SULYAP SA NAKARAAN
William Whiston
Si William Whiston ay isang siyentipiko, matematiko, klerigo, mahusay na manunulat, at kasamahan ng pisiko at matematikong Ingles na si Sir Isaac Newton. Noong 1702, si Whiston ang pumalit kay Newton bilang Lucasian Professor of Mathematics sa University of Cambridge, Inglatera. Ang puwestong ito bilang propesor ay hinawakan ng ilan sa pinakamatatalinong tao sa siyensiya at teknolohiya.
NAKILALA rin si Whiston, lalo na ng mga estudyante ng Bibliya, dahil isinalin niya sa Ingles ang mga akda ng unang-siglong Judiong istoryador na si Flavius Josephus. Ang The Works of Josephus ay naglalaman ng maraming impormasyon tungkol sa kasaysayan ng mga Judio at sa mundo ng unang mga Kristiyano.
ANG MGA PANINIWALA NI WHISTON
Napakatalino ni Whiston at marami siyang pinag-aralang paksa, lalo na ang tungkol sa siyensiya at relihiyon. Naniniwala siya na tama ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang at na ang disenyo, ganda, at kaayusang makikita sa kalikasan ay katibayan ng isang dakilang Arkitekto.
Bukod diyan, naniniwala si Whiston na nagkawatak-watak ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan dahil lumihis ang klero sa itinuturo ng Bibliya, anupat pinili ang di-makakasulatang mga turo at tradisyon ng mga konsilyo ng simbahan at ng tinatawag na mga Ama ng Simbahan.
Dahil kinikilala ni Whiston ang Bibliya bilang aklat na nagsisiwalat ng katotohanan tungkol sa Diyos, hindi niya pinaniwalaan ang tungkol sa walang-hanggang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno. Para sa kaniya, iyon ay di-makatuwiran at malupit, at isang insulto sa Diyos. Pero lalo niyang nakabangga ang mga awtoridad ng simbahan nang tanggihan niya ang Trinidad, ang doktrina na nagsasabing ang Diyos ay tatlong magkakapantay na persona na pare-parehong walang hanggan—Ama, Anak, at Espiritu Santo. Gayunman, sinasabing hindi tatlo ang diyos, kundi isa lang.
“ISANG BANTOG NA AKADEMIKO NA ITINAKWIL”
Pagkatapos ng masusing pananaliksik, naging konklusyon ni Whiston na ang Trinidad ay hindi itinuro ng unang mga Kristiyano kundi sinunod na lang ito nang makapasok na sa Kristiyanismo ang paganong pilosopiya. * Binabalaan siya ng mga kaibigan niya na huwag ilathala ang kaniyang mga natuklasan, pero hindi niya kayang bale-walain ang sa tingin niya’y pagpilipit sa katotohanan tungkol kay Jesus bilang Anak ng Diyos at isa na nilalang.
Ipinagbabawal ng University of Cambridge na manungkulan ang sinumang nagtuturo ng mga ideyang salungat sa doktrinang Anglikano; ibig sabihin, puwedeng matanggal sa puwesto si Whiston. Pero hindi nanahimik si Whiston—di-gaya ni Newton, na bagaman naniniwalang mali ang turo ng Trinidad ay hindi lantarang nagpahayag ng kaniyang pananaw. Isinulat ni Whiston: “Walang anumang makasanlibutang motibo . . . ang makapipigil sa akin.”
Dahil ayaw niyang ikompromiso ang paniniwala niya, si Whiston ay naging “isang bantog na akademiko na itinakwil”
Noong 1710, pinatalsik si Whiston mula sa Cambridge. Dahil ayaw niyang ikompromiso ang paniniwala niya, siya ay naging “isang bantog na akademiko na itinakwil.” Sa kabila nito, hindi siya pinanghinaan ng loob. Sa katunayan, bagaman pinaratangan siya ng erehiya, sumulat siya ng serye ng mga sanaysay na tinatawag na Primitive Christianity Revived—ang “primitive” ay tumutukoy sa orihinal na Kristiyanismong isinagawa ng unang mga tagasunod ni Jesus. Nang maglaon, itinatag ni Whiston ang Society for Promoting Primitive Christianity, na nagtitipon sa tahanan niya sa London.
Bagaman natanggal sa pagiging propesor at may panahong nagkaproblema sa pinansiyal, ipinagpatuloy ni Whiston ang pagsusulat at ang pagbibigay ng lektyur sa mga coffeehouse sa London. Para matulungan ang mga tao na maunawaan kung ano ang buhay noong magsimula ang Kristiyanismo, inilathala niya noong 1737 ang kaniyang salin sa mga akda ni Josephus. Mula noon, patuloy na itong inilathala.
Dahil sa kaniyang walang-takot na paninindigan na hindi naman sinuportahan ng mga tao, si Whiston ay itinuturing ng marami ngayon na “weird,” ang sabi ng awtor na si James E. Force. Pero hinahangaan naman siya ng iba bilang iskolar ng Bibliya, bilang isa na taimtim na naghahanap ng katotohanan sa relihiyon, at bilang taong determinadong mamuhay ayon sa kaniyang mga paniniwala.
^ par. 10 Malinaw na sinasabi ng Bibliya ang katotohanan tungkol sa Diyos. Para sa higit pang impormasyon, magpunta sa jw.org/tl. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > SAGOT SA MGA TANONG SA BIBLIYA.