisyon?

2. Maglaan ng pondo para sa pangmatagalang solusyon. Kailangan ng papaunlad na mga bansa ng bilyun-bilyong dolyar sa loob ng maraming taon para maharap ang lumulubhang resulta ng pag-init ng globo at makaimbento ng teknolohiya na hindi makasisira sa kapaligiran.

3. Magkaisa sa isang sistema kung paano imomonitor ang emisyon. Ang gayong sistema ay makatutulong sa bawat bansa na huwag lumampas sa kanilang limitasyon. Makatutulong din ito para matiyak na ang mga pondong donasyon ay ginagamit nang tama ng papaunlad na mga bansa.

Nagawa ba ang tatlong bagay na ito? Nagkaroon ng malulubhang problema ang negosasyon anupat hindi napagkasunduan kahit ang maliliit na isyu. Sa mga huling oras ng komperensiya, ang 28 sa mga lider ng bansa ay gumawa ng dokumento na tinawag na Copenhagen Accord. Ang kasunduang ito ay pormal na tinanggap sa ganitong malabong pananalita: “Binibigyang-pansin ng komperensiya . . . ang Copenhagen Accord,” ang ulat ng Reuters. Ibig sabihin, bahala na ang bawat bansa kung susundin nila iyon o hindi.

Ano Kaya ang Mangyayari?

May mga komperensiyang ginanap na at may mga pinaplano pa, pero pinagdududahan kung may magagawa ba ang mga ito. “Patuloy na iinit ang planeta,” ang sabi ng kolumnista ng New York Times na si Paul Krugman. Kadalasan na, mas binibigyan ng importansiya ang pansamantalang pulitikal at pinansiyal na pakinabang kaysa sa pangmatagalang epekto sa kapaligiran, anupat walang pagbabagong ginagawa. “Kung gusto mong maintindihan kung bakit may kumokontra sa paglutas ng problema sa klima, tingnan ang pinansiyal na anggulo,” ang sabi ni Krugman. Sinabi rin niya na nahahadlangan ang pagsisikap sa kanilang bansa dahil sa kasakiman at sa kaduwagan ng mga pulitiko.

Ang pag-init ng globo ay maikukumpara sa bagyo. Nasusukat ng mga meteorologo ang lakas ng bagyo at natatantiya kung saan ito daraan kaya nabibigyan ng babala ang mga tao. Pero walang siyentipiko, pulitiko, at malalaking negosyante ang makapipigil sa bagyo. Parang ganiyan din ang sitwasyon sa pag-init ng globo. Ipinaaalaala nito ang sinasabi ng Bibliya sa Jeremias 10:23: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”

Ang Diyos ang Lulutas sa Problema

Sinasabi ng Bibliya na ‘ang lupa ay hindi nilalang na walang kabuluhan ng Tagapag-anyo at Maylikha nito.’ (Isaias 45:18) Sinasabi rin ng Bibliya: “Nananatili ang lupa magpakailanman.”​—Eclesiastes 1:4, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Oo, hindi pahihintulutan ng Diyos na masira ang lupa. Sa halip, wawakasan niya ang bigong pamamahala ng tao at lilipulin ang mga walang malasakit sa lupa. Kasabay nito, ililigtas niya ang lahat ng matuwid na gumagawa ng kinalulugdan niya. Sinasabi sa Kawikaan 2:21, 22: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”

[Talababa]

^ par. 10 Ang Conference of the Parties, o COP, ay regular na idinaraos ng United Nations Framework Convention on Climate Change.

[Kahon sa pahina 13]

Ang greenhouse gas ay isang sangkap ng atmospera na nag-aabsorb ng init na nagmumula sa lupa. Marami sa mga gas na ibinubuga ng modernong mga industriya ay greenhouse gas. Kasama rito ang carbon dioxide, chlorofluorocarbon, methane, at nitrous oxide. Mahigit 25 bilyong tonelada ng carbon dioxide ang ibinubuga ngayon sa atmospera taun-taon. Ipinakikita ng ulat na mula noong industrial revolution, tumaas nang 40 porsiyento ang level ng carbon dioxide sa atmospera.

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Earth: NASA/The Visible Earth (http://visibleearth.nasa.gov/); Barack Obama: ATTILA KISBENEDEK/AFP/Getty Images