Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Ano ang Maaasahan Ko sa Pag-aasawa?—Bahagi 1
“Kapag magkasama kami, para akong nasa ulap! Gustung-gusto ko nang makasal kami!”
“Magkaibang-magkaiba kami. Para lang kaming mag-roommate at hindi mag-asawa. Ang lungkut-lungkot ko!”
MALAMANG na nahulaan mong ang pananalita sa itaas ay sinabi ng isang dalaga; at ang pananalita sa kaliwa ay mula sa isang may-asawa. Pero hindi mo siguro naisip na iisang tao lang ang nagsabi ng mga iyan.
Ano kaya ang naging problema? Kung may plano kang mag-asawa sa hinaharap, paano mo maiiwasang mauwi sa kabiguan ang magagandang bagay na inaasahan mo?
Tandaan: Ang pagiging maligaya kapag may asawa ka na ay nakadepende sa kung ano ang inaasahan mo mula rito.
Ang artikulong ito—pati na ang artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa susunod na isyu ng Gumising!—ay tutulong sa iyo na maging makatuwiran sa iyong mga inaasahan.
Ano ang makatuwirang asahan sa pag-aasawa? Sa maikli:
- Asahang may mga pakinabang
- Asahang may mga hamon
- Asahan ang mga di-inaasahan
Isa-isa nating talakayin ang mga ito.
ASAHANG MAY MGA PAKINABANG
Ipinakikita ng Bibliya na ang pag-aasawa ay isang mabuting bagay. (Kawikaan 18:22) Narito ang ilang pakinabang sa pag-aasawa.
Kasama. Binabanggit ng Bibliya na di-nagtagal matapos lalangin ang unang lalaki, si Adan, sinabi ng Diyos: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa,” kaya nilalang Niya si Eva para makasama ni Adan. (Genesis 2:18) Ginawa sila ng Diyos na may magkaibang mga katangian pero nababagay sa isa’t isa. Kaya naman ang lalaki at ang babae ay magiging mahusay na magkapareha.—Kawikaan 5:18.
Katuwang. Sinasabi ng Bibliya: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa . . . sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.” (Eclesiastes 4:9, 10) Ganiyang-ganiyan ang pag-aasawa. “Kailangan ang teamwork, pagpapakumbaba, at pagpaparaya paminsan-minsan,” ang sabi ng 22-anyos na si Brenda, * na ikinasal kamakailan.
Seksuwal na ugnayan. Sinasabi ng Bibliya: “Dapat ibigay ng asawang lalaki ang seksuwal na pangangailangan ng kaniyang asawa, at ganoon din ang dapat gawin ng babae sa kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:3, Common English Bible) Kapag may asawa ka na, puwede kang masiyahan sa pakikipagtalik nang hindi nag-aalala at nagsisisi, na karaniwang nangyayari sa mga nagsisiping nang di-kasal.—Kawikaan 7:22, 23; 1 Corinto 7:8, 9.
Mahalagang tandaan: Ang pag-aasawa ay isang regalo mula sa Diyos. (Santiago 1:17) Kung susundin mo ang kaniyang pamantayan, maaasahan mong magiging maligaya ang iyong pag-aasawa.
Pag-isipan: Negatibo ba ang pangmalas mo sa pag-aasawa dahil sa di-magandang pagsasama ng ibang mag-asawa—marahil ng isang kapamilya mo mismo? Kung oo, anong magagandang halimbawa ang puwede mong tularan?
ASAHANG MAY MGA HAMON
Makatotohanan ang pangmalas ng Bibliya sa pag-aasawa. (1 Corinto 7:28) Narito ang ilang hamon na dapat mong asahan.
Di-pagkakasundo. Walang dalawang tao ang magkatulad na magkatulad—maliban sa pareho silang hindi perpekto. (Roma 3:23) Kaya may mga pagkakataong hindi magkakasundo ang mag-asawa, kahit nagkakasundo sila sa maraming bagay. Baka makapagsalita pa nga sila ng masakit na pagsisisihan nila sa bandang huli. “Ang isang taong hindi kailanman nagkamali sa pagsasalita . . . ay perpekto,” ang sabi ng Bibliya. (Santiago 3:2, Holy Bible—Easy-to-Read Version) Sa halip na isiping hindi sila magkakaproblema, sinisikap ng maliligayang mag-asawa na pag-usapan at lutasin ang mga di-pagkakasundo.
Pagkadismaya. “Maraming istorya sa pelikula at palabas sa TV ang tungkol sa isang babae na nakahanap ng ‘perfect’ na asawa at naging maligaya sila habambuhay,” ang sabi ng tin-edyer na si Karen. Kung hindi ganoon ang mangyayari, baka madismaya ang mag-asawa. Totoo naman na kapag kasal na, lumilitaw ang iba pang mga kahinaan at nakakainis na ugali ng bawat isa. Dapat tandaan na ‘binabata ng tunay na pag-ibig ang lahat ng bagay’—maging ang pagkadismaya.—1 Corinto 13:4, 7.
Pagkabalisa. Ayon sa Bibliya, ang may-asawa ay “nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan.” (1 Corinto 7:33, 34) Normal lang ang mabalisa, at kadalasa’y tama lang na makadama nito. Halimbawa, baka nahihirapan kang pagkasyahin ang iyong kita. Baka kailangang parehong magtrabaho ang mag-asawa para may pambili sila ng pagkain, damit, at may pambayad sa bahay. Pero mahaharap ninyo ang lahat ng ito kung magtutulungan kayong mag-asawa.—1 Timoteo 5:8.
Mahalagang tandaan: Kung ang pakikipagkasintahan ay parang pagpapalipad ng saranggola, ang pag-aasawa ay parang pagpapalipad ng eroplano. Mas malaking pagsisikap at kakayahan ang kailangan para maharap ang mahihirap na sitwasyon—pero mapagtatagumpayan mo ito.
Pag-isipan: Ano ang ginagawa mo ngayon kapag hindi kayo nagkakasundo ng mga magulang mo o ng mga kapatid mo? Makatuwiran ka ba kahit nadidismaya ka? Ano ang ginagawa mo kapag nababalisa ka?
SA SUSUNOD NA “ANG MGA KABATAAN AY NAGTATANONG” . . . Paano ka matutulungan ng mga simulain sa Bibliya na maharap ang mga di-inaasahan?
^ par. 17 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.