Pagkontrol sa Labis na Katabaan ng mga Kabataan
AYON sa U.S. Department of Health and Human Services, mula noong 1980 hanggang 2002, natriple ang bilang ng mga tin-edyer na labis ang timbang at naging mahigit doble naman ang bilang nito sa mga bata. Ang labis na katabaan ng mga bata, o “childhood obesity,” ay iniuugnay sa mga sakit na gaya ng alta presyon, diyabetis, sakit sa puso at sa mga daluyan ng dugo, at ilang uri ng kanser. *
Ang labis na katabaan ng mga bata ay maaaring kaugnay ng ilang bagay gaya ng pagiging di-aktibo, mga advertisement na dinisenyong umakit sa mga kabataan, at pagiging mura at madaling bilhin ng di-masusustansiyang pagkain. Sinabi ng U.S. Centers for Disease Control: “Ang labis na katabaan ng mga bata ay resulta ng mataas na konsumo ng kalori at pagiging di-gaanong aktibo.”
Makabubuting suriin ng mga bata, tin-edyer, at mga adulto ang kanilang kaugalian sa pagkain. Makatutulong ang ilang simpleng hakbang, pero iwasan namang magpakalabis. Kuning halimbawa si Mark, na nag-adjust ng kaniyang kaugalian sa pagkain at nakinabang nang malaki—naging mas malusog at maligaya siya. “Dati, napakahilig ko sa junk food,” ang sabi ni Mark. Ininterbyu siya ng Gumising! para alamin kung paano siya nagbago.
Kailan nagsimula ang problema mo sa pagkain?
Pagka-graduate ko ng haiskul. Madalas akong kumain sa labas noon. May dalawang fast-food na restawran malapit sa pinagtatrabahuhan ko, at halos araw-araw akong nanananghalian sa alinman sa mga iyon. Mas maginhawa sa akin na kumain na lang sa fast food kaysa magbaon pa.
Kumusta naman nang bumukod ka na ng tirahan?
Naku, lalong lumala. Hindi ako marunong magluto, at konti lang ang pera ko; samantalang dalawang kanto lang ang layo ng paborito kong fast food. Ang daling puntahan at parang mas nakakatipid ako. ’Yon nga lang, bukod sa di-masusustansiya ang nakakain ko, napaparami pa. Hindi ako kontento sa karaniwang order lang. Umoorder ako ng ekstrang hamburger at French fries at large na softdrink—basta kaya ng pera ko—kung ano ang pinakamalaking size na meron.
Bakit mo naisip magbago?
Naging conscious ako sa kalusugan ko paglampas ko ng edad 20. Sobrang taba ko kasi noon. Lagi akong nanlalata, at wala akong kumpiyansa sa sarili. Naisip kong kailangan kong baguhin ang kaugalian ko sa pagkain.
Ano ang ginawa mo para makontrol mo ang iyong pagkain?
Inunti-unti ko lang ang pagbabago. Una, binawasan ko ang dami ng kinakain ko. Lagi kong sinasabi sa sarili ko, “Hindi ito ang huli kong kain; mamaya, makakakain ako ulit.” Kung minsan naman, talagang kailangan kong umalis na sa mesa. Pero ang sarap ng pakiramdam ko, para kasi akong nanalo.
May malaking pagbabago ka bang ginawa?
May mga pagkain na talagang iniwasan ko na. Hindi na ’ko umiinom ng softdrinks ngayon, tubig na lang. Pero ang hirap! Mahilig kasi ako sa softdrinks, at ayoko ng tubig. Kaya sa tuwing iinom ako ng tubig, sinusundan ko ito ng konting juice para may malasahan ako. Pagtagal-tagal, mas gusto ko na ang tubig.
Ano pa ang ginawa mo bukod sa pag-iwas sa di-masusustansiyang pagkain?
Puro masustansiyang pagkain na ang kinakain ko. No’ng una, prutas muna—mansanas, saging, strawberry, blueberry, raspberry, at melon. Tapos, idinagdag ko sa diet ko ang lean proteins, gaya ng manok o tuna. At naging paborito ko pa nga ang mga iyon. Mas maraming gulay ang kinakain ko at konti lang sa iba pang main course. Napansin ko na hindi napapasobra ang kain ko sa tanghalian at hapunan kapag masustansiya ang meryenda ko. Bandang huli, hindi na ako gaanong nasasabik sa junk food.
Hindi ka na ba talaga kumakain sa mga restawran?
Kumakain pa rin naman paminsan-minsan. Pero kinokontrol ko ang dami ng kinakain ko. Kapag marami ang isang serving, humihingi ako ng pan-take-out na lalagyan, at inilalagay ko roon ang kalahati bago ako kumain. Mas mabuti na iyon kaysa maparami ako ng kain. Ayoko kasi ng nagtitira ng pagkain sa plato.
Paano ka nakinabang sa ginawa mong pagbabago?
Nabawasan ang timbang ko, at mas sumigla ako. Mas may kumpiyansa ako ngayon sa sarili ko. Higit sa lahat, natutuwa ako dahil alam kong ang ginagawa kong pag-iingat sa kalusugan ay nagpaparangal sa Diyos na nagbigay ng buhay ko. (Awit 36:9) Akala ko noon, boring ang buhay kapag health-conscious ka. Pero hindi pala, at hindi ko ito ipagpapalit sa kahit anong bagay sa daigdig! *
^ par. 2 Ang terminong “childhood obesity” ay tumutukoy sa isang medikal na kondisyong nakaaapekto sa mga bata at tin-edyer. Sinasabi ng mga eksperto na ang mga kabataang labis ang timbang ay may 70 porsiyentong posibilidad na maging labis din ang timbang kapag adulto na.
^ par. 20 Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na diyeta. Dapat maingat na suriin ng bawat indibiduwal ang kaniyang mga mapagpipilian at kumonsulta muna sa doktor bago gumawa ng anumang desisyon may kinalaman sa nutrisyon. Iwasan ang mga nauusong pagdidiyeta na posibleng nakasasamâ.