Ang Ating Mahiwagang Luha
KAKAMBAL na natin ang pag-iyak mula nang tayo’y ipanganak. Ayon sa isang eksperto, ang mga sanggol ay umiiyak para makuha ang emosyonal at pisikal na pangangailangan nila. Pero bakit umiiyak pa rin tayo kahit malaki na tayo, gayong may iba namang paraan para masabi kung ano ang gusto natin?
May iba’t ibang dahilan ang emosyonal na mga luha. Baka umiiyak tayo dahil sa pamimighati, pagkabigo, pagkakasakit, o pagdurusa. Pero puwede rin namang dahil masayang-masaya tayo, dahil nalutas ang isang problema, o dahil may nagawa tayong pambihirang bagay
Anuman ang dahilan, ang pag-iyak ay isang mapuwersang paraan ng komunikasyon. “Napakarami nitong masasabi sa napakaikling panahon,” ayon sa aklat na Adult Crying. Ang luha ay nakapagpapakilos. Halimbawa, para sa marami, mahirap bale-walain ang mga luha ng kalungkutan dahil nagpapahiwatig ito na ang isa ay nagdurusa. Kaya naman, baka mapakilos tayo na aliwin o tulungan ang umiiyak.
Naniniwala ang ilang eksperto na ang pag-iyak ay isang mabisang paraan para mailabas ang ating nadarama at na ang laging pagpigil dito ay makapipinsala sa kalusugan natin. Sinasabi naman ng iba na hindi pa napapatunayan ng siyensiya kung nakabubuti nga sa ating katawan o isip ang pag-iyak. Pero ipinakikita ng mga surbey na 85 porsiyento ng mga babae at 73 porsiyento ng mga lalaki ang nagsabing gumaan ang pakiramdam nila matapos umiyak. “Kung minsan, alam kong kailangan kong umiyak,” ang sabi ni Noemí. “Pagkatapos, nakakahinga na ako nang maluwag at mas naiintindihan ko na ang mga bagay-bagay.”
Ipinakikita ng mga surbey na 85 porsiyento ng mga babae at 73 porsiyento ng mga lalaki ang nagsabing gumaan ang pakiramdam nila matapos umiyak
Pero ang ganitong ginhawa ng kalooban ay hindi lang dahil sa pag-iyak. May mahalagang papel din ang reaksiyon ng iba. Halimbawa, kapag ang ating mga luha ay nagpakilos sa iba na tayo’y aliwin o tulungan, nagiginhawahan tayo. Pero kung hindi maganda ang reaksiyon ng iba sa ating pag-iyak, baka mapahiya tayo o madama nating bale-wala tayo.
Oo, mahiwaga pa rin ang pag-iyak. Pero alam natin na ang pagluha ay kaloob ng Diyos