Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SULYAP SA NAKARAAN

Plato

Plato

Si Plato (mga 427-347 B.C.E.) ay isang paganong pilosopong Griego. Siya ay ipinanganak sa Atenas sa isang maharlikang pamilya at may mataas na pinag-aralan. Malaki ang naging impluwensiya sa kaniya ng kilaláng pilosopo na si Socrates at ng mga tagasunod ng matematiko at pilosopong si Pythagoras.

MATAPOS maglakbay sa mga rehiyon sa Mediteraneo at sumali sa pulitika sa Siracusa, isang Griegong lunsod sa Sicilia, bumalik si Plato sa Atenas, kung saan itinatag niya ang Akademya. Ang Akademya, na sinasabing ang kauna-unahang unibersidad sa Europa, ay naging isang sentro ng pagsasaliksik sa matematika at pilosopiya.

BAKIT DAPAT KANG MAGING INTERESADO RITO?

Malaki ang naging impluwensiya ng mga turo ni Plato sa relihiyosong paniniwala ng milyun-milyon, pati na sa mga nag-aangking Kristiyano, na karamiha’y nag-aakalang ang mga paniniwalang ito ay batay sa Bibliya. Pangunahin sa mga turo ni Plato ang ideya na ang tao ay may imortal na kaluluwa na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan.

“Ang imortalidad ng kaluluwa ay isa sa paboritong paksa ni Plato.”​—Body and Soul in Ancient Philosophy

Gayon na lang ang interes ni Plato sa kabilang-buhay. Sinasabi ng aklat na Body and Soul in Ancient Philosophy na “ang imortalidad ng kaluluwa ay isa sa paboritong paksa ni Plato.” Talagang kumbinsido siya na “nananatiling buháy ang kaluluwa pagkamatay ng katawan para tumanggap ng gantimpala o parusa” sa kabilang-buhay, depende sa mga ginawa ng isa noong nabubuhay pa siya sa lupa. *

PAANO LUMAGANAP ANG MGA TURO NI PLATO?

Sa siyam na siglong pag-iral ng Akademya ni Plato, mula 387 B.C.E. hanggang 529 C.E., napakalakas ng naging impluwensiya nito. Ang mga ideya ni Plato ay naging popular sa mga lupaing sakop ng Gresya at Roma. Pinaniwalaan ito ng pilosopong Judio na si Philo ng Alejandria, pati na ng maraming lider ng Sangkakristiyanuhan. Dahil dito, ang mga paganong pilosopiya, kasali na ang imortalidad ng kaluluwa, ay unti-unting naging bahagi ng turo ng Judaismo at Kristiyanismo.

“Ang teolohiya ng mga Kristiyano ay naimpluwensiyahan, sa paanuman, ng pilosopiyang Griego, pangunahin na ng turo ni Plato,” ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary, “pero may ilang pilosopong Kristiyano na . . . angkop lang na tawaging mga Kristiyanong Platonist.” Paghambingin ang sinasabi ng sumusunod na mga akda.

Ayon kay Plato: “[Kapag namatay,] kung ano talaga ang bumubuo sa atin, na tinatawag nating imortal na kaluluwa, ay paroroon sa ibang mga diyos, . . . para magsulit​—isang bagay na buong-tapang na hinaharap ng mabubuti, pero lubhang kinatatakutan ng masasama.”​—Plato—Laws, Book XII.

Ang sabi ng Bibliya: Ang kaluluwa ay ang tao mismo o ang buhay na taglay niya. Ang mga hayop man ay kaluluwa. Kapag namatay, hindi na umiiral ang kaluluwa. * Pansinin ang sumusunod na mga teksto sa Bibliya:

  • “Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.”​—1 Corinto 15:45.

  • “Sinabi ng Diyos: ‘Bukalan ang lupa ng mga kaluluwang buháy ayon sa kani-kanilang uri, maamong hayop at gumagalang hayop at mailap na hayop sa lupa.’”​—Genesis 1:24.

  • “Mamatay nawa ang aking kaluluwa.”​—Hukom 16:30.

  • “Ang kaluluwa na nagkakasala​—iyon mismo ang mamamatay.”​—Ezekiel 18:4.

Maliwanag, hindi itinuturo ng Bibliya na may humihiwalay na kaluluwa kapag namatay ang tao. Kaya tanungin ang sarili, ‘Ang mga pinaniniwalaan ko ba ay nakasalig sa Bibliya o sa pilosopiya ni Plato?’

^ par. 7 Bagaman pinalaganap ni Plato ang ideya na may imortal na kaluluwa, hindi siya ang kauna-unahang naniwala sa ideyang ito. Matagal na itong laganap sa mga paganong relihiyon, kasali na ang sa Ehipto at Babilonya.

^ par. 12 Itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay parang natutulog lang, at naghihintay ng pagkabuhay-muli. (Eclesiastes 9:5; Juan 11:11-14; Gawa 24:15) Kabaligtaran nito, ang sinasabing imortal na kaluluwa ay hindi namamatay at hindi nangangailangan ng pagkabuhay-muli.