MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa Indonesia
ANG Indonesia ay binubuo ng mga 17,000 isla. Ang mga tao rito ay kilaláng palakaibigan, matiisin, magalang, at mapagpatuloy.
Ang karaniwang pagkain sa Indonesia ay kanin, mga ulam na kadalasa’y maanghang, at prutas. Sa ilang lugar, ang mga pamilya ay kumakain nang nakaupo sa banig at nagkakamay sa pagkuha ng ulam na isinasama sa kanin. Mas masarap daw kasing kumain sa ganitong paraan ayon sa maraming taga-Indonesia.
Mahilig ang mga taga-Indonesia sa sining, sayaw, at musika. Ang anklong ay isang karaniwang instrumento sa Indonesia; binubuo ito ng mga pipang gawa sa kawayan na nakakabit sa isang frame. Ang mga pipa ay may kani-kaniyang nota o chord na maririnig kapag inaalog. Sa pagtugtog ng isang musika, inaalog nang may koordinasyon ng bawat manunugtog ang kani-kaniyang anklong sa tamang tiyempo.
Hanggang noong ika-15 siglo C.E., ang Indonesia ay naimpluwensiyahan ng Hinduismo at, nang maglaon, ng Budismo. Noong ika-16 na siglo, naimpluwensiyahan na ito ng Islam. Ang mga Europeo naman na naghahanap ng espesya ay dumating noong ika-16 na siglo, at dala nila ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.
Ang mga Saksi ni Jehova, na kilalá sa buong daigdig sa gawaing pagtuturo ng Bibliya, ay aktibo na sa Indonesia mula pa noong 1931. Sa ngayon, mahigit nang 22,000 ang mga Saksi roon, at sinisikap nilang mapangaralan ang mga bingi. Kamakailan, mahigit 500 ang dumalo sa espesyal na pulong sa sign language na isinaayos ng mga Saksi ni Jehova para alalahanin ang kamatayan ni Jesu-Kristo.
Ang Gumising! ay inilalathala sa 98 wika, kasama na rito ang Indonesian (tinatawag ding Bahasa Indonesia).