Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magtakda ng Malinaw na mga Limitasyon

Magtakda ng Malinaw na mga Limitasyon

Maging matatag, at magkaroon ng isang salita

“Hindi madaling magpalaki ng mga anak nang mag-isa—lalo na kapag tin-edyer na sila kung kailan malakas ang impluwensiyang magrebelde sa mga magulang.”—DULCE, SOUTH AFRICA.

Ang hamon.

Inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw,” ang mga anak ay magiging “masuwayin sa mga magulang.”—2 Timoteo 3:1, 2.

Mga mungkahi.

“Kailangang alam ng mga anak kung ano ang mga tuntunin at mga inaasahan sa kanila ng kanilang magulang.” (The Single Parent Resource, ni Brook Noel) Ang child and family psychologist na si Barry G. Ginsberg ay nagsabi: “Mas mahusay ang ugnayan at walang gaanong stress kapag malinaw ang mga limitasyon.” Sinabi pa niya: “Miyentras mas malinaw ang mga limitasyon, at sinasabi ito nang tuwiran, mas gumaganda ang ugnayan.” Paano ka magtatakda ng malinaw na mga limitasyon?

Maging matatag, at magkaroon ng isang salita. (Mateo 5:37) Ayon sa isang pag-aaral sa Australia, kadalasan nang nagiging matigas ang ulo ng mga anak kapag ang mga magulang ay hindi marunong tumanggi at sinusunod ang lahat ng magustuhan ng mga anak. Ang sabi nga ng Bibliya: “Ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.”—Kawikaan 29:15.

Huwag maging kunsintidor dahil lang sa nakokonsiyensiya ka na hindi buo ang pamilya ninyo. “Kung minsan, hindi ko maiwasang maawa sa aking dalawang anak na lalaki dahil iisa lang ang magulang na nagpapalaki sa kanila,” ang sabi ni Yasmin, na sinipi sa mga naunang artikulo. Pero gaya ng makikita natin, hindi niya hinayaan na ang gayong saloobin, na normal lang naman, ay makaapekto sa tamang pagpapalaki sa kaniyang mga anak.

Huwag pabagu-bago. “Ang pagiging di-pabagu-bago sa pagdidisiplina ay tutulong para matutong sumunod at hindi mainis ang mga anak,” ang sabi ng American Journal of Orthopsychiatry. Sinabi ni Yasmin: “Uupo akong kasama ng mga bata at pag-uusapan namin ang tungkol sa disiplina. Kapag nakagawa sila ng mali, hindi ko binabago ang nasabi ko na. Pero natutuhan kong pakinggan muna sila at saka mahinahong ipaliwanag kung paano nakaapekto sa pamilya ang kanilang ginawa. Pagkatapos, saka ko ilalapat ang disiplinang sinabi ko.”

Maging makatuwiran; huwag magdisiplina nang galít. Kailangan mong panindigan kung ano ang tama, pero dapat ka ring magparaya kung kinakailangan. “Ang karunungan mula sa itaas,” o mula sa Diyos, ay “makatuwiran,” ayon sa Santiago 3:17. Ang makatuwirang mga tao ay hindi kumikilos nang padalus-dalos o nang may matinding galit, ni sobra man silang istrikto. Sa halip, nag-iisip muna silang mabuti, baka nananalangin pa nga, kaya nakakakilos sila nang mas mahinahon at angkop sa sitwasyon.

Ang pagiging matatag, di-pabagu-bago, at makatuwiran—pati na rin ang iyong mabuting halimbawa—ay tutulong sa iyo na magtakda ng mga limitasyon para ang inyong tahanan ay maging isang tunay na kanlungan ng iyong mga anak.