May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Nguso ng Elepante
● Ang mga mananaliksik ay gumagawa ng kamay na robot na mas mahusay at mas flexible. Ayon sa head ng mga disenyador sa kompanyang gumagawa ng kamay na robot, iyon ay “di-hamak na mas mahusay kaysa anumang nagawa na sa industriya ng awtomasyon.” Saan sila nakakuha ng ideya? “Sa kayarian ng nguso ng elepante,” ang sabi niya.
Pag-isipan ito: Ang nguso ng elepante, na tumitimbang nang mga 140 kilo, ay tinaguriang “ang pinakamaraming nagagawa at pinakakapaki-pakinabang na appendage [bahagi ng katawan] sa planeta.” Maaari itong magsilbing ilong, braso, kamay, o istro. Sa pamamagitan nito, ang elepante ay nakakahinga, nakakaamoy, nakakainom, nakakahawak, at nakakagawa ng ingay na parang tunog ng trumpeta!
Pero hindi lang iyan. Ang kalamnan ng nguso ng elepante ay may mga 40,000 himaymay kaya naipapaling ito sa alinmang direksiyon. Gamit ang kaniyang nguso, kayang pulutin ng elepante ang isang maliit na barya. Pero kaya rin niya itong ipambuhat ng mga bagay na hanggang mga 270 kilo!
Sinisikap ng mga mananaliksik na gayahin ang kayarian ng nguso ng elepante para makagawa ng mas mahuhusay na robot na magagamit sa bahay at sa mga industriya. “Nakagawa kami ng isang bagong kagamitan na ibang-iba sa karaniwang mga robot,” ang sabi ng isang kinatawan ng kompanyang binanggit sa pasimula, “anupat sa tulong nito, epektibo at ligtas na makapagtatrabahong magkasama ang mga tao at mga makina.”
Ano sa palagay mo? Ang nguso ba ng elepante ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?