Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Ang Totoong Kuwento Tungkol sa Paglalang

Ang Totoong Kuwento Tungkol sa Paglalang

BILYUN-BILYON ang nakabasa na o nakarinig ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa pasimula ng uniberso. Ang ulat na iyon, na 3,500 taon na, ay nagsisimula sa popular na pananalita: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”

Pero lingid sa kaalaman ng marami, ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan, pati na ang tinatawag na mga creationist at mga pundamentalista, ay gumawa ng napakaraming kuwento tungkol sa paglalang pero lihis naman sa talagang sinasabi ng Bibliya. Ang mga interpretasyong ito ay salungat sa siyensiya. Bagaman wala sa Bibliya ang mga kuwentong iyon, naging dahilan ito para ituring ng ilang tao na kathang-isip lang ang ulat ng Bibliya.

Marami ang hindi nakaaalam sa totoong kuwento ng Bibliya tungkol sa paglalang. Nakalulungkot ito dahil ang totoo, ang Bibliya ay naghaharap ng lohikal at mapagkakatiwalaang paliwanag tungkol sa pasimula ng uniberso. At ang paliwanag na iyan ay kaayon ng mga tuklas sa siyensiya. Baka magulat ka kapag nalaman mo ang totoong kuwento ng Bibliya tungkol sa paglalang!

ANG MAYLALANG NA HINDI NILALANG

Ang ulat ng Bibliya ay nakasalig sa katotohanan na may Kataas-taasang Persona, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na lumalang ng lahat ng bagay. Sino siya, at anong uri siya ng persona? Ipinakikita ng Bibliya na ibang-iba siya sa mga bathala ng tanyag na kultura at ng pangunahing mga relihiyon. Siya ang Maylalang ng lahat ng bagay, pero marami ang hindi nakakakilala sa kaniya.

  • Ang Diyos ay isang persona, isang indibiduwal. Hindi siya basta puwersa na walang personalidad, na lulutang-lutang sa uniberso. Siya ay may isip, damdamin, at mga tunguhin.

  • Walang limitasyon ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Ito ang dahilan ng masalimuot na disenyong makikita sa sangnilalang, lalo na sa nabubuhay na mga bagay.

  • Nilalang ng Diyos ang lahat ng pisikal na bagay. Kaya naman, hindi siya maaaring manggaling sa pisikal na mga elementong nilalang niya. Sa halip, siya ay espiritu.

  • Walang hanggan ang pag-iral ng Diyos. Mula’t sapol, umiiral na siya at laging iiral. Kaya walang lumalang sa kaniya.

  • Ang Diyos ay may pangalan, na libu-libong ulit na lumitaw sa Bibliya. Ang pangalang iyan ay Jehova.

  • Mahal ng Diyos na Jehova ang mga tao at nagmamalasakit siya sa kanila.

 GAANO KATAGAL NILALANG NG DIYOS ANG UNIBERSO?

Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos “ang langit at ang lupa.” Pero hindi binabanggit ng pananalitang iyan ang haba ng panahong ginamit sa paglalang sa uniberso o ang pamamaraang ginamit niya sa paghubog dito. Paano naman ang laganap na paniniwala ng mga creationist na nilalang daw ng Diyos ang uniberso sa loob ng anim na literal na araw na tig-24 na oras? Ang ideyang ito, na di-tanggap ng maraming siyentipiko, ay batay sa maling pagkaunawa sa ulat ng Bibliya. Pansinin kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya.

Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang mga pundamentalista at mga creationist na nagsasabing ang mga araw ng paglalang ay literal na mga araw na tig-24 na oras

  • Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang mga pundamentalista at mga creationist na nagsasabing ang mga araw ng paglalang ay literal na tig-24 na oras.

  • Madalas gamitin ng Bibliya ang terminong “araw” para tumukoy sa iba’t ibang yugto ng panahon. Sa ilang kaso, di-tiyak ang haba ng mga yugtong ito. Ang isang halimbawa nito ay ang ulat ng paglalang na nasa aklat ng Bibliya na Genesis.

  • Sa ulat ng Bibliya, ang bawat isa sa anim na araw ng paglalang ay maaaring tumagal nang libu-libong taon.

  • Nang magsimula ang unang araw ng paglalang, tapós nang lalangin ng Diyos ang uniberso, pati na ang walang-buhay na planetang Lupa.

  • Lumilitaw na ang anim na araw ng paglalang ay mahahabang yugto ng panahon na ginamit ng Diyos na Jehova para ihanda ang lupa na magiging tirahan ng tao.

  • Ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang ay hindi salungat sa mga konklusyon ng siyensiya tungkol sa edad ng uniberso.

EBOLUSYON BA ANG GINAMIT NG DIYOS?

Marami ang hindi naniniwala sa Bibliya. Sa halip, tinatanggap nila ang teoriya na ang nabubuhay na mga bagay ay nagmula sa walang-buhay na mga kemikal sa pamamagitan ng ebolusyon. Diumano, lumitaw ang isang tulad-baktiryang organismo na may kakayahang paramihin ang sarili. Unti-unti itong nagbago at naging ang iba’t ibang species na umiiral ngayon. Ipinahihiwatig nito na ang tao, na may napakasalimuot na kayarian, ay nag-evolve lang mula sa baktirya.

Ang teoriya ng ebolusyon ay pinaniniwalaan din ng marami na nagsasabing tanggap nila ang Bibliya bilang salita ng Diyos. Naniniwala sila na ginawa ng Diyos ang unang anyo ng buhay sa lupa, at pagkatapos, sinubaybayan na lang niya, at marahil ay ginabayan, ang pag-evolve nito. Pero hindi iyan ang sinasabi ng Bibliya.

Ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang ay hindi salungat sa obserbasyon ng siyensiya na puwedeng magkaroon ng pagkakasari-sari ang isang uri

  • Ayon sa Bibliya, nilalang ng Diyos na Jehova ang lahat ng pangunahing uri ng halaman at hayop, pati na ang sakdal na lalaki’t babae na may kakayahang makilala ang sarili at magpakita ng pag-ibig, karunungan, at katarungan.

  • Maliwanag na nagkaroon ng pagbabago sa mga uri ng hayop at halaman na nilalang ng Diyos at nagkaroon ng pagkakasari-sari ang bawat uri. Sa maraming kaso, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng mga ito.

  • Ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang ay hindi salungat sa obserbasyon ng siyensiya na puwedeng magkaroon ng pagkakasari-sari ang isang uri.

 SANGNILALANG—NAGPAPAHIWATIG NA MAYROON NGANG MAYLALANG

Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang Britanong biyologo na si Alfred Russel Wallace ay nakiayon kay Charles Darwin sa teoriya ng ebolusyon sa pamamagitan ng natural selection. Pero kahit ang kilaláng ebolusyonistang ito ay iniulat na nagsabi: “Para sa mga may matang nakakakita at isip na sanay magbulay-bulay, sa kaliit-liitang selula, sa dugo, sa buong lupa, at sa kamangha-manghang uniberso . . . , may matalino at sinasadyang patnubay; sa isang salita, may Isip.”

Halos 2,000 taon bago ang panahon ni Wallace, sinabi na ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Sapagkat ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Paminsan-minsan, puwede mong pag-isipan ang kamangha-manghang mga bagay sa kalikasan—mula sa isang dahon ng damo hanggang sa di-mabilang na mga bagay sa kalangitan. Kung susuriin mo ang sangnilalang, mahihiwatigan mo na mayroon ngang Maylalang.

‘Pero kung may mapagmahal na Diyos na lumalang ng lahat ng bagay,’ baka itanong mo, ‘bakit pinahihintulutan niya ang pagdurusa? Pinabayaan na ba niya ang mga nilalang niya sa lupa? Ano kaya ang mangyayari sa hinaharap?’ Marami pang totoong kuwento sa Bibliya na natabunan ng ideya ng tao at turo ng mga relihiyon kung kaya napatago mula sa maraming tao. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito, ang mga Saksi ni Jehova, ay malulugod na tumulong sa iyo na suriin ang dalisay na katotohanan sa Bibliya at higit pang matuto tungkol sa Maylalang at sa kinabukasan ng mga taong nilalang niya.