Katapusan ng Mundo—Nakaiintriga sa Marami
NATATAKOT ka ba sa mangyayari sa hinaharap? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Noon pa mang sinaunang panahon, pinag-iisipan na ng mga tao ang mangyayari sa kinabukasan, at marami ang nagsasabing patungo tayo sa kapahamakan. Ang posibilidad na magunaw ang mundo ay malaon nang nakaiintriga sa mga tao.
Kuning halimbawa ang kathang-isip na mga kuwentong isinulat kamakailan. Ang mga komiks, palabas sa TV, daan-daang pelikula, at libu-libong aklat ay may kani-kaniyang kuwento tungkol sa pagkagunaw ng mundo. Sari-saring kaaway ang gustong sumalakay at lumipol sa mga tao—pumapatay na mga robot, iba’t ibang uri ng halimaw, mga alien, zombie, multo, dragon, bakulaw, ibon, mutant na daga, at mga dambuhalang putakti. Tiyak na hindi seseryosohin ninuman ang gayong mga kuwento!
Pero may mga kuwento at teoriya na mas kinatatakutan ng iba. Ang ilan sa mga ito ay sinasabing batay sa siyensiya. Ayon sa isang teoriya, biglang gagalaw ang pinakailalim ng buong lupa, na magiging dahilan ng malalaking tsunami, lindol, at paglitaw ng mga bulkan. Ayon sa isa pang teoriya, ang mga planeta ay magkakahanay-hanay at bilang resulta, titindi ang solar wind at wawasakin nito ang lupa. Sinasabi naman ng iba na ang mga magnetic pole ng lupa ay biglang mababaligtad anupat malilipol tayong lahat dahil sa radyasyon mula sa araw. Pero huwag kang mag-alala. Hindi mangyayari ang mga iyan. Gayunman, ang gayong mga senaryo ay patuloy na umaakit sa imahinasyon ng marami.
Kumusta naman ang napakaraming aklat at mga Web site na nagsasabing magugunaw ang mundo sa Disyembre 21 ng taóng ito? Ayon sa isang teoriya, isang planetang tinatawag na Nibiru (o Planet X) ang papalapit at babangga sa lupa sa Disyembre 2012. Ito at ang iba pang mga teoriya, na hindi suportado ng ebidensiya, ay batay sa mga interpretasyon sa isang sinaunang kalendaryo ng mga Maya na ayon sa ilan ay matatapos sa winter solstice ng 2012.
Dahil sa gayong mga prediksiyon ng paparating na kapahamakan, ang ilan ay gumawa ng mga shelter sa kanilang bakuran o nagbayad nang malaki para makapagpareserba ng matitirhan sa malalaking shelter sa ilalim ng lupa. Ang iba naman ay nanirahan sa mga bundok at nagsasanay na mamuhay roon nang walang mga pampublikong serbisyo gaya ng tubig, gas, o kuryente.
Siyempre pa, may mga taong hindi talaga naniniwala rito. Tinatanggihan nila ang ideya na malapit na ang katapusan ng mundo. Halimbawa, sinasabi ng mga siyentipiko ng NASA: “Walang masamang mangyayari sa Lupa sa 2012. Mahigit 4 na bilyong taon nang umiiral ang ating planeta, at walang sinasabi ang mapagkakatiwalaang mga siyentipiko na may kapahamakang darating sa 2012.”
Pero mali rin namang isipin na walang kapahamakang nagbabanta sa mga tao o na mga taong mapaniwalain lang ang naniniwala sa katapusan ng mundo. Talaga bang may darating na katapusan ng mundo? Kung oo, paano at kailan?