Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Pagpapalaki ng Mapagmalasakit na mga Anak sa Isang Makasariling Daigdig

Pagpapalaki ng Mapagmalasakit na mga Anak sa Isang Makasariling Daigdig

BAWAT araw, maraming pagkakataon ang mga tao na magpakita ng kabaitan sa iba. Pero waring marami ang puro sarili lang ang iniisip. Makikita mo iyan sa ginagawa ng mga tao, gaya ng garapal na pandaraya sa iba, bara-barang pagmamaneho, magaspang na pananalita, at pagiging labis na magagalitin.

Ang ganitong makasariling kaisipan ay makikita rin sa maraming pamilya. Halimbawa, may mga mag-asawang nagdidiborsiyo dahil iniisip ng isang kabiyak na “higit pa ang nararapat sa kaniya.” Hindi naman namamalayan ng ilang magulang na natuturuan na pala nila ang kanilang mga anak na maging makasarili. Paano? Sinusunod nila ang lahat ng magustuhan ng mga ito, pero hindi naman sila nagbibigay ng kinakailangang disiplina.

Sa kabaligtaran, sinasanay ng maraming magulang ang kanilang mga anak na unahin muna ang kapakanan ng iba, at maraming pakinabang dito. Ang mga batang mapagmalasakit ay malamang na magkaroon ng maraming kaibigan at ng matibay na kaugnayan sa iba. Mas malamang din na maging kontento sila sa buhay. Bakit? Dahil ayon sa Bibliya, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.

Kung isa kang magulang, paano mo matutulungan ang mga anak mo na maging mabait sa pakikitungo sa iba at huwag mahawa sa makasariling saloobin ng mga tao ngayon? Isaalang-alang ang tatlong bagay na maaaring magtulak sa iyong mga anak na maging makasarili, at tingnan kung paano mo maiiwasan ang mga ito.

 1 Labis na Pinupuri

Ang problema. Napansin ng mga mananaliksik ang isang nakababahalang sitwasyon ngayon: Maraming kabataan na bago pa lang nagtatrabaho ang may mataas na tingin sa sarili—umaasa agad ng tagumpay, kahit kaunti pa lang ang nagagawa nila o baka wala pa ngang nagagawa. Ang ilan ay umaasang tataas agad ang posisyon, kahit hindi pa sila ganoon kahusay sa trabaho. Espesyal naman ang tingin ng iba sa sarili—at nasisiraan sila ng loob kapag hindi espesyal ang naging pagtrato sa kanila.

Ang dahilan. Kung minsan, maaaring mataas ang tingin ng isang tao sa sarili dahil sa paraan ng pagpapalaki sa kaniya. May mga magulang na naimpluwensiyahan ng pilosopiya ng mataas na pagtingin sa sarili na naging popular sa nakalipas na mga dekada. Parang makatuwiran naman ang prinsipyo nito: Kung ang kaunting papuri ay may mabuting epekto sa mga bata, lalo na ang labis na papuri. Iniisip nila noon na makapagpapahina ng loob ng isang bata kung pipintasan ang mga ginagawa niya. Sa paningin ng mga taong naniniwala sa pilosopiyang iyon, hindi ka mahusay na magulang kung ganiyan ka sa iyong anak. Ang tagubilin nila sa mga magulang: Hindi kailanman dapat madismaya ang mga bata sa kanilang sarili.

Kaya mula noon, pinauulanan ng papuri ng maraming magulang ang kanilang mga anak, kahit ang mga bata ay wala namang nagagawa na dapat papurihan. Anumang gawin ng mga bata, gaanuman kaliit, ay pinupuri; anumang pagkakamali, gaanuman kalaki, ay pinalalampas na lang. Naniniwala ang mga magulang na iyon na para magkaroon ng kumpiyansa sa sarili ang kanilang mga anak, hindi dapat pansinin ang mga pagkakamali ng mga ito kundi lagi na lang silang papurihan. Naging mas mahalaga sa kanila na huwag panghinaan ng loob ang mga bata sa halip na turuan silang gumawa ng mga bagay na talagang maipagmamalaki nila.

Ang sinasabi ng Bibliya. Ayon sa Bibliya, angkop naman na magbigay ng papuri kung talagang nararapat. (Mateo 25:19-21) Pero kung pupurihin ang mga anak para lang mapasaya sila, baka magkaroon sila ng maling pangmalas sa sarili. Ang sabi nga ng Bibliya: “Kung iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga samantalang siya ay walang anuman, nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan.” (Galacia 6:3) Kaya pinapayuhan ng Bibliya ang mga magulang: “Ituwid mo ang iyong mga anak. Hindi nila ikamamatay ang pagiging istrikto mo.” *Kawikaan 23:13, Contemporary English Version.

Ang puwede mong gawin. Gawing tunguhin na ituwid ang iyong mga anak kung kinakailangan at papurihan sila kung talagang nararapat. Huwag silang purihin para lang mapasaya sila. Malamang na hindi epektibo iyon. Ganito ang sabi ng aklat na Generation Me: “Ang tunay na kumpiyansa sa sarili ay nagmumula sa pagpapasulong ng iyong mga talento at pagkatuto ng mga bagay-bagay, hindi dahil sinabi sa iyo na napakagaling mo dahil lang sa umiiral ka.”

“Huwag isipin na lalong mataas ang inyong sarili kaysa nararapat ninyong isipin. Sa halip, maging mababang-loob.”—Roma 12:3, Today’s English Version

 2 Labis na Pinoprotektahan

Ang problema. Maraming kabataan na nagsisimulang magtrabaho ang waring hindi handang humarap sa mga problema. Kaunting kritisismo lang, pinanghihinaan na ng loob ang ilan. Ang iba naman ay pihikan at tumatanggap lang ng trabaho na nakaaabot sa kanilang inaasahan. Halimbawa, sa aklat na Escaping the Endless Adolescence, nagkuwento si Dr. Joseph Allen tungkol sa isang kabataang lalaki na nagsabi habang iniinterbyu para sa isang trabaho: “Sa tingin ko, may mga pagkakataong medyo nakababagot ang trabahong ito, at ayokong mabagot.” Sumulat si Dr. Allen: “Hindi yata niya naiintindihan na lahat ng trabaho ay nakababagot kung minsan. Paano siya umabot sa edad na 23 nang hindi iyon nalalaman?”

Ang dahilan. Sa nakalipas na mga dekada, nadama ng maraming magulang na dapat nilang protektahan ang kanilang mga anak mula sa anumang problema. Bumagsak ba sa test ang anak mong babae? Makialam at sabihan ang titser na taasan ang grade niya. Natikitan ba ng pulis ang iyong anak na lalaki? Ikaw ang magbayad ng multa. Nabigo ba siya sa pag-ibig? Sisihin ang naging kasintahan niya.

Natural lang na protektahan mo ang iyong mga anak, pero ang labis na pagprotekta sa kanila ay puwedeng magbigay ng maling mensahe—na hindi nila kailangang managot sa kanilang mga ginagawa. “Sa halip na matutuhan na makakayanan nila ang kirot at kabiguan, at matuto pa nga mula rito,” ang sabi ng aklat na Positive Discipline for Teenagers, “ang [gayong] mga anak ay lumalaking masyadong makasarili, anupat iniisip na may obligasyon sa kanila ang mundo at ang kanilang mga magulang.”

Ang sinasabi ng Bibliya. Ang mga problema ay bahagi na ng buhay. Ayon nga sa Bibliya: “Ang masasamang bagay ay nangyayari sa lahat!” (Eclesiastes 9:11, Easy-to-Read Version) Nangyayari iyan pati sa mabubuting tao. Halimbawa, ang apostol na si Pablo ay nagtiis ng maraming kahirapan noong nangangaral siya. Pero nakinabang siya sa mga karanasang ito! Sumulat siya: “Natutuhan ko, anuman ang kalagayan ko, na masiyahan sa sarili. . . . Natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom, kapuwa kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan.”—Filipos 4:11, 12.

Ang puwede mong gawin. Depende kung gaano ka-mature ang iyong mga anak, sikaping sundin ang simulaing ito sa Bibliya: “Dapat na dalhin ng bawat isa ang kanyang sariling pasanin.” (Galacia 6:5, Magandang Balita Biblia) Kung bumagsak sa test ang anak mong babae, baka maging leksiyon sa kaniya iyon na mag-aral siyang mabuti. Kung matikitan ang iyong anak na lalaki, baka makabubuti kung pababayaran mo sa kaniya ang multa mula sa sarili niyang allowance o suweldo. Kung mabigo naman siya sa pag-ibig, aluin mo siya—pero sa tamang panahon, tulungan mo siyang pag-isipan ang mga tanong na gaya ng, ‘May natutuhan ba ako sa karanasang ito kung paano ko pa mapasusulong ang personalidad ko?’ Ang mga kabataang lumulutas sa sarili nilang problema ay nagiging mas matatag at may kumpiyansa sa sarili—mga katangiang hindi nila madedebelop kung palaging may sumasalo sa kanila.

“Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi.”—Galacia 6:4

 3 Sinusunod ang Lahat ng Magustuhan

Ang problema. Sa isang surbey sa mga kabataan, 81 porsiyento ang nagsabi na ang pinakamahalagang tunguhin ng kanilang henerasyon ay ang ‘yumaman’—mas mahalaga pa kaysa sa pagtulong sa iba. Pero ang pagpapayaman ay hindi nagdudulot ng kasiyahan. Sa katunayan, ipinakikita ng pananaliksik na ang mga taong nakapokus sa materyal na mga bagay ay hindi gaanong maligaya at mas nadedepres. Mas malamang din na magkaproblema sila sa kalusugan at sa isip.

Ang dahilan. Sa ilang kaso, ang mga anak ay lumalaki sa materyalistikong pamilya. “Gustong pasayahin ng mga magulang ang kanilang mga anak, at ang gusto ng mga anak ay materyal na mga bagay,” ang sabi ng aklat na The Narcissism Epidemic. “Kaya naman ibinibili sila ng kanilang mga magulang ng kung anu-anong bagay. Masaya nga ang mga anak, pero pansamantala lang. Kaya gusto pa nila ng iba pang mga bagay.”

Siyempre pa, sinasamantala ng industriya ng advertising ang ganitong saloobin ng mga mamimili. Itinataguyod nito ang mga ideyang gaya ng ‘Da best ang bagay sa iyo’ at ‘Nararapat lang iyon sa iyo.’ Maraming kabataan ang napaniniwala ng mga advertiser at baón na ngayon sa utang, anupat hindi mabayaran ang mga bagay na inutang nila.

Ang sinasabi ng Bibliya. Ayon sa Bibliya, kailangan natin ang pera. (Eclesiastes 7:12) Pero nagbababala rin ito na “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” Sinasabi pa nito: “Sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay. . . napagsasaksak ng maraming kirot.” (1 Timoteo 6:10) Pinapayuhan tayo ng Bibliya na huwag maghangad ng materyal na kayamanan, kundi maging kontento sa pangunahing mga pangangailangan sa buhay.—1 Timoteo 6:7, 8.

“Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa.”—1 Timoteo 6:9

Ang puwede mong gawin. Bilang magulang, suriin ang pangmalas mo sa pera at sa mga bagay na nabibili nito. Sikaping laging tama ang iyong priyoridad, at tulungan ang mga anak mo na ganoon din ang gawin. Iminumungkahi ng Narcissism Epidemic, na sinipi kanina: “Maaaring pag-usapan ng mga magulang at mga anak ang mga tanong na gaya ng ‘Kailan magandang bumili ng mga bagay na naka-sale? Kailan hindi praktikal na gawin iyon?’ ‘Ano ba ang interest rate?’ ‘Kailan ka bumili ng isang bagay dahil lang sa may nagsabi sa iyo na bilhin mo iyon?’”

Iwasang gawing panlunas sa mga problema ng pamilya ang “materyal na mga bagay.” “Ang pagbili ng materyal na mga bagay ay hindi epektibong solusyon kapag may problema,” ang sabi ng aklat na The Price of Privilege. “Kailangang lutasin ang mga problema sa tulong ng mahusay na pag-iisip, kaunawaan, at empatiya, hindi sa pamamagitan ng mga sapatos at handbag.”

^ par. 11 Hindi ipinapayo ng Bibliya ang pisikal o emosyonal na pag-abuso sa mga bata. (Efeso 4:29, 31; 6:4) Ang tunguhin ng pagtutuwid ay para magturo, hindi para mailabas ng magulang ang kaniyang galit.