Sinaunang mga Eksperto sa mga Makina
HALOS puro makina na ngayon ang ginagamit sa mga industriya—lalo na sa mga rutin at paulit-ulit na gawain. Pero kailan ba unang lumitaw ang mga kagamitang awtomatik at naipo-program? Noon lang bang panahon ng industrial revolution sa Europa dalawang siglo ang nakararaan? Baka magulat kang malaman na ang mga awtomatik na makina ay naimbento na noon pa mang Edad Medya.
Nang magsimula ang malaking pagsulong sa mga siyensiya ng Islam, mula noong ika-8 hanggang mga ika-13 siglo C.E., isinalin ng mga iskolar sa Gitnang Silangan sa wikang Arabic ang mga akda sa siyensiya at pilosopiya ng kilaláng mga Griego, gaya nina Archimedes, Aristotle, Ctesibius, Hero ng Alejandria, at Philo ng Byzantium. * Sa tulong ng mga akdang ito at ng iba pang kaalaman, ang Imperyong Islam—na mula Espanya hanggang Hilagang Aprika at mula Gitnang Silangan hanggang Afghanistan—ay nakagawa ng mga awtomatik na makina.
Ang mga makinang iyon, ang sabi ng istoryador ng teknolohiya na si Donald Hill, ay puwedeng “patuloy na umandar nang mahabang panahon—maraming oras, araw, o mas matagal pa—kahit hindi paulit-ulit na i-adjust.” Bakit? Ang mga inhinyero ay nakaimbento ng mahuhusay na mekanismong pangkontrol para sa awtomasyon. Ang mga makinang iyon ay gumagamit ng tubig mula sa nakataas na mga tangke para sa tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya. Ang awtomatik na mga switch nito ay nagbubukas at nagsasara ng mga balbula o nagbabago ng direksiyon ng tubig. Ang mga makinang iyon ay mayroon ding mga feedback system, pati na ang tinatawag ni Hill na “mga unang modelo ng mga kagamitang hindi mapanganib kahit pumalya.” Narito ang ilang halimbawa.
Ang Malikhaing mga Banu Musa
Ang tatlong Banu Musa—mga salitang Arabic para sa “mga anak ni Musa”—ay nabuhay sa Baghdad noong ikasiyam na siglo. Nakatulong sa kanila ang mga akda ng mga Griegong gaya nina Philo at Hero, pati ng mga inhinyerong Indian, Persiano, at Tsino, para makagawa ng mahigit 100 kagamitan. Ayon sa manunulat sa siyensiya na si Ehsan Masood, kasama sa mga ito ang mga fountain ng tubig na nagbabagu-bago ng direksiyon, orasang may magagandang gimik, at mga sisidlan na awtomatikong nagsisilbi ng inumin at kusang napupuno ulit gamit ang mahusay na kombinasyon ng mga palutang, balbula, at panipsip. Sinabi ng istoryador ng siyensiya na si Jim Al-Khalili na ang mga anak ni Musa ay gumawa rin ng simpleng mga robot na sinlaki ng tao—isang “serbidora ng tsaa” at isang manunugtog ng plawta, na “posibleng ang kauna-unahang makina na naipo-program.”
Ang awtomatik na mga makinang ito ay maraming pagkakatulad sa modernong mga makina. Gayunman, “ang mga ito ay pangunahin nang pinatatakbo ng presyon ng tubig sa halip na elektroniks, pero ang karamihan sa mga prinsipyo ay pareho lang,” ang sabi ni Ehsan Masood.
Al-Jazari—“Ama ng Awtomasyon”
Noong 1206, natapos ni Ibn al-Razzaz al-Jazari ang kaniyang akda, na kung minsa’y isinasaling Compendium on the Theory and Practice of the Mechanical Arts. Ito ay tinawag na “isang pag-aaral sa sistematikong pagdidisenyo ng makina.” Nahigitan pa ng ilang imbensiyon ni al-Jazari ang mga isinulat ng mga Banu Musa, at napakadetalyado ng kaniyang mga paglalarawan at dayagram anupat magagaya ng modernong mga inhinyero ang mga ginawa niya.
Makikita sa aklat ni al-Jazari ang larawan ng mga makinang nag-aakyat ng tubig, water clock, candle clock, water dispenser, robot na tumutugtog, at isang pump na may umiikot na waterwheel na nagpapagalaw nang pabalik-balik sa isang piston para makapagbomba ito ng tubig. Sinasabi ng mga istoryador na si al-Jazari ang nagdisenyo ng mga hydraulic pump tatlong siglo bago lumitaw sa Kanluran ang gayong disenyo.
Gumawa rin si al-Jazari ng mga orasang magarbo pero napapakinabangan. Ang nasa larawan sa pahinang ito ay isang replika at nasa isang mall sa Dubai. Ang mekanismong kumokontrol sa oras nito ay isang mangkok na may maliit na butas at nakalutang sa tubig ng tangke na nasa loob ng tiyan ng elepante. Ang mangkok ay napupuno ng tubig kada 30 minuto at saka lumulubog, na nagpapasimula naman ng sunud-sunod na aksiyon sa tulong ng mga panali at mga bola na lumalabas sa “kastilyo” sa ibabaw ng elepante. Kapag natapos ang siklong ito, ang mangkok ay awtomatikong lulutang, at magsisimula na naman uli ang proseso. Dahil sa orasang ito at sa iba pang awtomatikong makina na ginawa ni al-Jazari, tinawag siyang “ama ng awtomasyon.”
Talagang kahanga-hanga ang kuwento tungkol sa galíng ng tao sa pag-iimbento! Bukod sa kawili-wili itong pag-usapan, tinutulungan tayo nito na magkaroon ng tamang pananaw. Sa panahong ito na ipinagmamalaki ng marami ang modernong teknolohiya, ipinapaalala nito kung gaano kalaki ang utang natin sa malikhaing mga tao noong sinaunang panahon.
^ par. 3 Hinggil sa gawaing pagsasalin ng mga iskolar na Arabe, pakisuyong tingnan ang “Arabic—Kung Paano Ito Naging Wika ng mga Intelektuwal,” sa Pebrero 2012 ng Gumising!