Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Turuan ang Iyong mga Anak ng Internet Safety

Turuan ang Iyong mga Anak ng Internet Safety

ANG HAMON

Dahil sa mga balitang naririnig mo, iniisip mo tuloy na ang Internet ay pugad ng mga cyberbully, mang-aabuso sa sekso, at magnanakaw ng identity. May dahilan kang mabahala: Madalas mag-Internet ang anak mong tin-edyer at parang wala siyang kamuwang-muwang sa panganib nito.

Puwede mong turuan ang anak mong tin-edyer ng Internet safety. Pero narito ang ilang bagay na dapat mo munang malaman tungkol sa Internet.

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Nakakapag-Internet ang mga kabataan sa mga gadyet nila. Tama pa rin namang ilagay ang computer sa isang lugar sa bahay kung saan nakikita ito ng lahat. Pero gamit ang tablet o smartphone na nakakonek sa Internet, mas makakapag-online ang iyong anak—nang hindi mo nalalaman.

Hindi dahil may naaaksidente sa sasakyan ay mali nang magmaneho ng sasakyan. Ganiyan din sa paggamit ng Internet. Kailangang maging maingat sa “pagmamaneho” ang iyong anak

May mga tin-edyer na nagbababad sa Internet. “Nagbubukas ako ng computer para i-check ang e-mail ko sa loob ng limang minuto pero nauuwi ito sa ilang oras na panonood ng mga video,” ang pag-amin ng isang 19-anyos na babae. “Kailangan ko talagang pigilan ang sarili ko.”

Baka mas maraming naibibigay na impormasyon online ang mga tin-edyer kaysa sa nararapat. Kayang pagsama-samahin ng masasamang tao ang mga comment at litrato ng isang kabataan para makuha ang impormasyong gaya ng kung saan siya nakatira, kung saan siya pumapasok, at kung anong oras walang tao sa bahay nila.

Hindi naiintindihan ng ilang tin-edyer ang magiging resulta ng ipinost nila. Ang nai-post na sa Internet ay nananatiling nasa Internet. Kung minsan, ang mga nakakahiyang comment at litrato ay nadidiskubre—halimbawa, ng isang potensiyal na employer na gumagawa ng background check sa isang aplikante.

Gayunman, tandaan ito: Hindi mo kaaway ang Internet. Ang problema ay ang di-matalinong paggamit ng Internet.

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Turuan ang iyong tin-edyer ng tamang priyoridad at paggamit ng panahon. Para maging responsableng adulto, dapat niyang matutuhang unahin kung ano ang pinakaimportante. Ang pakikipagsamahan sa pamilya, paggawa ng homework at gawaing-bahay ay mas importante kaysa sa pag-i-Internet. Kung nababahala ka na sa panahong inuubos dito ng anak mo, magtakda ng limitasyon—kung kinakailangan, gumamit ng timer.Simulain sa Bibliya: Filipos 1:10.

Turuan ang iyong tin-edyer na mag-isip muna bago mag-post. Tulungan siyang pag-isipan ang mga tanong na gaya ng: May masasaktan ba sa ipo-post kong comment? Ano kaya ang magiging epekto ng litratong ito sa reputasyon ko? Mahihiya ba ako kapag nakita ng mga magulang ko o ng ibang adulto ang comment o litrato kong ito? Ano ang iisipin nila tungkol sa akin kapag nakita nila ito? Ano ang iisipin ko sa taong nag-post ng gayong comment o litrato?Simulain sa Bibliya: Kawikaan 10:23.

Turuan ang iyong tin-edyer na mamuhay ayon sa mabuting asalhindi lang sa mga utos. Hindi sa lahat ng oras ay mababantayan mo ang iyong anak. Bukod diyan, ang layunin mo ay hindi para kontrolin ang iyong mga anak kundi para tulungan silang “[masanay] ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Kaya sa halip na idiin sa kanila na mga utos at parusa ang pinakaimportante, antigin ang kanilang moralidad. Ano ang gusto niyang maging tingin sa kaniya ng iba? Sa anong mga katangian gusto niyang makilala siya? Ang layunin mo ay para tulungan ang iyong anak na gumawa ng matatalinong desisyon, naroon ka man o wala.Simulain sa Bibliya: Kawikaan 3:21.

“Mas marunong ang mga kabataan pagdating sa teknolohiya. Mas makaranasan naman sa buhay ang mga magulang”

Ang pagna-navigate sa Internet, gaya ng pagmamaneho ng sasakyan, ay nangangailangan ng tamang pagpapasiya—hindi lang ng teknikal na abilidad. Kaya naman napakahalaga ng patnubay ng magulang. Tutal, sabi nga ng eksperto sa Internet safety na si Parry Aftab: “Mas marunong ang mga kabataan pagdating sa teknolohiya. Mas makaranasan naman sa buhay ang mga magulang.”