Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 May Nagdisenyo Ba Nito?

Mga Isdang Lumalangoy Nang Sama-sama

Mga Isdang Lumalangoy Nang Sama-sama

Mahigit isang milyon katao ang namamatay at mga 50 milyon ang nasusugatan taun-taon sa mga aksidente sa daan. Pero milyun-milyong isda ang sama-samang nakakalangoy nang walang banggaan. Paano nila ito nagagawa, at ano ang matututuhan natin sa kanila para maiwasan ang mga aksidente sa daan?

Pag-isipan ito: Nalalaman ng mga isdang lumalangoy nang sama-sama ang mga nasa paligid nila dahil sa kanilang mga mata at sa isang espesyal na sangkap na pandamdam, na tinatawag na lateral line. Sa tulong ng mga pandamdam na ito, nalalaman nila ang distansiya nila sa ibang mga isda, sa gayo’y naibabagay nila ang kanilang paglangoy sa tatlong paraan:

  1. Paglangoy nang tabi-tabi. Sinasabayan nila ang bilis ng isda sa tabi nila pero laging may distansiya sa pagitan nila.
  2. Paglapit. Lumalapit sila sa mas malayong isda.
  3. Pag-iwas na magkabanggaan. Nag-iiba sila ng direksiyon para hindi masagi ang ibang isda.

Batay sa tatlong paraang ito, isang pabrika ng kotse sa Japan ang nagdisenyo ng ilang pagkaliliit na kotseng robot na nakakatakbong sama-sama nang hindi nagkakabanggaan. Sa halip na mata, ang mga robot na iyon ay gumagamit ng mga teknolohiya sa komunikasyon; sa halip na lateral line, ang mga iyon ay may laser range finder. Naniniwala ang mga disenyador na sa tulong ng teknolohiyang ito, makakagawa sila ng mga kotseng “nakakaiwas sa banggaan” at “hindi nakakasira ng kapaligiran ni nagiging sanhi ng masikip na trapik.”

“Gamit ang pinakabagong teknolohiya sa electronics, kinopya namin ang paggawi ng isang grupo ng mga isda,” ang sabi ni Toshiyuki Andou, principal engineer ng proyektong ito. “Sa isang daigdig na napakaraming sasakyan, marami tayong matututuhan sa mga isdang lumalangoy nang sama-sama.”

Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng mga isda na lumangoy nang sama-sama ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?