Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Gulf of Mexico

Dahil sa aksidente sa isang oil rig noong Abril 2010, maraming langis at gas ang tumapon sa dagat nang halos tatlong buwan. Natuklasan sa isang pag-aaral ng isang grupo ng mga mananaliksik na pagkaraan ng dalawa at kalahating buwan, nabawasan ang mga pollutant—iniisip nilang inubos ito ng mga baktiryang kumakain ng methane. Pero duda rito ang ilang eksperto. Sa palagay nila, ang karamihan sa langis ay tumining lang sa sahig ng dagat.

Russia

Ayon sa isang surbey, 59 na porsiyento ng mga Ruso na edad 18 hanggang 35 ang naniniwala na “para maging matagumpay sa buhay, kung minsa’y kailangan mong kalimutan ang iyong mga pamantayang-moral at prinsipyo,” ang sabi ng diyaryong Rossiiskaya Gazeta.

Peru

Ang ilan sa pinakamatatandang busal ng mais na natuklasan (gaya ng makikita sa larawan) ay nagpapahiwatig na ang mga nakatira sa hilagang Peru ay gumagawa na ng popcorn at harinang mais mga 3,000 taon na ang nakalilipas.

Italy

Naniniwala ang Katolikong obispo ng Adria-Rovigo na si Lucio Soravito De Franceschi na ang relihiyosong mensahe ay dapat “dalhin mismo sa mga tao” sa kanilang tahanan. “Ang ating pagpapastol ay hindi na dapat gawin sa loob ng simbahan kundi sa bahay-bahay,” ang sabi niya.

South Africa

Ang presyo ng sungay ng rinoseros na ginagamit sa medisina ay umabot ng $65,000 (U.S.) kada kilo. Noong 2011, sa South Africa pa lang, 448 rinoseros ang iniulat na pinatay ng mga ilegal na mangangaso. Ang mga museo at auction room sa Europa ay nilolooban ng mga gang na naghahanap nito. Sinasabing nanganganib pati ang mga rinoseros na nasa mga zoo sa Europa.