Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Israel

Ang mga batang “isinilang na may depekto na nakita na sana sa check-up noong ipinagbubuntis pa lang sila” ay hindi na makapagsasampa ng demanda laban sa medikal na mga awtoridad dahil sila’y “hinayaang mabuhay,” ang ulat ng Haaretz.com. Pero puwedeng magdemanda ang mga magulang dahil “hinayaang maisilang” ang bata, para humingi ng kabayaran sa “karagdagang gastusin sa pagpapalaki ng anak na may kapansanan at sa lahat ng pangangailangan [nito] sa buong buhay niya.”

Australia

Sa Australia, 8 sa bawat 10 mag-asawa ang nagsama muna bago nagpakasal.

Gresya

Ayon sa estadistika na inilabas ng Greek Ministry of Health, 40 porsiyento ang itinaas ng bilang ng nagpakamatay sa Gresya sa unang limang buwan ng 2011, kumpara sa unang limang buwan ng 2010. Kasabay ito ng pagsisimula kamakailan ng krisis sa ekonomiya.

Estados Unidos

Halos 40 porsiyento ng pagkain sa bansa ang nasasayang, ayon sa Natural Resources Defense Council. Halimbawa, tinatayang 7 porsiyento ng mga pananim ang hindi na naaani, 17 porsiyento ng mga pagkain sa mga restawran at mga kapitirya ang hindi nakakain, at mga 25 porsiyento ng mga pagkaing binibili ng mga pamilya ang itinatapon nila.

Madagascar

Ang pinakamaliit na hunyango sa daigdig ay natuklasan kamakailan sa Madagascar. Lumalaki ito nang hanggang 29 na milimetro, at ang ilan sa pagkaliliit na hunyangong ito ay kasya sa dulo ng daliri ng tao. Dahil sa mga banta sa kanilang likas na tirahan, ang hayop na ito ay nanganganib maubos.