Pagmamasid sa Daigdig
“Noong pasimula ng 2011, may 5.4 bilyong subscription para sa linya ng cellphone sa buong mundo.”—UN CHRONICLE, E.U.A.
Sa nakalipas na dekada, “ang mga likas na sakuna ay naging sanhi ng kamatayan ng mahigit 780,000 katao, at ang halos 60% ng bilang ng namatay ay dahil sa lindol.”—THE LANCET, BRITAIN.
“Sa nakalipas na 20 taon, mga 800,000 Ruso ang nagpakamatay.”—ROSSIISKAYA GAZETA, RUSSIA.
Sa Pilipinas, kung saan hindi pinapayagan ang diborsiyo, ang bilang ng mga babae, mula 15 hanggang 49 anyos, na may kinakasama, o “ka-live-in . . . , ay dumami nang mahigit dalawang ulit sa pagitan ng 1993 at 2008.”—THE PHILIPPINE STAR, PILIPINAS.
Sa Republika ng Georgia, “79.2 porsiyento ng populasyon . . . ay nakalalanghap ng usok ng sigarilyo ng iba.” Sa Tbilisi, na kabisera ng bansa, “87.7 porsiyento ng mga bata ang apektado.”—TABULA, GEORGIA.
Dinadayo ang Asia Para Magpagamot
Dumaraming pasyente mula sa iba’t ibang lupain ang dumadayo sa ibang bansa para sa mas mahusay na medikal na pangangalaga, na karaniwan nang mas mura kaysa sa kanilang bansa. Iniulat ng Business World na isang milyong pasyente ang inaasahang pupunta sa Pilipinas kada taon pagsapit ng 2015, at ganiyan din karami ang inaasahang dadayo sa South Korea pagsapit ng 2020. Dinadayo rin ang India, Malaysia, Singapore, at Thailand. Hindi lang mga taga-Kanluran ang nagpapagamot ng mga sakit sa buto, puso, at iba pa. At maraming Tsinong yumaman kamakailan ang pumupunta sa mga plastic surgeon dala ang litrato ng “mga taong sikát na gusto nilang makamukha,” ang sabi ng ulat.
Hindi Mahusay ang Trabaho ng mga Multitasker
Dahil sa teknolohiya, naoobliga ang mga empleado na pagsabay-sabayin ang ilang mahihirap na trabaho at sumagot agad sa mga nagtatanong. Pero “hindi mahusay ang trabaho ng mga empleadong pinagsasabay-sabay ang maraming trabaho,” ang sabi ni Clifford Nass, direktor ng Communication Between Humans and Interactive Media Laboratory, sa Stanford University, E.U.A. Sinasabing ang mga multitasker ay laging nai-stress, madaling magambala ng maliliit na bagay, at hindi makapag-isip na mabuti, kung kaya may nakakaligtaang mahahalagang detalye. Ganito ang payo ni Nass: “Kapag may sinimulan kang trabaho, iyon lang ang gawin mo sa loob ng 20 minuto. Sasanayin ka nito na makapagpokus at makapag-isip na mabuti.”