Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 INTERBYU | WENLONG HE

Ang Paniniwala ng Isang Experimental Physicist

Ang Paniniwala ng Isang Experimental Physicist

SI Wenlong He ay unang nag-aral ng physics sa Suzhou, Jiangsu Province, China. Tumutulong siya sa pag-e-edit ng isang internasyonal na babasahin sa teknolohiya at marami na siyang akdang nailathala sa mga babasahin sa siyensiya. Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Wenlong He sa University of Strathclyde sa Scotland. Naniniwala siya sa ebolusyon noong kabataan niya, pero nang maglaon, nakumbinsi siyang may lumalang sa buhay. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang paniniwala.

Kuwentuhan mo naman kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.

Ipinanganak ako noong 1963 at lumaki sa China, sa isang nayon sa timog ng Yangtze River sa Jiangsu Province. Isa itong subtropikal na lugar na kilalá sa produksiyon ng pagkain, kung kaya madalas itong tawaging lupain ng bigas at isda. Noong bata pa ako, naiisip ko: ‘Bakit kaya maraming masasarap na pagkaing nakukuha sa kalikasan? Nagkataon lang ba ang mga ito? Alin ang nauna—manok o itlog?’ Laganap sa China ang ateismo, kung kaya ebolusyon ang itinuturo sa amin sa paaralan.

Kumusta naman ang pamilya ninyo?

Ateista ang mga magulang ko. Nagtatrabaho sa bukid ang nanay ko; ang tatay ko naman ay isang arkitekto at may sariling construction company. Lima kaming magkakapatid na lalaki at ako ang panganay. Pero dalawang kapatid ko ang maagang namatay. Labis ko itong ikinalungkot. Naisip ko: ‘Bakit namamatay ang mga tao? Makikita ko pa kaya uli ang mga kapatid ko?’

Bakit ka nag-aral ng siyensiya?

Naintriga kasi ako sa kalikasan at naisip kong baka masagot ng physics ang mga tanong ko mula pa noong bata ako.

Tungkol saan ang nire-research mo?

Naghahanap ako ng paraan kung paano mapapabilis ang mga charged particle na halos kasimbilis ng bilis ng liwanag. Ginagawa  ko ito para mapag-aralan ang istraktura ng mga atomo. Sinusuri ko rin kung paano makakagawa ng high-power radiation na ang frequency ay nasa pagitan ng frequency ng microwave radiation at infrared radiation. Bagaman ang research ko ay pangkomersiyo, maiuugnay rin ito sa pagsisikap na maintindihan kung paano nagsimula ang uniberso.

Bakit ka naging interesado sa Bibliya?

Noong 1998, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa bahay namin. Gusto nilang ipakita sa akin ang sagot ng Bibliya sa mga tanong ko. Sumali sa usapan namin ang asawa kong si Huabi, na isa ring research scientist. Noon lang kami nakakita ng Bibliya, pero hangang-hanga kami sa praktikal na payo nito. Nakita namin kung paano nakikinabang ang mag-asawang Saksing ito sa pagsunod nila sa mga simulain ng Bibliya. Masaya sila at hindi komplikado ang buhay nila. Dahil sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos, napaisip ulit ako kung may lumalang nga ba sa uniberso. Bilang isang physicist, trabaho kong maintindihan ang kalikasan. Kaya pinag-isipan kong mabuti ang ilang katotohanan.

Bilang isang physicist, trabaho kong maintindihan ang kalikasan. Kaya pinag-isipan kong mabuti ang ilang katotohanan

Anong mga katotohanan iyon?

Una, alam kong ang isang grupo ng mga bagay ay hindi puwedeng maging napakaorganisado o manatiling organisado malibang may gumawa nito. Iyan ang tinatawag na second law of thermodynamics. Yamang napakaayos ng uniberso at ng buhay sa lupa, nakumbinsi akong may gumawa sa mga ito—isang Maylalang. Ang ikalawang katotohanan ay na parang dinisenyo talaga ang uniberso at ang lupa para sumustine sa buhay.

Anong halimbawa ng matalinong disenyo ang nakita mo?

Halos lahat ng nabubuhay na bagay sa lupa ay nakadepende sa enerhiya mula sa araw. Ang enerhiyang ito ay naglalakbay sa kalawakan bilang radiation. Nakakarating ito sa lupa sa iba’t ibang wavelength. Ang pinakamaikli ay ang nakakamatay na mga gamma ray. Sumunod naman ang mga X-ray, ultraviolet ray, nakikitang liwanag, infrared, microwave, at ang pinakamahaba sa lahat, ang mga radio wave. Kapansin-pansin, hinaharang ng ating atmospera ang nakapipinsalang radiation samantalang pinahihintulutang makarating sa ibabaw ng lupa ang ibang kinakailangang radiation.

Ano naman ang kahanga-hanga doon?

Pinag-isip ako ng ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang at sa pagbanggit nito sa liwanag. Sinasabi nito: “Ang Diyos ay nagpasimulang magsabi: ‘Magkaroon ng liwanag.’ Sa gayon ay nagkaroon ng liwanag.” * Kakaunti lang sa iba’t ibang solar radiation ang nakikitang liwanag, pero mahalaga sa buhay ang liwanag. Kailangan ito ng mga halaman para makagawa ng pagkain, at kailangan natin ng liwanag para makakita. Hindi maaaring nagkataon lang ang pagtagos ng liwanag sa atmospera. At ang lalong kapansin-pansin ay ang kaunting ultraviolet na liwanag na nakakarating sa ibabaw ng lupa.

Bakit iyon mahalaga?

Kailangan natin ng kaunting ultraviolet radiation para ang ating balat ay makapag-produce ng vitamin D, na pampalusog ng ating mga buto at panlaban sa kanser at iba pang sakit. Pero kapag sumobra, nagiging sanhi ito ng kanser sa balat at katarata sa mata. Sa normal na kalagayan, kaunting ultraviolet radiation lang ang pinahihintulutan ng atmospera na makarating sa ibabaw ng lupa—at iyan lang ang tamang dami. Para sa akin, katibayan iyan na talagang may nagdisenyo sa lupa para sumustine sa buhay.

Kami ni Huabi ay unti-unting nakumbinsi na mayroon ngang Maylalang at na kinasihan niya ang Bibliya. Noong 2005, naging mga Saksi ni Jehova kami, kaya nagtuturo na rin kami ng Bibliya sa iba.