Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MGA BANSA AT MGA TAO

Pagbisita sa El Salvador

Pagbisita sa El Salvador

HALOS 500 taon na ang nakalilipas, dumating ang mga Kastila sa tinatawag ngayong El Salvador. Nang panahong iyon, ang tawag ng pangunahing tribo sa teritoryo nilang iyon ay Cuscatlán, na nangangahulugang “Lupain ng Hiyas.” Sa ngayon, karamihan sa mga taga-El Salvador ay nanggaling sa mga katutubong tribo at mga nandayuhan mula sa Europa.

Ang mga taga-El Salvador ay kilaláng masipag at palakaibigan. Mapitagan din sila at magalang. Bago makipag-usap o kapag pumapasok sa trabaho, bumabati muna sila ng, “Buenos días” (magandang umaga) o “Buenas tardes” (magandang hapon). Sa katunayan, sa mga lalawigan at maliliit na bayan ng El Salvador, itinuturing na kawalang-galang ang hindi pagbati sa isang nagdaraan.

Bahagi na ng kasaysayan ng El Salvador ang pagtatanim ng kape

Isa sa pinakapaboritong pagkain ng mga taga-El Salvador ang pupusa—tortilyang mais (o bigas) na nilagyan ng keso, beans, at karneng-baboy o iba pang palaman. Ang pupusa ay karaniwang inihahain na may kasamang tomato sauce at curtido—pinagsama-samang repolyo, karot, sibuyas, at sukang maanghang. Ang ilan ay gumagamit ng kutsilyo’t tinidor kapag kumakain ng pupusa, pero nakaugalian na ng marami na kamayin ito.

Pupusa ang isa sa pinakapopular na pagkain sa El Salvador

Los Tercios Waterfall, Suchitoto

 ALAM MO BA? Ang El Salvador ay tinatawag ding lupain ng mga bulkan. Mayroon itong mahigit 20 bulkan, at aktibo pa rin ang ilan dito. Ang tubig ng Los Tercios Waterfall ay bumubuhos sa matataas na kolum ng mga batong nagkorteng eksagonal dahil sa pagputok ng bulkan.

May mahigit 38,000 Saksi ni Jehova sa El Salvador, na bumubuo sa mga 700 kongregasyon. Mga 43,000 ang tinuturuan nila ng Bibliya sa wikang Kastila, Ingles, at Salvadoran Sign Language.