Isang Napakahalagang Aklat na Nakaligtas sa Lahat ng Pag-atake
Isang Napakahalagang Aklat na Nakaligtas sa Lahat ng Pag-atake
“Walang ibang aklat ang sinalansang nang ganito katindi; pero nakaligtas ito gaano man katindi ang kapangyarihan, talino, at argumento na ginamit sa pag-atake rito.”
BAKIT dapat mong basahin ang Bibliya? Una, inaangkin ng Bibliya na naglalaman ito ng mensahe ng Diyos para sa mga tao. (2 Timoteo 3:16) Kung totoo iyan, tiyak na malaki ang mawawala sa iyo kung hindi mo ito babasahin.
Ikalawa, ang Bibliya ang isa sa pinakamatandang aklat na umiiral at ito rin ang may pinakamaraming salin at may pinakamalawak na sirkulasyon sa ngayon. Ito ang pinakamabiling aklat sa buong kasaysayan at pinakamabili pa rin sa maraming bansa taun-taon.
Lalong kahanga-hanga ang pag-aangkin, edad, at sirkulasyon ng Bibliya kung iisipin ang napakaraming pagtatangka na ipagbawal ito. “Walang ibang aklat ang sinalansang nang ganito katindi; pero nakaligtas ito gaano man katindi ang kapangyarihan, talino, at argumento na ginamit sa pag-atake rito,” ang sabi ni Albert Barnes, isang teologo noong ika-19 na siglo.
Sinabi ng manunulat ding iyon na natural sa mga tao na maging interesado sa anumang bagay na nananatili sa kabila ng paulit-ulit na pag-atake rito. “Pero walang hukbong nakatagal sa napakaraming labanan na gaya ng Bibliya,” ang sabi pa ni Barnes, “walang sinaunang tanggulan ang nakaranas ng napakaraming pagsalakay, at nanatiling matatag sa kabila ng mga digmaan at pamiminsala ng panahon; at walang bato ang patuloy na dinaanan ng agos, at nanatili pa ring di-natitinag.”
Marami nang sinaunang akda ang nawala, nasira, o basta nalimutan na lang, pero nanatili pa rin ang Bibliya sa kabila ng malulupit na pag-atake. Ang ilan ay nakipaglaban, kahit manganib ang kanilang buhay, para mabasa ito ng mga tao. Sa kabilang banda, sapilitan itong kinuha ng ilan mula sa mga gustong makabasa nito at sinunog nila sa harap ng publiko ang mga Bibliya pati ang mga may-ari nito.
Bakit mahal na mahal ng ilan ang aklat na ito pero galít na galít naman dito ang iba? Anong mga pag-atake ang nalampasan nito? Sinu-sino ang nagtangkang pumawi rito? Higit sa lahat, bakit ito nakaligtas? At bakit mahalaga sa iyo ang mensahe ng Bibliya? Sasagutin ang mga tanong na iyan sa kasunod na mga pahina.
[Chart/Mga larawan sa pahina 2, 3]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MAHAHALAGANG PETSA SA PAGLALATHALA NG BIBLIYA
1513 B.C.E.–mga 98 C.E. Isinulat ang Bibliya sa wikang Hebreo, Aramaiko, at Griego
100 Naging mas madaling gamitin sa anyong codex
405 Isinalin ni Jerome sa Latin
1380 Isinalin ni Wycliffe sa Ingles mula sa Latin
1455 Ginawa ni Gutenberg ang unang nakaimprentang Bibliya
1525 Isinalin ni Tyndale sa Ingles
1938 Nakaimprenta na sa mahigit 1,000 wika
2011 Mababasa na sa mahigit 2,500 wika